Saturday, 29 August 2020

22nd

 


Noong linikha ng Diyos ang langit at lupa, hindi Siya nangako sa tao na magiging masaya ang buhay nito sa mundo. Ni hindi nga binanggit na nilikha Niya ang tao upang magpakasaya ito habang nabubuhay. Bagkus inihabilin Niya sa kanya na alagaan at ingatan ang lahat ng Kanyang nilikha.

 


Kung uunawain natin ang mga nakasulat sa Banal na Kasulatan, hindi sinabing hindi natin mararanasan ang mawalan ng mga mahal sa buhay, na matatakasan natin ang tumanda at magkasakit, o di kaya ay malinlang o talikuran ng mga tinuturing nating mga kaibigan. Ang totoo, hindi nakasulat sa Bibliya na ang buhay ng tao ay malayo sa mga suliranin o pagsubok. Ayaw man natin sana na mangyari, ngunit dapat nating tanggapin na hindi tayo ligtas lagi at hindi tayo makakaiwas sa maaaring mangyari na para bagang isang masamang pangitain.

 

Tulad na lamang sa sinapit ni KristoHesus, alam Niya at sinabi pa nga Niya sa Kanyang mga alagad (Mateo 16: 21-27) na dapat Siya magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at kanilang ipapatay Siya. Ngunit pinagsabihan Siya ni Pedro na hindi iyon mangyayari. Pero si KristoHesus mismo ang nagsabi sa kanya, “Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”

 

Ano nga ba ang nasa utak ng tao? Ang isip ng isang tao ay madalas para sa kanyang pansariling kapakanan lamang. Ang unang inaalala niya ay ang kawalan ng panganib o di kaya ay ang kaligtasan niya sa panganib. Iniiwasan niya ang anumang makapagbigay dahilan upang siya ay malungkot o masaktan.

 

Eh ano naman kaya ang sinasabi ni KristoHesus na “isip ng Diyos”? Mauunawaan natin ang sinabing ito ni KristoHesus kung ibabaling natin ang atin paningin sa nakasulat sa Ebanghelyo ni San Juan (3:16) na nagsasabing ipinadala ng Diyos sa mundo ang Kanyang nag-iisang Anak upang iligtas ang lahat sapagkat mahal o iniibig ng Diyos ang Kanyang nilikha. Ang “nasa isip ng Diyos” ay hindi ang pahirapan ang tao kundi ang magbigay ng katwiran sa kanya kung papaano niya haharapin ang mga kahirapan na dinaranas nito sa buhay. Kung may dahilan man upang harapin ang mga paghihirap, pagsubok o suliranin sa buhay, ito ay walang iba kundi dahil sa ngalan ng pag-ibig o pagmamahal.

 

Kung naranasan nang isang tao ang umibig o magmahal, mas lalo niyang mauunawaan ang sinabing ito ni KristoHesus: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili.” Di nga ba ang kahulugan ng pag-ibig o pagmamahal ay ang kusang pagbibigay o pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng minamahal o iniibig? Hindi nga ba at nakakalimutan nang isang tao ang kanyang sarili dahil sa kaiisip niya sa kanyang minamahal? Dagdag pa ni KristoHesus, “pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin”. Ang ibig sabihin ni KristoHesus nito ay kusang-loob sanang harapin ng tao ang mga suliranin o pagsubok sa buhay sa ngalan ng pag-ibig. Kahit na hirap na hirap na sa buhay, hindi sana mawala ang pag-ibig sa puso niya. Hindi sana siya masisiraan ng loob habang ito’y dumaranas ng matinding pagsubok sa buhay at umasa na lamang na sa bandang huli ang pag-ibig o pagmamahal ang siyang mananaig sa mundo. Hindi galit o pagmamaktol ang maririnig sa kanya kundi pag-ibig.

 

Matitiis nga ba ng isang tao ang mamuhay na may kinakaharap na pagsubok o suliranin sa buhay? Opo. Kapag ang tao ay marunong magmahal, kakayanin niya anumang pagsubok mayroon sa buhay niya. Ngunit kung walang pag-ibig sa puso niya, mas nanaisin niyang kitilin ang kanyang buhay kaysa sa siya ay magtiis. Tanging pag-ibig lamang ang dahilan kung bakit pa tayo may buhay. At tanging pag-ibig din naman ang siyang dahilan kung bakit makakayanan natin ang magbigay ng ating buhay para sa kapakanan ng iba. Amen.

Thursday, 20 August 2020

21st

 

Sa kasalukuyang panahong ito marami na ang nagbago sa mundong kinagagalawan natin. Tulad na lamang ng tsimis na dati-rati kahit laganap na ito ay huli na nang makarating ito sa kinauukulan. Ngunit ngayon, hindi na daw uso ang tsismis. “FAKE NEWS” o maling balita na ang tawag dito at mabilis na itong nakakarating kung kanino man ito nakatuon. Pero ano nga ba ang maidudulot ng isang tsismis o maling balita sa kabuoan ng pamayanan?

 Sa totoo lang hindi bago ang magkalat ng tsismis o maling balita dahil ito ay pangkaraniwang nangyayari din sa panahon ni KristoHesus. Ayon sa Bibliya (Mateo 16: 13-20), tinanong ni KristoHesus ang Kanyang mga alagad tungkol sa pagkakakilanlan ng tinatawag na “Anak ng Tao” ayon sa ibang tao. Ang “Anak ng Tao” ay isang badya patungkol sa tagapagligtas na galing sa langit. Ang “Anak ng Tao” ay isang sugo ng Diyos. Ang “Anak ng Tao” ay walang iba kundi si KristoHesus mismo. Samakatuwid, ang tanong ni KristoHesus ay “Sino Ako sa pagkakaalam ng mga tao?”

Ang sagot ng mga alagad sa tanong ni KristoHesus ay nababatay sa kumakalat na balita sa kanilang paligid. Ang sagot nila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista po kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” Hindi naman sana masama ang mga sabi-sabi tungkol kay KistoHesus. Pero ito ay maituturing na isang tsismis o maling balita sapagkat inililihis nito ang isang tao sa katotohanan. Ang pamayanang namumuhay sa tsismis o maling balita ay nagiging bulag sa katotohanan. Mahirap na rin sa ganitong uri ng pamayanan ang magising sa katotohanan kung nakasanayan na ang magdala ng maling balita o tsismis.

Ano nga ba ang magagawa ng isang tao kapag nalaman niya na may ibat- ibang balita galing sa iba patungkol sa kanya?

Ang ginawa ni KristoHesus, tinanong Niya ang mga malalapit Niyang kaibigan kung sino Siya sa kanila. Si Simon Pedro ang siyang sumagot bilang kinatawan ng mga kaibigan ni KristoHesus. Ang sagot ni Simon Pedro ay walang halong kasinungalingan kundi pawang katotohanan lamang. Ang sagot niya kay KristoHesus, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Para kay KristoHesus, ang mga kaibigan ang siyang makakapagsabi ng katotohanan tungkol sa Kanya. Sila ang mas nakakaalam tungkol sa Kanya. Subalit sa ating kinatatayuan, hindi lahat ng kaibigan natin ay gaya nila Pedro na magsasabi ng katotohanan tungkol sa atin. Marami sa mga kaibigan natin ang tatalikod sa oras ng kagipitan. Kaya nga sinabi ni KristoHesus kay Simon Pedro, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang KATOTOHANANG ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit.” Ang mga salitang ito na binitiwan ni KristoHesus ay nagpapaalala sa atin na ang Diyos ang Siyang nakakaalam ng tumpak na katotohanan tungkol sa atin. Kapag ipinagkatiwala natin sa Diyos ang ating sarili, hindi tayo matatakot kung ano man ang sasabihin ng iba tungkol sa atin. Hindi tayo matitinag sa mga kasinungalingang ipinupukol sa atin sapagkat ang Diyos ang Siyang magpapatotoo kung sino tayo. Ang Diyos natin ay makatotohanan at DIYOS NG KATOTOHANAN, kayat ipasa-DIYOS natin ang lahat. Makinig tayong lagi kay KristoHesus na Siyang nagsabi: “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko. At inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo” (Juan 8: 32-33).

Friday, 14 August 2020

The 20th

 

Lahat ng tao ay may kinakaharap na suliranin sa buhay, malaki o maliit man sa paningin ng bawat isa. Ngunit mayroong iilan na halos lahat ng suliranin sa buong mundo ay pinagdaanan na. Mayroong napapagod at sumusuko kayat may pagkakataon na humahantong ang isang tao na magtangkang magpakamatay na lamang.

 

Hindi nga ba’t may saliwikain tayong mga Pilipino na “kapit sa patalim”? Masasabing ang isang taong kapit sa patalim ay gipit na sa buhay at mas mabuti pa na siya ay mamatay subalit pinili pa rin niyang tiisin ang hirap upang kahit papaano ay mabuhay pa rin. Itong uri ng buhay ang siyang pinagdaanan ng isang ina na lumapit kay Hesus (Mateo 15:21-28).

 

Ang isang ina ay lumapit kay Hesus upang humingi ng tulong sapagkat ang anak niyang babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan. Gaya ng karamihan sa ating dumadaan sa matinding pagsubok ng buhay, inaasahan natin na sa ating pagdarasal ay marinig tayo ni Hesus at matugunan niya ang ating suliranin sapagkat Siya ay napakabuting panginoon. Ngunit ayon sa Bibliya, gaputok man ay hindi tumugon si Hesus. Binigyan lamang ng pansin ni Hesus ang babae noong lumapit na sa Kanya ang Kanyang mga alagad at hiniling nila sa Kanya na pagsabihan Niya ang babae na humayo na lang. Ngunit ang nakakagulat ay ang tugon ni Hesus sa kanila. Si Hesus mismo ang nagsabi, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo”. Sa madaling salita, ang sagot ni Hesus ay hindi.

 

Lumapit pa rin sa Kanya ang babae, lumuhod pa sa Kanyang harapan at sinabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Pero sadyang matigas ang pusong ipinamalas ni Hesus sa pagkakatong ito sapagkat ang sagot Niya sa hiling ng babae, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” Inihambing ba naman ni Hesus ang babae sa isang tuta o aso na para bang masasabi na hindi na nga Siya nakakatulong eh dinagdagan Niya pa ang bigat na pinapasan ng babae dahil sa paghamak Niya dito.

 

Matatandaan na sinabi ni Hesus, “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal” (Mateo 7:6). Ito marahil ang nais ni Hesus ipahiwatig sa lahat na anomang banal ay hindi dapat basta na lamang ibibigay lalo na sa mga taong hindi naman sakop ng sambahayan ng Israel. Ngunit hindi tumigil ang babae sa kanyang pagmamakaawa kay Hesus. Sabi niya, “Ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Sa pagkakataong ito, ipinakita ng babae kung paano mamuhay ng kapit sa patalim. Hindi na bale kung ano ang sasabihin tungkol sa kanya basta gumaling lamang ang kanyang anak. Kahit anong paghamak o panlalait man ang maririnig niya, hindi niya ito alintana sapagkat ang nais lang niya ay gumaling ang kanyang anak. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” Sa binitawang salita na ito ni Hesus, hindi pala kanais-nais tawaging kapit sa patalim ang mamuhay na may maraming suliranin sa buhay kundi kapit sa Panginoon. Ang nagbibigay kalutasan sa ating mga suliranin ay ang Panginoon at hindi ang patalim. At kung mayroon mang dahilan na dapat pang mabuhay ang isang tao kahit lugmok na sa mga problema o suliranin ng buhay, ito ay dahil may Panginoon tayong matatawag. Manalig lamang tayo sa Kanya na mas nakakaalam Siya kung ano ang mararating natin sa buhay. Ang ating pananampalataya at pananalig ang siya nating gamit hindi lang sa pagkapit kundi pandikit natin mga utol ko kay KristoHesus.

Saturday, 8 August 2020

The 19th

Marami sa atin ang nais mamuhay ng mapayapa at tahimik. Ngunit sa kabila ng lahat, tayo ay nakakaranas pa rin ng ingay at kaguluhan sa buhay. Gaya ng mga alagad ni Hesus na nasa loob ng bangka, hindi sila mapalagay sapagkat sinasalpol ng mga alon ang sinasakyan nilang bangka (Mateo 14: 22-33). Sa buong magdamag na sila ay nabalot ng pangamba, hindi na nila nakilala si Hesus habang ito ay papalapit sa kanila na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Mabuti na lamang at nagpakilala sa kanila si Hesus upang maibsan ang kanilang pangamba at takot. Subalit si Pedro ay naniniguro kung talagang si Hesus nga ang natatanaw nila. Kayat ang wika ni Pedro kay Hesus, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.” Pinahintulutan naman siya ni Hesus.

Hindi inisip ni Pedro sa mga sandaling iyon na inilalagay niya ang kanyang sarili sa panganib habang lumunsad siya sa bangka. Hindi man lang niya naisip na mas nakakatakot ang katayuan niya nang lumabas siya ng bangka dahil sa katiyakang malulunod siya. Masasabi na naghahanap talaga si Pedro ng sakit ng ulo sa hinihiling niya kay Hesus. At nangyari nga ang dapat kinatatakutan, si Pedro ay lumubog nang mapansin niya ang hangin habang siya ay nagsisimulang lumakad sa ibabaw ng tubig. Ang nakakamangha sa pangyayaring ito ay nanggagaling sa mga salitang binitiwan ni Pedro, “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” Si Pedro ay isang mangingisda at tiyak marunong siyang lumangoy. Pero hindi niya iniligtas ang kanyang sarili sa sandaling iyon sa pamamagitan ng kanyang taglay na kagalingang lumangoy bagkus tinawag niya si Hesus upang sagipin siya.

Mga utol ko kay KristoHesus, ang nangyari kay Pedro ay maaring nangyari na rin sa atin o mangyayari pa lang, hindi nga lang ang lumubog sa tubig kundi sa suliranin ng buhay. Sa mga panahong iyon o dumating man ang oras ng matinding pagsubok o dagok sa ating buhay, huwag sana nating kalimutan ang sabi ng Bibliya na magtiwala sa Panginoon ng buong puso at huwag manalig sa sariling kaunawaan. Kilalanin ang panginoon sa lahat ng mga lakad at Kaniyang ituturo sa atin ang landas (Mga Kawikaan 3:5-6). Ito ang dapat nating matutunan sa kinasapitan ni Pedro sa kanyang paglubog sa tubig.