Wednesday, 31 March 2021

Huwebes Santo 2021

 


Ang misa sa hapon ng Huwebes Santo ay hudyat ng simula ng Triduo ng Paskuwa, na magpapatuloy sa liturhiya ng Biyernes Santo hanggang sa umabot sa mataas na rurok nito sa gabi ng Sabado o sa Bihilya ng Muling Pagkabuhay. Ang Triduo ang siyang dapat pag-ukulan ng pansin at panahon ng mga Katoliko sapagkat ang mga araw na ito ang pinaka-banal sa buong kalendaryong liturhika ng Simbahan. Kailangang maunawaan ng bawat Katoliko na hindi tuwing may prusisyon lamang o sa Byerners Santo lamang sila magsisimba. Kinakailangan magsimba sila mula Huwebes hanggang sa Sabado de Gloria. Sa mga araw na ito ginugunita at sinasariwa natin ang dakilang pagmaMAHAL ng Diyos sa sanlibutan (Juan 3:16).

Ngayong nasa New Normal, hindi lahat ay makakapagdalo sa mga gawain sa Simbahan. Subalit maaari nilang gunitain at sariwain ang pagmaMAHAL ng Diyos…

sa Huwebes Santo, inaalala natin ang ginanap na Huling Hapunan ni Hesus kasama ng mga alagad Niya. Napapaloob dito ang paghugas ng mga paa, ang pagtatag ng banal na sakramento ng pagpapari at ng kumunyon. Ang kahulugan at diwa ng lahat ng ito ay ang pagpakumbaba at paglilingkod sa isa’t isa dahil sa pag-ibig o pagmamahal (Juan 13:3-17).

Mainam na sa araw na ito, sabay-sabay ang buong pamilya na magsalo-salo sa kanilang hapunan at pag-usapan ang dakilang pagmamahal sa kanila ng Diyos. Mas nakakabuti rin na maipamalas ng bawa’t isa ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng kanilang pagsisilbi sa pamilya at sa Diyos.

Misa ng Krisma

 


Ang Misa ng Krisma ang nag-iisang misa sa umaga ng Huebes Santo na iniaalay ng lahat ng mga pari sa iisang diosesis sa pamumuno ng kanilang Obispo. Sa misang ito sinasariwa ng mga pari ang kanilang sinumpaang tungkulin sa Diyos, sa pagsunod sa kanilang Obispo at mga atas o turo ng Simbahan. Ang mga pari ay nangangakong isasabuhay nilang muli ang buhay ng pagsisilbi sa Diyos at sa sambayanan.

Sa araw na ito hinihikayat ang mga Katoliko na ipagdasal ang kanilang mga pari at lalo na ang kanilang Obispo. Mainam na maipadama ng mga Katoliko na mahalaga sa kanila ang kanilang mga pari. Sa ibang mga masayahing Katoliko, malaking bagay sa kanila na makasalo ang mga mahal nilang pari sa kanilang pananghalian sa araw na ito o makapagbigay ng regalo. Ito ang araw upang ipadama sa mga pari na hindi sila nag-iisa sa buhay dahil maraming nagmahahal sa kanila bilang mga alagad ng Diyos.

Saturday, 27 March 2021

Palm Sunday 2021

 

ctto of the photo

Ngayong araw ay tinatawag ng mga Katoliko na Palm Sunday at ilang saglit lang ay tatawagin din itong Passion Sunday. Bakit? Palm Sunday, sapagkat ginugunita ng Simbahan ngayon ang matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem, kung saan ang karamihan sa mga tao ay may dalang mga sanga ng palma (Juan 12:13/Marcos 11:1-10). Tinatawag itong Passion Sunday sapagkat ang Passion Narrative ay binabasa sa Linggong ito sa loob ng misa.

Ano ba ang kahulugan ng mga palma sa mga Katoliko?  Ito ay hindi anting-anting o ginagamit ng mga manggagamot upang palayasin ang mga masamang espiritu o di kaya ay pananggalang sa anumang makakapinsala sa tao. Ito ay nagsisilbing paalaala sa mga Katoliko at sa lahat ng mga tao tungkol sa tagumpay ni Hesus bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang sigaw nga ng mga tao ayon kay Marcos 11:1-10, “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!”

Ang mga palma na binasbasan ng pari ay dapat iniuwi at inilalagay sa isang sulok o bahagi ng bahay bilang isang patotoo ng isang Katoliko sa kanyang pananampalataya kay HesuKristo bilang kanyang Tagapagligtas.

Sa kadahilanan na nasa New Normal tayo, hindi lahat ay makakapunta sa Simbahan na dala ang kanilang palma. Gayunpaman, mas mainam na maglagay ng palma o berdeng dahon sa kanilang “home altar” o pintuan. Sa pamamagitan nito, isinasapuso nila bilang katoliko ang karanasan ng tagumpay ni Hesus bilang Tagapagligtas nila at ng kanilang tahanan.

Tuesday, 16 March 2021

5th Sunday of Lent (with emphasis on the 500 Years of Christianity in the Philippines)

 


Ang Mabuting Balita ayon kay Juan (12:20-33) ang nagsabi na si Hesus ay nababagabag sa mangyayari sa Kanya. Napapaisip Siya kung sasabihin niya, “Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito –upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.”

Ang mga salitang ito ni Hesus ay mahirap unawain. Kahit nga ang isang pangulo ng Pilipinas ay nagpakita ng kanyang inis dito nang sinabi niya (noong Disyembre 29, 2018), “Yong Diyos mo, pinako sa krus. (Bad word) Nakakawala ng bilib. Ako ang Diyos, tapos ipako mo ako? (Bad word) Sabihin ko, ‘Lightning, ubusin mo ito. Sunugin mo lahat ng mga erehes.”

Talagang napakahirap unawain kung bakit kinakailangan pa ng Diyos na ipadala ang Kanyang Anak sa mundo, pahirapan at patayin ng mga tao, upang iligtas lamang ang lahat sa kasalanan. Mahirap unawain kung ang kasaysayan o pangyayari ay naisama o naihalo sa pagsasalaysay tungkol sa Diyos. Upang maunawaan ang mga dinaanan ni Hesus, hindi kung sinong historian o sociologist ang maaring magbigay ng pagpaliwanag ukol dito. Hindi kasi “pure history” o di kaya ay “highlighted social event” ang pinapaliwanag tungkol kay Hesus kundi isang pagsisiwalat ng kaganapan na may espiritwal na kahulugan. Kakailanganin ng tagapagpakinig ng pananampalataya upang maunawaan ang mga pinagdaanan ni Hesus para lamang ang sanlibutan ay mailigtas sa kasalanan.

Ganito rin ang nararamdaman ng ibang mga Katoliko kung bakit pa ipagdiwang ng Simbahan ang ika-500 na taon ng Kristyanismo sa bansa. Kahit na nga ang isang pangulo ng bansa ay nagsabi (noong Hunyo 7, 2019), “Yung Church, centennial now, 500 years of Christianity. Really? What’s so special? I just keep it confidential. Ba’t ako mag-celebrate ng…? I celebrate the start of the subjugation of my country for 400 years?”

Sa muli, mahirap unawain lalo na kung ang batayan lamang ay ang kasaysayan at hindi isinaalang-alang ang kasaysayan ng pananampalataya. Ang ipinagdiriwang ng Simbahan ay hindi kung ano ang nangyari lamang ayon sa kasaysayan. Kung pagmasdan nga ng mabuti, mas mabuti pang kalimutan ang nangyari noon sapagkat ang mga kasamahan ni Magellan pagkatapos maganap ang Battle of Mactan, ay pinapatay ni Humabon sa mga tauhan niya na walang kalaban-laban. May ibang nakasaksi nito at nakaligtas kasama si Antonio Pigaffeta na sumulat ng talaarawan tungkol dito. Ang sabi nga ay nagpabinyag lamang sina Humabon upang maging ka-alyansa nila sina Magellan laban kay Lapu-Lapu. Ang pagkamatay ni Magellan sa Battle of Mactan ay nagpamalas ng tapang ng isang Pilipino gaya ni Lapu-Lapu. Ngunit ang pagpatay ni Humabon sa mga kasamahan ni Magellan sa pamamagitan ng isang paglinlang (o patraidor) ay isang karuwagan.

Ano nga ba ang dapat ipagdiwang ng mga Kristyanong Pilipino sa unang pagdating ng mga Espanyol sa bansa? Hindi ang kasaysayan mismo ang ipinagdiriwang sa ika-500 na taon ng Kristyanismo kundi ang pagdating ng “Mabuting Balita” tungkol kay Hesus na bugtong Anak ng Diyos. Sabi nga sa homiliya ni Pope Francis (noong Marso 14, 2021 na isinalin sa wikang Filipino), “Minamahal na mga kapatid, limang daang taon na ang lumipas mula nang unang dumating ang mensahe ng Kristyano sa Pilipinas. Natanggap ninyo ang kagalakan ng Ebanghelyo: ang mabuting balita na minahal tayo ng Diyos kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang Anak para sa atin. At ang kagalakan na ito ay maliwanag sa inyong bayan. Nakita namin ito sa inyong mga mata, sa inyong mga mukha, sa inyong mga awit at sa inyong mga panalangin. Sa kagalakan dinala niyo ang inyong pananampalataya sa ibang mga lupain…”

Sa mga Pilipinong nababahala dahil sa tuwing sasambitin ang salitang Kristyanismo na dala ng mga Espanyol naaalala nila ang kalupitang dinanas ng mga kababayan sa mga kamay ng mga Espanyol, kinakailangan maging maliwanag sa kanila na hindi ang kasaysayang iyon ang ginugunita kundi ang pagkilala sa kadakilaan ng Diyos na Siyang gumawa ng ating kasaysayan upang makarating sa ating bansa ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus. Gaya ni Hesus, masasabi natin sa Diyos, “Ama, parangalan mo ang iyong pangalan” (Juan 12: 33). Mantakin niyo apatnapung apat na taon pa ang lumipas magmula nang dumating at namatay si Magellan sa bansa bago bumalik ang mga Espanyol ngunit ang imahen ng Sto. Niño na binigay nila Magellan sa asawa ni Humabon ay nadatnan pa rin nila na pinahalagahan ng mga katutubo. Dito pa lang masasabi na kahit ayaw ng mga Pilipino ang pamahalaan na dala ng mga dayuhang Espanyol, tanggap naman nila ang pagpakilala ng mga dayuhang iyon sa Diyos na Ama ni Hesus.

Mahirap marahil kahit sa panahon ngayon sa karamihang Pilipino ang dakilain ang Diyos at pahalagahan ang pagdating ng Kristyanismo limang daang taon na ang nakalipas sa tuwing naaalala nila ang kasaysayang inalipin sila ng mga Espanyol. Mas natatandaan nila si Padre Damaso na isang likhang-isip lamang ni Rizal upang maipakita ang kawalang-hiyaan ng mga prayle ngunit ni isa man lang ay hindi nakakaalam tungkol kay Fray Domingo de Salazar (1581-1594) na nakipaglaban sa kapwa niya Espanyol upang ipagtanggol ang mga Pilipino. Mas dumarami ang bumabatikos sa Simbahang Katolika at ginagamit nila ang nakalipas na kasaysayan upang ipamukha sa Simbahan ang kasalanan nito ngunit hindi nila naiisip na ang mga kinamumuhian nila sa Simbahan noon ay napaalis na noong natalo ng Amerika ang mga Espanyol. Kahit mayroon mang nanatili sa bansa, wala na rin silang kapangyarihan sapagkat karamihan sa kanilang simbahan at ari-arian ay kinuha na sa kanila nang sakupin ng Amerika ang Pilipinas. Higit sa lahat, sa pamumuno ng bansang Amerika sa bansang Pilipinas, itinalaga ang pagkahiwalay ng Simbahan at Estado. Dagdag pa sa kaalaman ng lahat, ang Simbahan noong panahon ng Espanyol sa Pilipinas ay hawak ng Espanya at hindi ng Roma dahil sa tinatawag na “patronato real”. Ang ibig sabihin nito ay ang Espanya ang siyang nagpapatakbo ng Simbahan sa Pilipinas at hindi makikialam ang Roma. Samakatuwid, nang pinaalis ng Amerika ang mga Espanyol sa bansa, gaya ng Sto. Niño de Cebu, ang Simbahan ay naiwan sa Pilipinas.

Ngayon, ano nga ba ang dapat ipagdiwang ng mga Kristyanong Pilipino sa unang pagdating ng mga Espanyol sa bansa? Ang karapat-dapat na ipinagdiriwang ng Simbahan ay ang mahiwagang pagdating ng Mabuting Balita sa bansa at pananatili nito dahil sa pananampalataya ng mga Pilipino kahit anuman ang nangyari sa kasaysayan ng bansa. Ang Simbahan na siya ang tagapagpahayag ng Mabuting Balita ay gaya ni Hesus dumanas din ng matinding hirap sa kamay ng mga tao. Katulad ni Hesus (Juan 12:20-33) napapaisip siya kung sasabihin rin niya, “Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito –upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.”

Sa pagtatapos ng paglilining na ito, mainam na tingnan natin ang ilan sa kasaysayan ang pinagdaanan din ng Simbahan. Noong 1872, pinatay ang tatlong pari na sina Padre Gomez, Padre Burgos at Padre Zamora. Noong 1899, isinaad sa Malolos Constitution na kinikilala ang kalayaan ng lahat ng relihiyon (ng lahat ng kulto) at hindi lang ang Simbahan Katolika. Noong 1902, humiwalay ang ibang mga pari sa Simbahan at itinatag ang Iglesia Filipina Independiente na kinikilala ngayon bilang Aglipayans. At sa panahong namuno ang bansang Amerika sa Pilipinas (1900), ipinasok ang mga Protestante sa bansa na kung saan sila ang nagsilbing tagapagturo sa pampublikong paaralan na itinatag ng mga Amerikano sa bansa. Iilan lamang ito sa mga pinagdaanan ng Simbahan subalit gaya ni Hesus, itinuloy pa rin ng Simbahan ang ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon na nagsimula noong limang daang taon na lumipas. Marapat ngang sabihin ng bawat Kristyano, “Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.” Amen.

Sunday, 14 March 2021

4th Sunday of Lent

 


Ano ang nagpapasaya sa tao? Marahil gaya ng karamihan ang isasagot sa tanong na ito ay pera, bagong cellphone, boyfriend, ex girlfriend, asawa at anak, atbp. Sa Linggong ito na tinatawag na Laetare Sunday o Linggo ng Kagalakan, mainam na bigyan pansin natin kung ano ang dapat ikagalak ng tao sa mundong ito. Ano nga ba ang siyang tunay na nagpapasaya sa tao?

Sa unang binasa (2 Cronica 36: 14-16;19-23), ang mga taong pinili ng Diyos ay tumalikod sa Kanya. Nagpakasaya sila habang naiwaglit sa kanilang isipan at puso ang Diyos hanggang sa dumating ang hindi kanais-nais sa kanilang buhay. Ilang taon ring silang naghirap hanggang sa iniligtas sila ng Diyos sa pamamagitan ng isang hari ng Persia na si Ciro. Sila ay pinahintulutan ng hari na pumunta sa Jerusalem, ang tagpuan ng Diyos at ng tao. Ibig sabihin lamang nito na kahit ano pa ang mayroon ang isang tao, kung wala ang Diyos sa kanya, ay hindi niya matatagpuan ang tunay na kasiyahan. Walang dahilan upang magalak kung wala ang Diyos sa buhay. Ang tao na ginagabayan ng Diyos, kahit salat sa buhay, ay may dahilang magalak dahil nasa kanya ang Diyos.

Dagdag pa dito, sa ikalawang pagbasa (Efeso 2:4-10), mababasa na ang tao na ang kasiyahan ay galing sa Diyos, hindi nakakalimot na siya ay nilikha upang iukol ang kanyang buhay sa paggawa ng mabuti. Dahil dito masasabi na ang taong naninira sa kanyang kapwa ay taong hindi masaya. Ang taong nananakit ng kapwa ay hindi nagagalak sa kung ano mayroon siya sa buhay. Ang taong laging nakikita ang kamalian ng iba at wala naman siyang ginagawa upang maituwid ang ginawang mali ay walang kasiyahan na galing sa Diyos. Ang sukatan ng kasiyahan ng tao kapag ito ay galing sa Diyos ay makikita sa kanyang kabutihan.

Masasabi nga na ang kasiyahan ay makikita lamang kung kasama ng tao ang Diyos. At kapag natagpuan na ng tao ang kasiyahang iyon, ang mga gawain niyang mabuti ay siyang naging bunga ng kanyang kagalakan.

Sa panahon ng Kwaresma, lalo na ngayong Laetare Sunday, ipinapaalala sa atin na kung may tao mang hindi masaya sa buhay, kailangan lamang niyang lumapit sa Diyos. Masakit ang mawalan; pero kahit mawala pa ang lahat, kapag ang Diyos ay nandidiyan, tiyak na may pag-asa pang sumaya at magalak sa buhay.

Marami-rami na rin ang kumitil ng sarili nilang buhay sapagkat nalugmok sila sa kahirapan at sa dami ng suliranin sa buhay. Sinisisi nila ang Diyos sa kanilang pinagdadaanan. Ito lagi ang pagkakamali ng karamihan: Akala nila pinabayaan sila ng Diyos. Sa halip na lumapit sila sa Diyos, kusa silang lumayo hanggang sa ang huli nilang nakikita ay ang madilim na landas ng kanilang buhay. Sana sa nalalapit na Semana Santa, maabot ng isipan ng lahat na kahit ano pa ang nangyayari sa ating buhay, hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Nais Niyang maging masaya tayo sa Kanyang pagmamahal. Kaya nga’t maririnig sa Mabuting Balita (Juan 3: 14-21), na gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapapahamak. 

Sa panahon ngayon at sa darating pang panahon, manawari na magalak tayo sa Panginoon, maging masaya ayon sa kalooban ng Diyos.

Sunday, 7 March 2021

3rd Sunday of Lent

 


Ating narinig ayon sa Mabuting Balita (Juan 2:13-25) na si Hesus, gaya ng mga ginagawa ng mga Judio sa panahon Niya, pumunta Siya doon sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa o Passover. Ngunit nang nandoon na Siya, nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa Siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mangangalakal, pati mga baka at tupa at saka sinabi Niya sa kanila, “Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”

Sinong ama ang tinutukoy ni Hesus dito?

Bilang mga Kristyano, alam na natin na si Hesus ay ang nag-iisang Anak ng Diyos. Ngunit sa panahon ni Hesus, mahirap mapaniwalaan ito. Ayon nga sa Mabuting Balita (Marcos 13: 55-57), hindi pinaniwalaan ng mga tao si Hesus at bagkus inalispusta pa nila ito nang sabihin nila, “Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero?” Si Jose ang kinikilala ng mga tao noon na ama ni Hesus.

Ang tanong, bakit kinakailangan pa ng isang Jose na tumayong ama ni Hesus kung mayroon na nga Siyang Ama na ating Diyos?

Hayaan niyo muna akong magpaliwanag tungkol dito. Sa mga Judio, may tinatawag silang “mamzer” na hawig sa tinatawag nating “bastardo” o anak sa labas. Ngunit ang “mamzer” ay may mas malalim na kahulugan kaysa sa bastardo o anak sa labas. Ang “mamzer” ay anak ng isang Judiong babae at Judiong lalake sa kanilang makasalanang ugnayan (relasyon) gaya ng “incest” na pinapatawan ng parusang “kareth”. Ganoon din naman sa babaeng may asawa na nagkaanak sa hindi niya asawa, “kareth” ang karampatang parusa sa babaeng iyon at sa di kilalang lalakeng nakabuntis sa kanya. Ang tinatawag na “kareth” ay ang pagkitil ng kaluluwa ng tao. Ang bata o ang bunga ng kanilang pagkakasala ay tinatawag na “mamzer”. Hindi man kasalanan ng isang “mamzer” ang kasalanang ginawa ng kanyang mga magulang subalit ang sabi sa Deuteronomio 23:2 “Sinumang “mamzer” ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi.”

Dahil dito, mauunawaan natin ang malaking papel na gagampanan ni San Jose sa buhay ni Hesus. Alam ng Diyos na mahirap paniwalain ang mga tao sa panahon ni Hesus na kilalanin Siya na Anak ng Diyos kahit inaamin pa ito ni Hesus na Siya nga (ay Anak ng Diyos) kayat itinakda Niya si Jose na tumayo bilang ama ni Hesus sa harap ng lahat. Kung hindi pinakasalan ni Jose si Maria, si Hesus ay maituturing na isang “mamzer”. Mahirap ang mamuhay na isang “mamzer” ngunit kung maipamalas niya ang kanyang galing at kakayahan lalo na sa pag-aaral ng Torah (mga banal na utos ng Diyos), may katiyakan na gaganda ang katayuan niya.

Ngayon, si San Jose ay masasabing hindi isang palamuti lamang kundi may isang mahalagang papel na ginampanan sa buhay nina Maria at Hesus. Sa pagpapakasal ni Jose kay Maria, nailigtas niya si Maria sa “kareth”. Nailigtas rin ni San Jose na maging “mamzer” si Hesus.

Sa gabing ito (sa misang ito), sana ay mabigyan natin ng halaga ang patron ng ating parokya na si San Jose. Si San Jose ng Banga, siya ang tagapagligtas sa mga taong namumuhay sa makasalanang ugnayan (relasyon) upang huwag maparusahan ng “kareth”.  Si San Jose ng Banga, siya ang tagapagligtas ng mga mag-asawang napapagod na sa kanilang pagsasama upang maipanumbalik ang dating sigla ng kanilang pagmamahalan. Si San Jose ng Banga, siya ang tagapagligtas ng mga mag-asawang sinusubok ng panahon ang kanilang pagsasama. Si San Jose ng Banga, siya ang tagapagligtas ng mga kabataan o mga batang napababayaan ng kanilang mga magulang o ama. Si San Jose ng Banga, siya ang magtuturo sa mga lalake na maging karapat-dapat na pakasalan at maging asawa. Sana ang mga Katoliko sa Banga o kahit sa labas ng Banga, ay lumapit kay San Jose upang hilingin sa kanya ang kaligtasan ng lahat na may asawa at pati na rin ang buong pamilya.