Wednesday, 22 January 2025

Maedelin and Aljon's Wedding

 

Ang panahon ang siyang makapagsasabi kung ano ang itinakda ng Diyos sa tao.  Ayon sa Banal na Kasulatan na mababasa sa Aklat ng Mangangaral 3:11, “Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa simula hanggang sa wakas.”

‘Di nga ba’t Maedelin at Aljon, walang makapagsasabi na maging magkasintahan kayo sapagkat limang taon ang tanda mo Aljon kay Maedelin at ni hindi mo man lang nasilayan Maedelin ang anino ni Aljon sa Camaligan National High School, na pareho ninyong Alma Mater, dahil noong tumungtong ka sa nasabing paaralan ay nasa kolehiyo na si Aljon. Di nga ba’t walang makapagsasabi na nagte-text kayo sa bawat isa sapagkat wala ka namang cellphone noong mga panahong iyon Maedelin? Ni hindi nga alam ng pamilya niyo na naging kayo na bilang magkasintahan noong August 20, 2012. Sino nga ba ang makapagsasabing magkabalikan pa kayo pagkatapos ninyong magkahiwalay at nagkanya kanya kayong tumahak sa landas ng pag-ibig ng ibang tao? Sino nga ba ang makapagsasabing may magaganap na kasalang ito sa kadahilanang ayaw mong magpakasal Maedelin habang hindi ka pa nakakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET). Di nga ba’t kahit na nakapasa ka na Maedelin sa LET ay napunta ka pa sa Cavite at doon nabagabag ang iyong kalooban na naiwan mo sa Aklan si Aljon. Doon mo na lamang napagtanto na ang iniisip mo palagi ay ang sarili mong pangarap habang si Aljon naman ay patuloy na nangangarap para sa inyong dalawa.

Labing dalawang taon ng pagmamahalan na ang lumipas at ngayon nga ay dumating na ang takdang panahon para sa inyo upang magkaisang dibdib. Itong ginaganap na kasalan ay maituturing na kaloob ng Diyos gaya na lamang noong nag-isip ng malalim si San Jose tungkol sa kasal nila ni Santa Maria nang biglang nagpakita ang isang anghel sa kaniya sa isang panaginip at sinabing huwag mangambang tanggapin si Santa Maria bilang kanyang asawa (Mateo 1:20).

Subalit Maedelin at Aljon, kung ang kasal na ito ay kaloob sa inyo ng Diyos, pakatandaan niyo pa rin na kailangan ninyong pangalagaan ang inyong pagsasama. Sa buhay mag-asawa, hindi puro saya ang buhay, sapagkat paminsan-minsan mararanasan ninyong masaktan ng patago. Ililihim ninyo ang pagpatak ng luha at pipiliting ngumiti kahit na nasasaktan. Sa buhay ng isang may asawa, makapagsisinungaling kayo na kahit alam ninyong nakakapagod na ang mabuhay, sasabihin niyo pa ring kaya niyo pa. Sa buhay mag-asawa, kadalasang iniiwasan ang pagtatanong kung mahal niyo pa rin ang isat-isa at minsan din nakakawalang gana ang sagutin ang ganyang uri ng tanong. Kayat Maedelin at Aljon, matuto kayong magdasal bilang mag-asawa. Kung pareho na kayong nanghihinaan ng loob, Diyos ang Siyang gagabay sa inyo. Kung hindi kayo marunong magdasal bilang mag-asawa, malamang makakalimutan ninyo ang Diyos at makapag-isip kayo ng masama ukol sa inyong kasal.

Maedelin at Aljon, sasabihin kong muli na pangalagaan ninyo ang inyong pagsasama, sapagkat sinabi mismo ng ating Panginoong HesusKristo sa Marcos 10: 9 at sa Mateo 19: 6, “Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Ibig sabihin lamang nito ay wag na wag kayong mag-isip o magtangka man lamang umisip na maghiwalay kayo. Hindi dapat pumasok sa isipan ninyo na baka nagkamali kayo ng pagpasiya na magsama bilang mag-asawa. Datapuwat magdasal kayo bilang mag-asawa.

Maedelyn, ipagdasal mo na hindi magbago ang pagtingin sa iyo ni Aljon. Bihira sa isang lalake ang manahimik na lamang habang nagmamahal ng tapat. Hindi rin lahat ng lalake ay nakakaunawa sa kilos o galaw ng isang babae. Pero si Aljon, likas na sa kanya ang pagiging matiyaga at subok na rin ang lawak ng kanyang pang-uunawa.

Aljon, ipagdasal mo rin si Maedelyn na sana ay maligaya siya sa iyo bilang kanyang kabiyak. Ngunit hindi ibig sabihin nito Aljon na ang kaligayahan lamang ni Maedelyn ang nag-iisang kanais-nais sa inyong pagsasama. Kailangan ipagpaalam mo rin sa kanya ang iyong pangangailangan at wag mo nang antayin na manghula pa si Maedelyn kung ok ka lang ba.

Aljon at Maedelyn, ipagdasal ninyo na panatilihin ng Diyos sa puso ninyo ang pag-ibig ninyo sa isat-isa at pagpalain Niya ang inyong pagsasama. Ipagdasal ninyo na makakaya ninyong panindigan ang pangakong ginawa ninyo sa isat-isa at sa Diyos na magsasama kayo bilang mag-asawa hanggang sa dumating ang kamatayan.

Sana Aljon at Maedelyn, wag ninyong iasa ang lahat sa tadhana. Ayon nga sa isang kasabihan, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang kasal na ito ay biyaya ng Diyos sa inyo. Gawin ninyo ang lahat upang kayo ay maging biyaya sa isat-isa bilang mag-asawa, at ang pagsasama ninyo ay maging kalugod-lugod sa Diyos. Amen.


No comments:

Post a Comment