Friday, 29 April 2022

Ano Ang Pipiliin Ko: Mahal Kita o Iniibig Kita?

 


Ano ang mas mainan na marinig, “Mahal kita o iniibig kita”? Di ba magkasingkahulugan lang naman sila at yon ay ang “I love You.” Kahit pareho man ang kanilang tinutukoy, hindi naman magkapareho ang kanilang ibig tukuyin. Ang “mahal kita” ay tumutukoy sa halaga, kahalagahan o kwenta ng isang tao; ang “iniibig kita” naman ay tumutukoy sa pagnanais, paghahangad o pagkagusto ng isang tao. Ang “mahal kita” ay sinasabi ng isang tao bilang pagpatibay sa kung ano ang meron sa kapwa niya. Dahil mabait at maganda si babae, mahal siya ni lalake. Mayroong nakita o naramdaman si lalake kay babae kaya’t si babae ay mahalaga sa kanya at mahal niya. Ang “iniibig kita” naman ay sinasabi ng isang tao sa kung ano ang meron sa loob niya (o saloobin) para sa kanyang kapwa. Hindi kailangang maganda at mabait si babae upang ibigin siya ni lalake. Kung tatanungin si lalake kung ano ba ang nakita niya sa babae bakit patay na patay siya dito eh malamang walang maisasagot si lalake kundi eh sa siya ang gusto niya kaya anong magagawa mo?

Sa panahon ngayon, pareho lang ang gamit ng “mahal kita” at “iniibig kita.” Minsan pa nga hindi na ito ginagamit ng mga kabataan sa kadahilanan na meron na ngayong mga emoticon o emoji at ibang pamamaraan ng pagpapahiwatig nito. Mas tanggap na rin ang magsabi ng “labyu” na may “mwah, mwah, tsup, tsup” o “xoxo” kesa sa “mahal kita” o “iniibig kita”. Pero sa pagkakataong ito na binabasa natin ang Magandang Balita ayon kay San Juan 21: 15-17, mas mainam na may alam tayo sa pagkakaiba ng gamit ng “mahal kita” at “iniibig kita” upang maunawaan nating mabuti ang pinag-uusapan nila Hesus at Pedro.

Ayon sa Ebanghelyo, sa Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito? Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Kung babasahin ito sa wikang English, hindi mapapansin ang layo ng sinagot ni Pedro sa tanong ni Hesus sapagkat ang “iniibig” at “paggiliw” kapag isinalin sa wikang English ito ay parehong “love”.  Ngunit sa wikang Griego, ang ginamit ni Hesus na salita ay “agape”. Ito ay isang uri ng “love” na hindi nababase sa kung ano meron ang isang taong minamahal kundi sa taong lubos na nagmamahal na kayang ibigay kahit na ang sariling buhay. Masasabing ito ay tunay na pag-ibig. Samantala ang ginamit na salita ni Pedro sa wikang Griego ay “phileo”. Ito ay isang uri ng “love” na di kayang ibigay ang lahat at mayroong hangganan. Maaaring may nakita lang siyang halaga pero hindi ibig sabihin ilalaan o ibubuwis niya ang kanyang buhay upang ipakitang mahalaga nga ito. Mahal lang ngunit hindi maaring iniibig.

Sa ikalawang tanong ni Hesus, “agape” pa rin ang ginamit Niya at sa ikalawang sagot naman ni Pedro, “phileo” pa rin ang ginamit niya. Ngunit sa ikatlong pagkakataon, nakapagtatakang tinanong ni Hesus si Pedro, “Simon, anak ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?” Hindi na ginamit ni Hesus ang salitang “agape” kundi ang “phileo” na siya namang ginamit ni Pedro kahit sa huling pagkakataong siya ay sumagot kay Hesus. Ibinaba ni Hesus ang antas ng pagmamahal na hinihingi Niya kay Pedro. Hindi Niya pinilit si Pedro kung hindi niya kayang mahalin si Hesus katumbas ng pagmamahal sa kanya ni Hesus. Pero alam natin ang nangyari kay Pedro. Sa bandang huli, ibinigay niya rin ang kanyang buhay dahil kay Hesus. Siya ay ipinako rin sa krus ng patiwarik. Nang dahil sa pag-ibig, minahal ng lubos ni Pedro si Hesus at nakayanang ibigay ang lahat sa Kanya.

Ang tanong sa atin ngayon, ano man ang gusto nating gamiting salita –“mahal kita” o “iniibig kita” o “labyu”, kaya ba nating patunayan ito sa ating kilos at gawa? Hindi mahalaga kung paano ito sabihin kundi kung paano ito maisasalarawan sa ating buhay at sa ating kaugnayan sa sinasabi nating mahal sa buhay. Amen.

Friday, 15 April 2022

Sabado de Gloria 2022

 


Buenas Paskwa! Marahil nagtataka kayo kung bakit binati ko kayo ng Buenas Paskwa ni hindi pa naman ngayon buwan ng Disyembre. Noong Huebes Santo, ipinaliwanag ni Fr. Ful Legaspi na ang ibig sabihin ng Paskwa ay isang pagtawid o Passover. Ito ang ginugunita natin ngayong gabi: si Hesus ay tumawid galing sa pagkamatay Niya sa krus patungo sa muli Niyang pagkabuhay. Kayat marapat lang na batiin natin ang bawat isa ng Buenas Paskwa ngayong gabi. Sa gabing ito, ipinagtitibay natin ang ating pananampalataya na hindi sa kamatayan magtatapos ang ating buhay kundi makakatawid tayo mula sa kamatayan tungo sa pagkamit ng buhay na walang hanggan dahil kay Hesus na muling nabuhay.

Liban dito, matutunan din natin sa muling pagkabuhay ni Hesus na Siya ay bumalik sa mundo hindi upang maningil o maghiganti sa lumapastangan sa Kanya. Wala Siyang naramdamang galit o poot at di rin Niya ipinaramdam na dapat Siyang magalit o mapoot kaninuman. Masaya na Siya sa Kanyang pinanggalingan kayat bumalik Siya sa mundo na ang dala-dala ay kasiyahan.

Ang tanong, may dapat nga bang ipaghiganti si Hesus? May dapat bang ikagalit si Hesus?

Sino ba sa atin ang di magagalit kay Hudas, siya ay tinatawag na traidor sa panahon ni Hesus, ngunit sa panahon natin ngayon mas kilala siya sa tawag na MARICON –Mare CONyare kaibigan mo kapag kaharap ka, ngunit maraming sinasabing masama  kapag nakatalikod ka. Kadalasan kasama niya ang tinatawag na MARIFE –Mare Feke mo palang kaibigan.

Sino ba sa atin ang di magagalit sa mga pariseo, saduceo, pari, eskriba at matatanda sa panahon ni Hesus na sila ang nag-udyok sa mga tao upang patayin si Hesus na sa panahon natin ngayon mas kilala sa tawag na MARISOL –Mare mong tagasulsol.

Sino ba sa atin ang di magagalit sa labing-isang apostoles na sa oras ng kagipitan ni Hesus eh nagkandawala sila at naglahong parang bula na sa panahon natin ngayon ay mas kilala sa tawag na MARIETTA –Mare, takbo na.

Sino ba sa atin ang di magagalit sa mga taong tanong ng tanong na alam naman nila ang sagot na si Pedro ay kasamahan ni Hesus na sa panahon natin ngayon ay kilala sa tawag na MARICHU –Mare mong echusera.

 

Sino ba sa atin ang di magagalit kay Pilato na naniniwala sa sabi-sabi kayat hinatulan niya si Hesus ng kamatayan na sa panahon ngayon mas kilala sa tawag na MARINELA –Mare, anong sabi nila?

Sino ang di magagalit sa mga kawal na pagkatapos pahirapan si Hesus ay binugbog pa nila Siya, dinuraan, nilibak, nilagyan ng koronang tinik ang kanyang ulo, pinaghati-hatian nila ang kasuotan ni Hesus na para bang wala ng katapusan ang parusa sa Kanya at para bang sila ang tinatawag na mga MARISSA –Mare, isa pa.

Sino ang di magagalit sa isang magnanakaw na ipinakong kasama ni Hesus na nanlait sa Kanya na mas kilala sa tawag ngayon na MARIVIC –Mare mong pavictim.

Sino ang di magagalit sa sumaksak sa tagiliran ni Hesus sa pamamagitan ng sibat kahit patay na ito at agad umanoy dumaloy and dugo at tubig na sa panahon ngayon mas kilala sa tawag na MARIAN –Mare, ayan na.

Ang mga ito at marami pang iba ay mga dahilan na dapat ikagagalit ni Hesus ngunit ipinamalas Niya sa lahat at lalo na sa ating mga Kristyano na mas mainam na magdala ng kasiyahan kesa sa maghiganti. Ipinakita sa atin ni Hesus na kahit ano pang mapait ang karanasan Niya sa mga tao, mas nangibabaw sa Kanya ang maging masaya sapagkat mas nakakahigit ang pagmamahal ng Diyos Ama kaysa sa pinakamahigit na sakit, hapdi at pighati na dulot ng tao.

Sa Kanyang pagbalik sa mundo ng mga buhay, hindi binigyan diin ni Hesus kung ano ang panget na nakaraan kundi binago Niya ang takbo ng nakaraan sa pagpapahayag na masaya na Siya na nakatawid sa ano mang masakit na pinagdaanan Niya. Masaya na Siya dahil kahit inayawan man Siya ng ibang tao, mahal pa rin Siya ng Diyos Ama.

Sa gabing ito, sana ano man ang pinagdaanan nating kahirapan dahil sa kagagawan ng mga taong nagnanais na maghirap tayo ay makakita ng kasiyahan kay Hesus na nagsasabi sa atin –mahal tayo ng Diyos. Mas higit ang pagmamahal ng Diyos kaysa sa pinakamahigit na kasalanan sa atin ng mga tao. Buenas Paskwa!