Byernes Santo noong taong 2008, katatapos pa lang ng prusisyon, at biglang may gumawa ng ingay sa aking likuran. Sila pala ang mga malapit kong kaibigan. Mayroon palang nagtext na naaksidente ang 25-year-old na anak na lalake ni Ms. Cristy. Hindi siya agad naniwala sapagkat alam niyang nagpapahinga sa bahay nila ang kanyang anak. Ngunit kalaunan nalaman niya na may sumundo sa anak niya at pilit na isinama sa lakaran at doon na nga naganap ang malagim na pangyayari. Namatay sa aksidente ang kanyang anak.
Kinabukasan, nakapunta pa ako sa
burol ng kanyang anak bago pumunta ng paliparan pauwi ng Aklan. Sabi sa akin ng
kasama ko na pagpayuhan (i-counseling) ko daw si Ms. Cristy upag maibsan ang
kanyang pagdadalamhati. Subalit wala akong imik na tiningnan lamang si Ms. Cristy
habang siya ay umiiyak. Ano bang sasabihin ko? Sasabihin ko bang tanggapin na
lamang niya ang kalooban ng Diyos? Kalooban ng Diyos? Di nga bat nagdarasal
siya araw-araw sa simbahan upang ilayo ang kanyang mga mahal sa buhay sa
kapahamakan? Kaya nga siya ay nagpapakabuti bilang isang ina upang mabiyayaan
ng Diyos. Tapos ang kalooban pala ng Diyos ay patayin ang kanyang anak? Bakit di
na lang yong mga di pumupunta sa simbahan o di kaya ang mga manloloko sa
kanilang asawa ang kunin ng Diyos? Mahirap sa gaya kong pari ang magsalita sa
taong mahirap unawain ang pinagdadaanan gaya ni Ms. Cristy.
Mga utol ko kay KristoHesus, kahit
mahirap man bigyan ng payo ang mga katulad ni Ms. Cristy, kailangan maipaalam
sa kanila ang pinagdaanan din ni Hesus. Sa loob ng Kwaresma, nagmumuni-muni
tayo kung anong hirap ang pinagdaanan ni Hesus. Hindi natin mauunawaan kung
bakit mangyayari ang isang masamang pangitain sa isang mabuting tao. Pinagtaksilan
Siya ni Hudas at tinalikuran naman ni Pedro. Nagtago ang ibang mga apostoles
habang sinasaktan ng mga sundalo si Hesus. Ipinako Siya sa krus at wala man
lang ni isa ang tumanggol sa Kanya. Namatay Siya at inilibing. Ngunit sa
ikatlong araw, Siya ay muling nabuhay (Marcos 16:1-7). Ang muli Niyang
pagkabuhay ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at gabay kung paano mamuhay bilang
Katoliko. Matutunan din natin na sa Kanyang muling pagkabuhay si Hesus ay
nagpatuloy sa Kanyang layunin (move on) at hindi nanatili sa Kanyang libingan. Si
Hesus ay kusang nagpatawad at hindi bumalik upang maghiganti o sumingil sa mga
nanakit sa Kanya. Si Hesus ay nagpahayag ng magandang balita at di bumalik
upang sumbatan ang lahat sa kanilang ginawa laban sa Kanya.
Sa Sabado de Gloria, tayo ay
hinihimok ng Simbahan na sundan ang yapak ni Hesus hindi lang sa Kanyang
pagpapakasakit kundi hanggang sa Kanyang pagkabuhay muli. Kung tayo man ay may
mga masamang pinagdadaanan o napagdaanan, kung maari namang wag nang balikan
ang taong nagdulot sa ating ng kabiguan, mag-move on na lang kasama ng mga
taong nagmamahal sa atin. Kung mayroon mang taong nakagawa ng kasamaan na
mahirap kalimutan, patawarin na lang at wag nang pag-usapan pa. Kung may mga
taong hindi tayo sinuklian ng kabutihan kahit tayo ay naging mabuti sa kanila,
ipagpatuloy na lang natin ang mamuhay na nagbibigay saya sa mga umaasa sa atin.
Kagaya ni Hesus, wag nating pahirapan ang ating mga sarili na nakakulong sa
pait ng nakaraan. Tayo ay maging malaya sa mga masamang nangyari sa atin at
maging sanhi at dahilan ng kasiyahan ng ating kapwa sapagkat gaya ni Hesus, pagkatapos
nating pagdaanan ang hirap, harapin natin ang katotohanan na may bagong buhay.
Ayon sa Roma 8:28, “At nalalaman
natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa IKABUBUTI ng mga
nagsisiibig sa Diyos…” Kung kagaya ni Hesus tapat din tayo sa pagmamahal natin sa
Diyos, ating uunawain na lahat ng kaganapan sa ating buhay ay para sa ikabubuti
ng ating kaluluwa. Happy Easter.




