Ang panahon ang siyang
makapagsasabi kung ano ang itinakda ng Diyos sa tao. Ayon sa Banal na Kasulatan na mababasa sa Aklat
ng Mangangaral 3:11, “Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan.
Ang tao’y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan
ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa simula hanggang sa wakas.”
‘Di nga ba’t Maedelin at Aljon,
walang makapagsasabi na maging magkasintahan kayo sapagkat limang taon ang
tanda mo Aljon kay Maedelin at ni hindi mo man lang nasilayan Maedelin ang
anino ni Aljon sa Camaligan National High School, na pareho ninyong Alma Mater,
dahil noong tumungtong ka sa nasabing paaralan ay nasa kolehiyo na si Aljon. Di
nga ba’t walang makapagsasabi na nagte-text kayo sa bawat isa sapagkat wala ka
namang cellphone noong mga panahong iyon Maedelin? Ni hindi nga alam ng pamilya
niyo na naging kayo na bilang magkasintahan noong August 20, 2012. Sino nga ba
ang makapagsasabing magkabalikan pa kayo pagkatapos ninyong magkahiwalay at
nagkanya kanya kayong tumahak sa landas ng pag-ibig ng ibang tao? Sino nga ba
ang makapagsasabing may magaganap na kasalang ito sa kadahilanang ayaw mong
magpakasal Maedelin habang hindi ka pa nakakapasa sa Licensure Examination for
Teachers (LET). Di nga ba’t kahit na nakapasa ka na Maedelin sa LET ay napunta
ka pa sa Cavite at doon nabagabag ang iyong kalooban na naiwan mo sa Aklan si
Aljon. Doon mo na lamang napagtanto na ang iniisip mo palagi ay ang sarili mong
pangarap habang si Aljon naman ay patuloy na nangangarap para sa inyong dalawa.
Labing dalawang taon ng
pagmamahalan na ang lumipas at ngayon nga ay dumating na ang takdang panahon
para sa inyo upang magkaisang dibdib. Itong ginaganap na kasalan ay maituturing
na kaloob ng Diyos gaya na lamang noong nag-isip ng malalim si San Jose tungkol
sa kasal nila ni Santa Maria nang biglang nagpakita ang isang anghel sa kaniya
sa isang panaginip at sinabing huwag mangambang tanggapin si Santa Maria bilang
kanyang asawa (Mateo 1:20).
Subalit Maedelin at Aljon, kung
ang kasal na ito ay kaloob sa inyo ng Diyos, pakatandaan niyo pa rin na kailangan
ninyong pangalagaan ang inyong pagsasama. Sa buhay mag-asawa, hindi puro saya
ang buhay, sapagkat paminsan-minsan mararanasan ninyong masaktan ng patago. Ililihim
ninyo ang pagpatak ng luha at pipiliting ngumiti kahit na nasasaktan. Sa buhay
ng isang may asawa, makapagsisinungaling kayo na kahit alam ninyong nakakapagod
na ang mabuhay, sasabihin niyo pa ring kaya niyo pa. Sa buhay mag-asawa, kadalasang
iniiwasan ang pagtatanong kung mahal niyo pa rin ang isat-isa at minsan din
nakakawalang gana ang sagutin ang ganyang uri ng tanong. Kayat Maedelin at
Aljon, matuto kayong magdasal bilang mag-asawa. Kung pareho na kayong nanghihinaan
ng loob, Diyos ang Siyang gagabay sa inyo. Kung hindi kayo marunong magdasal
bilang mag-asawa, malamang makakalimutan ninyo ang Diyos at makapag-isip kayo
ng masama ukol sa inyong kasal.
Maedelin at Aljon, sasabihin kong
muli na pangalagaan ninyo ang inyong pagsasama, sapagkat sinabi mismo ng ating
Panginoong HesusKristo sa Marcos 10: 9 at sa Mateo 19: 6, “Ang pinagsama ng
Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Ibig sabihin lamang nito ay wag na wag
kayong mag-isip o magtangka man lamang umisip na maghiwalay kayo. Hindi dapat
pumasok sa isipan ninyo na baka nagkamali kayo ng pagpasiya na magsama bilang
mag-asawa. Datapuwat magdasal kayo bilang mag-asawa.
Maedelyn, ipagdasal mo na hindi
magbago ang pagtingin sa iyo ni Aljon. Bihira sa isang lalake ang manahimik na
lamang habang nagmamahal ng tapat. Hindi rin lahat ng lalake ay nakakaunawa sa
kilos o galaw ng isang babae. Pero si Aljon, likas na sa kanya ang pagiging
matiyaga at subok na rin ang lawak ng kanyang pang-uunawa.
Aljon, ipagdasal mo rin si
Maedelyn na sana ay maligaya siya sa iyo bilang kanyang kabiyak. Ngunit hindi
ibig sabihin nito Aljon na ang kaligayahan lamang ni Maedelyn ang nag-iisang
kanais-nais sa inyong pagsasama. Kailangan ipagpaalam mo rin sa kanya ang iyong
pangangailangan at wag mo nang antayin na manghula pa si Maedelyn kung ok ka
lang ba.
Aljon at Maedelyn, ipagdasal
ninyo na panatilihin ng Diyos sa puso ninyo ang pag-ibig ninyo sa isat-isa at
pagpalain Niya ang inyong pagsasama. Ipagdasal ninyo na makakaya ninyong
panindigan ang pangakong ginawa ninyo sa isat-isa at sa Diyos na magsasama kayo
bilang mag-asawa hanggang sa dumating ang kamatayan.
Sana Aljon at Maedelyn, wag
ninyong iasa ang lahat sa tadhana. Ayon nga sa isang kasabihan, “Nasa Diyos ang
awa, nasa tao ang gawa.” Ang kasal na ito ay biyaya ng Diyos sa inyo. Gawin
ninyo ang lahat upang kayo ay maging biyaya sa isat-isa bilang mag-asawa, at ang
pagsasama ninyo ay maging kalugod-lugod sa Diyos. Amen.









.jpg)



