Thursday, 30 May 2024

Mae and Jesse John's Wedding

Mae at Jesse John, sa mga sinaunang panahon, ang hinahanap ng lalake at babae bago sila magpakasal ay isang perfect love. Subalit sa dami nang ikinasal, ang malimit na maririnig sa mga mag-asawa pagkatapos ng ilang taon nilang pagsasama ay walang perfect love.

Mae, bilang professional teacher, alam mo na walang perfect sa buhay kaya nga’t may tinatawag tayong margin of error sa pagsasaliksik. Ang margin of error ay isang batayan na sa buhay ay may kakulangan o may magawang kamalian na maaaring tanggapin ng tao. Ang margin of error ay hindi ginagamit upang maghanap o magbilang ng kakulangan o kamalian. Ang totoong layunin kung bakit ginagamit ang margin of error ay ang tukuyin ang level of confidence o tiwalang kayang ibigay ng isang tao kahit may makita siyang mali o kakulangan.

Mae at Jesse John, kung susuriin ang pag-iisang dibdib niyo ngayon, mataas na level of confidence ang maibibigay ninyo. Galing kayo sa iisang barangay. Magkaeskwela o schoolmate kayo mula sa elementarya hanggang sa makapagtapos kayo sa mataas na paaralan ng Camaligan. Pareho kayong mahilig manood ng K-Drama. Pareho kayong sumasabay sa mga trip o jokes sa bawat isa. Kaya nga’t ramdam niyo na close kayong dalawa.

Subalit kahit kayo ay malapit na sa isat-isa, hindi nagbabago at hindi mababago na walang perfect love. Di nga ba at naitanong mo Mae kay Jesse John baka may magagalit sa closeness niyo? Di nga ba’t parang mahirap paniwalaan na umakyat ng ligaw si Jesse John sa iyo, Mae? Di nga ba’t pinag-isipan mo pang mabuti Mae kung tatangapin mo si Jesse John kahit malayo siya sa isang ideal man mo noon? Di nga ba’t magka-opposite attraction kayo? At kahit kayo na bilang magkasintahan ay hindi niyo ito inihayag sa kahit sinuman at nararamdaman ninyo na magkaiba pala ang magkausap kayo sa personal kaysa sa chat. At kahit sa araw na ito kung saan naayos niyo na ang lahat sa inyo pero nagbabadya naman ang sama ng panahon at brownout. Ang mga pinagdaanan niyong iyan at lalo na sa paghahanda niyo sa inyong kasal na ito ay nagpapahiwatig na walang perfect life sa mundo. Sa buhay mag-asawa,  kahit marami pa silang ipon o may narating na sa buhay, may makikita pa ring kakulangan kung hindi kamalian.   

Mae at Jesse John, kung walang perfect love, ano ang silbi ng kasal? Sa kasal, ang hinahanap natin sa isang babae at sa isang lalake ay ang true love. Sa panahon natin ngayon na laganap ang fake news, ang hanap natin ay isang tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ay hindi mapanlinlang. Hindi rin ito isang huwad o di kaya ay kathang isip lamang. Ang tunay na pag-ibig ay yong di umaayaw kahit ito ay nahihirapan; hindi bumibitaw, kahit ito ay pinaghihinaan ng loob; umaasa kahit nagugulumihan, nagmamahal pa rin kahit sa gitna ng kadiliman, at higit sa lahat, kahit gustuhin niyo mang pakawalan ang isat-isa, ayaw ng Diyos na mangyari ito sa inyong dalawa. Ito ang tunay na pag-ibig.

Mae at Jesse John, alam niyo ang ibig sabihin ng tunay na pag-ibig. Noong taong 2019, di nga ba’t muntikan na kayong sumuko sa tindi ng pagsubok na dumating sa inyong buhay upang suriin Ninyo ang inyo kakayahan at kahinaan? Ngunit heto kayo ngayon sa awa ng Diyos, upang ipahayag sa mundo na may tunay ngang pag-ibig. May tunay na pag-ibig kay Jesse John, Mae. Mae, tunay kang umiibig kay Jesse John. Mae at Jesse John, itinakda talaga ng Diyos na ikasal kayo sa araw na ito. Ang May 29 ay maaring basahing May 2 – 9 (tu-nay). Ang 2 (two) ay kayong dalawa bilang mag-asawa at yong 9 (nine), ay ang mga buwan na bibilangin ninyo upang magkaroon kayo ng anak. Mae at Jesse John, ito ang araw na ginawa ng Panginoon sa mga may tunay na pag-ibig. Tanggapin ninyo na ang petsang ito ay isang hudyat na ang kasal na ito ay nabuo dahil may tunay na pag-ibig kayo sa isat-isa.

Tuesday, 14 May 2024

Ano ang PhD?

 

PhD ka? Doktor na ang tawag sa iyo? Eh di magsimula ka ng manggamot! Yan ang madalas kong marinig sa pagtatapos ko sa Doctor of Philosophy Major in Educational Management. Mabuti na nga lang at doktor na ako. Ayaw kung makipag-baliktaktakan sa mga taong malayo man ang narating sa buhay ayon sa kanilang paningin eh puno naman ng inggit ang buong katawan at walang galang. Walang gamot sa inggit at makitid ang utak. Ang sabi ng dati kong professor sa philosophy, the late Msgr. Adolpo P. Depra PhD, ang paksang pinag uusapan ng tao ay tumutukoy sa kung anong utak mayroon ang tao. Ang pinakamababang uri ng paggamit ng utak ay ang pagtatalakay ng buhay ng ibang tao upang may mapag-usapan na ikasisira nito. Ngunit ang mataas na antas ng paggamit ng utak ay sumusuri ng ideya at pinalalawak ang isip upang makabuo ng mga gawain sa ikabubuti ng karamihan kung hindi man ito para sa lahat. Sa pagsasaliksik gamit ang utak, ang PhD ay pinakamataas na baitang na mararating ng isang tao kaya ang tawag sa sinumang nakarating rito ay doktor. Ako ay Doctor of Philosophy at hindi Doctor of Medicine, kaya’t isang kamangmangan o di kaya ay kahangalan ang sabihing maari na ako manggamot ng anumang uri ng sakit ng katawan. Kung meron man akong gagamutin, iyon ang mga utak na nagnanais na may mapag-aralan sa buhay. Ang gamot sa kamangmangan ay kaalaman.

Kaalaman –yan ang dahilan kung bakit kailangang mag-aral ng mag-aral. Sa simula ng klase namin sa Ed 103, tinalakay agad ni Doc Ersyl T. Biray ang paksang, “What a PhD is and what it is not.” Marami kasing nagsasabi na ang ibig sabihin ng PhD ay “Puro Hangin ang Dala.” Maaring totoo ito sa iba, ngunit hindi sa pangkalahatan. Sa mga naging kaklase ko sa PhD, mula sa simula hanggang sa katapusan, wala akong narinig sa kanila na kahambugan. Ang tanging masasabi ko kapag nakasama sila, “may mayad nga tinu-an, may mayad nga batasan.” Lahat sila ay kilala kung hindi man tanyag sa kanilang pinaglilingkurang paaralan. Manghang-mangha ako sa galing na taglay nila. Maraming wala sa akin na mayroon sila ngunit sila na mismo ang kusang umalalay sa akin upang hindi ako mawala. Kahit pa man sa paniniwala ay magka-iba kaming lahat, malaking pasalamat na ang bawat isa ay nakakaunawa.

Hindi madali ang PhD. May mga kaklase akong may asawa’t anak. Mahirap ipagkasya ang oras nila tuwing sabado at linggo sa pamilya at pag-aaral. May mga nakatira pa sa malalayong lugar. Mahirap magbyahe sa kanila lalo na ang karamihan ay nagmomotorsiklo. May mga gawain sila sa kanilang mga pinapasukang paaralan, ngunit kailangan magpuyat para sa research at reporting. Hindi lang utak ang napapagod kapag nagnais mag PhD kundi ang buong katawan. Higit sa lahat, mahirap kung kukulangin pa sa pera. Hindi pa naman mababawi ang nagastos na pera at sakripisyo kahit nakapagtapos na. Ngunit salamat. Nakaraos din naman. Kung hindi lang masaya makasama ang mga kaklase ko, sa unang araw pa lang ako ay sumuko na. Ang PhD pala ay hindi sagisag o titulo lamang; at ang makakaalam kung ano ito ay ang mga nakapagtapos at pinarangalan ng PhD sa pangalan nila.