May isang awit ang mga bata sa kalye na minsan ko nang narinig at ang liriko nito ay ganito: “Mag isip-isip ng 1, 2, 3 (3x), sundan mo siya… sundan, sundan, sundan mo siya (3x), at ikaw naman dito.” Habang inaawit ito, mapapansin na nasa harapan ng mga sumusunod o gumagaya ang taong ginagaya nila. Sa ganoong kalagayan, nakikita nila ang galaw o kilos ng taong sinusundan nila at mas madali sa kanilang gayahin ito. Hindi man mapapansin ito ng lahat, ang ganitong kalagayan ay nakakatulong upang maunawaan ng isang tao kung gaano kahalaga ang sundin ang isang utos. Ang taong sumusunod sa utos ay inilalagay nya sa kanyang harapan ang taong nagbigay ng utos sa kanya. Sa pamamagitan nito, binibigyan niya ng halaga ang taong nagbigay sa kanya ng utos. Kapag ayaw naman niyang sumunod sa utos, tatalikuran niya lang ang taong nagbigay-utos sa kanya. Dahil wala nang tao sa kanyang harapan, magagawa na niya kung ano ang nais niyang gawin na walang hadlang o anumang sagabal.
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 21:28-32), ikinuwento ni Hesus na may dalawang magkakapatid na inutusan ng kanilang ama. Ang tugon ng panganay sa kanilang ama ay “ayoko po”, samantalang ang tugon ng bunso ay “opo”. Subalit nagbago ang ihip ng hangin sa kwento. Kung sino pa ang ayaw sumunod sa utos ay siya pa ang gumawa ng iniutos ng ama at kung sino pa ang nangakong gawin ang iniutos ng ama ay hindi naman nagampanan nito ang kanyang ipinangako.
Ang panganay na anak sa kwento na noong una ay tinalikuran lamang ang kanyang ama dahil ayaw niyang sundin ang utos nito ay nagbago ng isipan at inuna niyang sundin ang kalooban ng kanyang ama kaysa sa kanyang pansariling kapakanan. Sa pagsunod sa utos ng kanyang ama, ipinamalas niya kung gaano kahalaga sa buhay niya ang kanyang ama. Kung ating uunawain kung bakit ikinuwento ito ni Hesus, nais Niyang iparating sa atin na ang pagsunod natin sa utos ng Diyos na ating Ama ay nagpapahayag ng pagpahalaga natin sa Kanya. Hindi dahil sa takot o napipilitan lamang tayo kaya’t sinusunod natin ang Kanyang mg autos, kundi’y dahil Siya ang mahalaga sa atin. Siya muna bago ang sarili. Magagawa lamang natin sundin ang anumang utos ng Diyos dahil sa pagmamahal natin sa Kanya. Dahil sa pagmamahal natin sa Kanya, pinahahalagaan natin ang sundin ang utos Niya kahit minsan ay nakapagsabi na tayo ng “ayoko” sa Kanya.
Sa pagtatapos nitong gunam-gunam, nais kong ipaalam na magkaiba man ang kahulugan ng sundan at sundin, pareho lang naman silang tumatanaw sa ibang tao. Ang “sundin” ay nangangahulugang sumunod sa payo o pangaral. Ang “sundan” naman ay nangangahulugan gayahin ang ginawang iba o pumunta sa pinuntahan ng iba. Ang “sundan at sundin” ay magkapareho pagdating sa layunin nito patungkol sa ibang tao.
Ngayon, ano ang wastong salita para dito:
1.
Sundin o Sundan ______ mo ang utos ng Diyos Ama.
2.
Sundin o Sundan _____ mo ang ginawa ng nakatatandang kapatid
sa kwento ni Hesus.



