Saturday, 24 July 2021

17th Sunday in Ordinary Time

 


Ang gulong ng buhay ng isang palaka ay nagsisimula noong ito ay isang itlog pa lamang. Galing sa itlog, lalabas ito bilang isang tadpole o buteteng palaka. Ang buteteng palaka ay mukhang isda sa unang tingin. Kalaunan nagkakaroon na ito nga mga paa at tinatawag na froglet o munting palaka. Ang froglet o munting palaka ay may buntot kahit pa ito ay mukha nang palaka. Sa ganitong kalagayan, ang froglet o munting palaka ay hindi na kumakain ng kinakain ng isang buteteng palaka. Ngunit hindi rin ito makakain ng kinakain ng isang matandang palaka (frog). Bakit hindi ito namamatay sa gutom gayung hindi ito makakain? Ang isang froglet o munting palaka ay kumukuha ng kanyang ikinabubuhay sa kanyang buntot. At habang naririyan ang buntot nito, hindi nito kelangan pa maghanap ng makakain hanggang ito ay maging ganap na palaka.

 

Mga utol ni KristoHesus, tayong mga tao ay naghahanap-buhay upang mabuhay. Kahit papaano, kahit na nga ang mahihirap at nahihirapan ay naghahanap ng makakain. Lalo na ngayong nararanasan natin ang dulot na hirap ng pandemya ng COVID-19, kung walang pera o mapagkitaan, ano ang pambili natin ng ating makakain? Kung hindi tayo makakain ng sapat, paano kaya tayo makakapaghanap-buhay ng tapat?

 

Mga utol ni KristoHesus, hindi man tayo kagaya ng isang munting palaka na habang may buntot ay hindi nito kelangan ang maghanap ng pagkain, ang ating pananampalataya ay nagtuturo sa atin na makakaasa tayo kay Hesus na hindi Niya tayo hahayaang mamatay sa gutom. Di nga ba ang sabi sa Juan 6: 1-15, “Tumanaw si Hesus, at nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin.”

 

Alam ni Hesus na kailangang kumain ng mga sumusunod sa Kanya. Alam din Niya kung ano ang gagawin para tugunan ang pangangailangan nila. Ibig sabihin nito, hindi Niya pababayaan ang mga sumusunod sa Kanya. Mga utol ko kay KristoHesus, sa panahon ngayon na taghirap, marami sa atin ang walang makain o hirap makahanap ng makakainan. Wala rin tayong magagawa sapagkat marami ang di makakalabas kahit nanaisin pa nilang maghanap-buhay. Ngunit hindi tayo dapat masiraan ng loob. Manalig tayo na hindi tayo pababayaan ni Hesus. Si Hesus ang higit na makakatulong sa atin sa panahong kinakailangan natin na may mapagkukunan. Tiwala lang at manalig na malalampasan din natin lahat ang mga ito sa ngalan ni Hesus. Amen.

Saturday, 17 July 2021

16th Sunday in Ordinary Time

 


May mga kabataang naglalaro sa isang lawa. Nakita nila na maraming palaka ang nandoon. Kumuha sila ng mga bato upang ipukol ang mga ito sa mga palaka na nasa lawa. Nagsitalon ang mga palaka sa gulat nila sa hinagis na mga bato. Ang iba sa kanila na tinamaan ng bato ay nagkandasugat ang katawan. Hindi alam ng bawat isang palaka kung saan sila tutungo habang ang mga kabataan ay tuwang-tuwa sa kanilang ginagawa. Sigaw naman ng sigaw ang mga palakang nagmamakaawa sa mga bata. Subalit hindi sila naunawaan ng mga bata sapagkat ang tanging naririnig nila sa mga palaka ay ang kanilang “kokak”.

 

Mga utol ni KristoHesus, mauunawan natin na may mga taong hindi nakakaunawa sa salita ng kanilang kapwa. Ngunit mas kanais-nais sa isang tao ang nagpapahayag ng kanyang pang-unawa sa kinasasapitan ng kanyang kapwa. Ang taong nakakaunawa sa kanyang kapwa ay nakakaramdam ng dinaramdam nila. Sa Marcos 6: 30-34, ipinamalas ni Hesus kung gaano kalawak ang kanyang pang-uunawa. Una, nauunawaan Niya ang Kanyang mga alagad ay nangangailangan ng pahinga pagkatapos ng kanilang gawain. Pangalawa, nauunawaan din Niya ang pangungulila ng mga tao ng taga-pangalaga nila. Dahil sa pang-unawa ni Hesus, dama Niya ang nararamdaman ng Kanyang mga alagad at ganoon din ng mga tao. Dahil dito, ikinaloob ni Hesus ang pagpahinga sa Kanyang mga alagad at Siya na mismo ang tumugon na pangalagaan ang mga tao. Mga utol ko kay KristoHesus, sana mabiyayaan din tayo gaya ni Hesus ng puso at isipang nakakaunawa sa kapwa. Sana mararamdaman natin kung ano ang nararamdaman ng ating kapwa lalo na sa mga nangangailangan ng tulong natin sa abot ng ating makakaya. Gaya ng isang magulang, kung makikita niya ang kanyang anak na naghihirap sa anumang dahilan, masasabi natin sa ating kapwa, “Anak, dama kita o tol ramdam kita.”

Saturday, 3 July 2021

14th Sunday in Ordinary Time

 


Meron isang batang palaka na nahulog sa balon sa katatalon. Sa balon na iyon maraming patay na mga palaka at karamihan ay buto na lang ng mga palaka ang makikita. May mga kunting buhay pa pero matatanda na at matagal na sa balon na iyon. Ang ginawa ng batang palaka ay tumalon ng tumalon upang makalabas ng balon. Ngunit sigaw ng mga matatandang palaka wag nang tumalon dahil matagal na rin nilang ginagawa ang tumalon upang makaahon sa balon. Dagdag pa nila ay mamamatay rin siya gaya ng ibang mga palaka na nahulog sa balon. Ngunit hindi tumigil ang batang palaka sa katatatalon hanggang siya nga ay nakaahon sa balon na yon. Nang makita ito ng mga matatandang palaka, nagtaka sila kung paano niya nagawa iyon. Ang hindi nila alam bingi pala ang batang palaka at di niya narinig ang mga sinasabi nila.

 

Mga kapatid, kahit saan man tayo ngayon, hindi mawawala na may mga taong nagpapahina sa atin ng ating loob. Kung hindi inggit, eh tsismis at pawang paninira ang alam nilang gawin upang masiraan tayo ng loob. Kaya nga’t kahit ano pang layo ang narating natin sa buhay, kaakibat na rin nang pag-unlad ang siraan tayo lalo na at kung tayo ay nakatalikod sa kanila. Akala natin ay kaibigan kung turingan pero sa sandaling wala na silang kailangan sa atin, maraming paninira ang kanilang ginagawa tungkol sa atin. Kung magkaganoon pa man, wag sana tayo masiraan ng bait. Bagkus ay tularan natin si Hesus. Sa Marcos 6: 1-6, sinapit din ni Hesus ang pangungutya sa Kanya ng mga tao. Ang masaklap, sa sarili Niya pang bayan Siya nakaranas ng pagmamalabis ng mga tao. Pero hindi natinag si Hesus kahit namangha Siya sa asal sa Kanya ng mga tao doon sa kanila. Nagpatuloy si Hesus sa Kanyang gawain. Tandaan natin, sa Bibliya ni isa man sa mga tsismosa at inggitero ay hindi napangalanan. Kaya mag ingat tayo kasi hindi natin alam baka nasa tabi tabi lang sila at tayo rin ay kanilang binibiktima. Pero gaya ni Hesus maging matatag tayong gumawa ng tama sapagka’t iyon talaga ang gawain natin kahit ano pa man ang sabihin nila tungkol sa atin. Amen.