Saturday, 26 December 2020

Simbang Gabi Day 7

 



Isang araw pagkatapos isinilang ang Panginoon, may magkakaibigang manok, baka at baboy na nag-uusap. Sabi ng manok, “Kaibigang baka at baboy, ano ba ang maaaring ialay natin kina Jose at Maria at sa kanilang Anak na si Hesus?” Sumagot ang baka, “Bibigyan ko sila ng gatas.” Sabi naman ng manok, “Ako naman ay magbibigay ng sampung itlog. Eh ikaw baboy, ano ang maibibigay mo?” Sagot ng baboy, “Wala akong gatas na maibigay o ni itlog man lang. Bagkus ibibigay ko na lang ang buo kong sarili upang may makain sila at ang kanilang panauhin.”

Mga kaibigan ni KristoHesus, ang ihandog ang sarili sa Panginoon ang siyang pinakadakilang magagawa ng tao upang ipakita nila ang pagmamahal nila sa Diyos. Mahirap man gawin pero ito ay magagawa ng isang tao gaya na lang ni Maria na itinakda nang ikasal kay Jose. Alam ni Maria na mailalagay siya sa alanganin kung sakaling malaman ng mga tao na siya ay nagdadalangtao kahit hindi pa siya naikasal kay Jose. Subalit hindi siya nagdalawang-isip na tinanggap ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Si Maria ay natutuwa at nagagalak na pagsilbihan ang Panginoon kahit ang kapalit pa nito ay ang kanyang buhay. Ang sabi pa nga sa mabuting balita ng Panginoon ayon kay Lucas (1: 46-46), si Maria ay umawit ng papuri sa Diyos na mas kilala sa tinatawag na “Magnificat”.

 

Ano ba ang kahulugan ng “Magnificat” ni Maria sa atin ngayon? Ang “Magnificat” ay nagpapahiwatig sa atin ng isang bukal sa loob na paglilingkod sa Panginoon. Ang puso na umaawit ng “Magnificat” ay pinahahalagaan ang Diyos higit pa sa kanyang sarili. Hindi gaya ng isang puso na nagmamaktol o isang taong mabigat sa kalooban ang gumawa ng pinapagawa sa kanya ng Diyos, ang umaawit ng “Magnificat” ay nakatagpo ng kalayaan na sumunod sa kagustuhan ng Diyos. Ilan ba sa mga katoliko ang inaanyayahang magsilbi bilang lector o di kaya ay Knights of the Altar pero ang sagot nila ay, “Ayoko, wala akong panahon dyan” o “Wag ako. Nahihiya kasi ako eh.” Sana magkaroon tayo ng puso na kagaya ni Maria na handang tanggapin anuman ang kalooban ng Diyos para sa atin. Sa halip na matakot o mabwesit eh sana gaya ni Maria masaya tayong umaawit habang ginagampanan natin ang katungkulan na pinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa misang ito, sana maipag-mamalaki natin ang Diyos sa lahat na ating ginagawa. Wag sana nating pairalin ang ating katamaran kundi hanapin ang kalayaan na makapagsilbi sa Diyos nang sa Kanya ang lahat ng kapurihan ay ating maibigay. Amen.

Monday, 21 December 2020

Simbang Gabi Day 6

 


Paano ba ang maging isang ina? Para sa akin, ang awiting ito –Ang Pipit ay nagsasalarawan ng diwa ng pagiging isang ina.

 

May pumukol sa pipit sa sanga ng isang kahoy. At nahagip ng bato ang pakpak ng munting ibon. Dahil sa sakit, di na nakaya pang lumipad. At ang nangyari ay nahulog, ngunit parang taong bumigkas, “Mamang kay lupit, ang puso mo’y di na nahabag, pag pumanaw ang buhay ko, may isang pipit na iiyak.

 

Ang buhay ng isang ina ay nasa kanyang mga anak. Kahit na sa harap ng kamatayan, ilalaan ng ina ang kanyang buhay para lamang sa kanyang anak. Hindi maipagkaila na ang kaligayahan ng isang ina ay makita ang anak sa maayos na kalagayan. Hindi matutumbasan ng ano mang pera ang kasiyahan ng ina na mayakap ang anak.

 

Ayon sa mabuting balita ni San Lucas (1:39-45), si Inang Maria ay tuwang-tuwa na pumunta sa bahay ni Zacarias. Bakit? Sapagkat nalaman niyang nagdadalang-tao si Elisabet kahit pa na ito ay hindi kapani-paniwala dahil baog ito at lagpas na sa edad niya ang mabuntis pa. Ang pangyayaring ito ay kinikilala na isang biyaya ng Diyos. Gayun din naman ang naramdaman ni Inang Maria sa sarili nito kayat pumunta siya kay Elisabet upang ipaalam sa kanya na siya rin ay puno ng kagalakan sa kanyang pagdadalang-tao. Para sa dalawa, malaking biyaya ng Diyos ang maging ina at magkaroon ng anak.

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, ganito pa rin ba ang pananaw natin tungkol sa pagiging ina? Kahit malaking biyaya ang maging ina sa panahon ngayon, marami tayong naririnig na karanasan ng mga ina kung gaano sila binabalewala ng kanilang mga anak. Mayroong mga ina na di man lang ginagalang ng kanilang mga anak. Kahit pa na ang isang ina ang gumagawa ng halos lahat sa bahay, ni hindi man lang siya pinasasalamatan o kinakamusta ng kanyang mga anak. Kahit na para sa isang ina biyaya ang magkaroon ng anak, ni hindi man lang ipinadadama ng anak sa kanyang ina na biyaya ang magkaroon ng isang ina.

 

Sana sa paskong ito, bigyan ng mga anak ang kanilang ina ng panahon na mapasaya naman ito. Hindi lamang tuwing Mother’s Day dapat alalahanin ang isang nanay sapagkat bilang ina walang oras na di siya nag-alala sa kanyang anak. Sana gaya nila Inang Maria at Elisabet, maging masaya ang lahat ng mga ina dahil sa kanilang mga anak.

 

 

Simbang Gabi Day 5


 

May isang haring nagngangalang Oedipus ay nakatadhanang patayin ang kanyang ama at pakasalan ang kanyang ina. Ang sabi sa kwento, ang kaharian ng Thebes ni Oedipus ay binabalot ng isang salot bilang kaparusahan sa isang nakatira doon na pumatay sa dating hari. Upang mawala ang salot kailangang paalisin ang nagdala ng salot. Ipinasiyasat ito ng hari at nagulat siya sa kanyang natuklasan. Ayon sa kanyang natuklasan, ang dating hari at ang reyna na si Jocasta ay hinulaan na ang kanilang anak ang siyang papatay sa hari at siya ring maging asawa ng reyna na walang iba kundi ang kanyang ina. Minabuti ng mag-asawa na mamatay na lang ang kanilang anak. Subalit naawa ang taong inutusan ng mag-asawa na patayin ito hanggang sa kinupkop na lang ito ng mag-asawa na hari at reyna din sa ibang kaharian. Nang lumaki na ang bata, nalaman niya na siya ay itinakdang patayin ang tatay niya at pakasalan ang nanay niya, umalis na lamang ito sa kaharian upang ilihis ang kanyang tadhana. Sa puntong ito may napatay siyang di niya nakilala sa kanyang dinadaanan. Pero nagpatuloy pa rin siya sa kanyang paglalakbay hanggang sa nakarating siya sa Thebes at naging hari at nagpakasal sa biyudang reyna. Dito na napagtanto ni Oedipus na siya ang batang iyon at ang kanyang asawa ay walang iba kundi ang reyna na kanyang ina. Dahil dito, nagbigti ang reyna at si Oedipus naman ay binulag ang kanyang mga mata.

 

Ang malungkot na kwentong ito ay nagpapahiwatig na hindi matatakasan ng tao ang nakatadhana para sa kanya. Pero hindi ganito ang pananaw natin bilang mga kaibigan ni KristoHesus. Para sa atin, ang tinatawag na tadhana ay ang kalooban ng Diyos. Ngunit hindi pinipilit ng Diyos kung ano ang gusto Niya sa tao. Kinakailangang ang tao ay bukal sa loob nito ang pagtanggap. Gaya na lamang sa mabuting balita ng Panginoon (Lucas 1: 26-38) na ipinahayag sa atin na si Maria ay pinili ng Diyos na maging ina ng Kanyang nag-iisang Anak. Pagkatapos magsalita ng anghel tungkol dito, nakasalalay na kay Maria kung ano ang isasagot niya sa anghel. Hindi namimilit ang anghel bagkus inantay niyang sumagot si Maria. At ang sagot nga ni Maria: “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” Ang ibig sabihin lamang nito ay anumang nakatadhana ay hindi mangyayari kung hindi sasang-ayunan ng tao. At ganun din naman, hindi mangyayari ang gusto ng tao kung hindi ayon ito sa kalooban ng Diyos. Sa misang ito, sana ay matuto tayong alamin kung ano nga ba ang kalooban ng Diyos sa atin sa pang-araw araw nating buhay.

Saturday, 19 December 2020

SImbang Gabi Day 4

 


Si Malala Yousafzai ay isang batang babae na Pakistani na nakilala sa pakikipaglaban niya para sa karapatan ng mga kababaihan na magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Nang pinamahalaan ang lugar nila ng Taliban, isang grupo ng Islam, ipinagbawal kasi ang mga babae na pumasok sa paaralan upang mag-aral. Habang pauwi si Malala galing sa paaralan ay binaril siya sa ulo ng isang kasapi ng Taliban. Siya ay pinalad na makaligtas pagkatapos ng sampong araw na walang malay. Ang naganap na ito kay Malala ay naibalita sa buong mundo at pumukaw sa karamihan na ipaglaban ang karapatan ng mga babaeng makapag-aral kapantay ng mga kalalakihan.

 

Ang pagkaligtas ni Malala sa kamatayan ay maituturing na isang himala. Ang English ng himala ay miracle na ang ibig sabihin naman ay pagkamangha o pagkagulat. Ang isang himala ay nakakamangha sapagkat hindi masasabi ng tao na ang nangyayari ay pangkaraniwang kaganapan lamang; datapuwa’t na maituturing ito na gawa ng Diyos.

 

Bakit nga ba may himala? Diyos na rin lang ang makakasagot nito. Pero kung ibabatay natin sa Lucas 1: 5-25, masasabi nating may himala sapagkat mayroong Diyos. Hindi ibig sabihin nito na mayroong himala upang patunayan na may Diyos kundi ang himala ay nagpapahiwatig o may pinaparating na nais ng Diyos na maganap. Gaya na lamang sa kalagayan nila Zacarias at Elisabet, himalang magkaanak pa sila sa edad nila. Ang himala na nagkaroon pa sila ng anak ay hindi nangyari upang patunayan ng Diyos sa kanila na totoo ngang may Diyos, kundi ang kanilang anak na si Juan ang siyang maghahanda ng dadaanan ni Hesus sa Kanyang pagdating. Dahil mayroong isang maghahanda sa dadaanan ni Hesus, ninais ng Diyos na may isang Juan na gagawa nito. At kahit kinakailangan na gumawa ng himala ang Diyos upang magkaroon ng Juan ay gagawin Niya ito at walang makapagpigil sa Kanya sapagkat Siya ay Diyos.

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, kung si Malala ay himalang nakaligtas sa bingit ng kamatayan, ito ay dahil sa kadahilanang ninanais ng Diyos na maging pantay ang lalake at babae sa pagkamit ng karunungan na makukuha sa paaralan. Hindi naman kinakailangan mangyari sa atin ang nangyari kay Malala upang masabi nating nakakita tayo ng himala. Sapat na ang gumising tuwing umaga at ituring na ang ating buhay bawat araw ay isang himala. Buhay pa tayo sapagkat may nais pa ang Diyos na maganap at kailangang gampanan natin iyon. At habang buhay pa tayo, ipagdasal natin na magagawa natin kung ano man ang kalooban ng Diyos para sa atin. Hindi na kelangan humingi pa sa langit ng isang himala sapagkat habang tayo ay may buhay, ito na mismo ay isang himala.

Thursday, 17 December 2020

Simbang Gabi Day 3

 


May isang babaeng magpapakasal. Nagtaka ang lahat nang makita ang imbitasyon niya sapagkat hindi ang kanyang tatay mismo ang maghahatid sa kanya sa altar kundi ang kanilang kura paroko, na walang iba kundi isang pari. Isang araw bago mangyari ang kasal, sinugod ng tatay ng babae sa kumbento ang pari. Mabuti nga lang at nandoon din sa kumbento ang babae kasama ang lalaking magpapakasal sa kanya na kausap ang pari. Tinanong ng tatay ang pari bakit siya ang maghahatid sa kanyang anak sa altar. Ang anak na babae ang sumagot sa tanong na ito at hindi ang pari. Sabi ng babae, “Oo. Tatay ko po kayo dahil kayo po ang nakabuntis sa nanay ko. Pero nasaan kayo noong ipinanganak ako? Bumalik ka sa piling namin noong pitong taong gulang na ako. Mula nang ika’y bumalik ginawa mo akong alipin na tagapagbili mo ng alak at sigarilyo. Tuwing ika’y malasing di ko makakalimutan kung gaano kasakit ang tamaan ng hagupit ng sinturon mo ang buo kong katawan. Ni hindi ko naranasan ang maging masaya kahit isang minuto man lang na nakasama ka naming ni inay sa bahay. Sa mga taong lumipas na sinasaktan mo kaming mag-ina, ang kumbentong ito ang saksi sa lahat ng nangyari sa akin. Dito ako tumatakbo at humihingi ng saklolo. Si father, siya ang nakikinig sa aking bawat hinaing. Si father, siya ang laging nandyan sa akin at itinuring niya ako bilang isang anak na hindi niyo ipinadama sa akin. Si father, hindi ko siya kaano-ano dahil di kami magkadugo, pero siya ang naging ama ko dahil sa kanya ko nadama ang pagmamahal na hindi niyo kayang ibigay sa akin. Ngayon itay, bigyan mo ako ng dahilan na kilalanin kita bilang ama ko maliban sa ikaw ang nakabuntis kay inay at ako ang naging bunga noon. Walang maisagot ang tatay at yumuko na lamang ito.

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, hindi lamang nasusukat ang pagiging ama sa dugo na dumadaloy mula sa kanya papunta sa kanyang anak kundi sa pagmamahal na ipinadama nito. Ito din ang sinasabi ng mabuting balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (1:18-24) sa atin. Si San Jose hindi siya ang biological father ni Hesus. Alam niya na si Hesus ay Anak ng Diyos. Kayat nag-atubili siyang pakasalan si Maria sapagkat alam niya na ito ay pinili na ng Diyos upang maging ina ni Hesus na Anak ng Diyos. Mabuti na lamang at nakausap niya ang anghel ng Diyos sa kanyang panaginip. Dito niya nalaman na hindi lang si Maria ang pinili ng Diyos kundi siya rin naman upang mapangalagaan at mahalin si Hesus bilang isang anak niya. Pinaunlakan naman ni San Jose ang alok sa kanya ng anghel sa panaginip. Pagkagising niya, sinimulan niyang gampanan ang tungkulin niya na maging ama ni Hesus nang pinakasalan niya si Maria.

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, sa misang ito ipagdasal natin ang mga tatay. Sana nawa ay maging katulad sila ni San Jose na tumayo sa kanilang panindigan na pangalagaan at mahalin ang kanilang mga anak. Ang pinakamabisang pagpapahayag ng ama ng kanyang pagmamahal sa kanyang mga anak ay ang mahalin ang inang lumuwal sa kanila. Dagdag pa dito, kagaya ni San Jose, sana ang mga tatay, sila mismo ang aakay sa kanilang mga anak na mahalin ang Diyos. Amen.

Wednesday, 16 December 2020

Simbang Gabi Day 2

 


Sa aking pagbabasa ng mga kaso, ang tatlong ito ang pumukaw ng galit sa puso ko –G.R. No. 117092. October 6, 1995, G.R. Nos 139346-50. July 11, 2002, at G.R. No. 217379. November 23, 2016.

 

Bakit? Sa mga kasong ito mababasa kung gaano kasama ang iilang ama na umasal tulad ng isang hayop na halayin ang sarili nilang mga anak sa mismong tahanan pa man din. Ang mga amang ganito o mga amang walang ginagawang mabuti sa kanilang mga anak ay walang puwang sa isang tahanan. Mas mabuti na lamang na mamuhay na walang ama kung ang ama na sana'y siya ang tagapagtanggol ng anak eh siya pa ang unang mambiktima. Mantakin niyo na lamang ayon sa isang kasong nabanggit ko, natutulog na ang anak at kasama pa man din ang nanay nito sa higaan ngunit nagawa pa rin ng isang ama ang kalaswaan.

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, ang mabuting balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (1:1-17) ay nagbigay sa atin ng isang talaan ng mga ngalan ng ninuno ni Hesus. Karamihang lumabas na ngalan ay ang ngalan ng isang ama. Ang listahang ito kung saan puro ngalan ng ama ang makikita ay likas sa tinatawag na patriarchal age o makaama. Sa isang patriarchal society o mundo kung saan pinapahalagahan ang papel ng isang lalake, at ang babae naman ay binibigyan ng kunting papel, mahalaga ang tumayong ama sa isang tahanan. Kung wala ang isang ama, mahihirapang mabuhay ang isang babae at lalo na ang kanilang mga anak.

 

Ang ama ay mahalaga sa mata ng Diyos at di lamang sa mata ng tao. Kinakailangan may tumayo na isang ama para sa anak. Hindi maipagkaila na ang isang babae kapag nanganak may tungkulin siya bilang ina. Hindi niya matatakasan na galing nga sa kanya ang bata. Subalit ang isang lalake, maaring takbuhan niya ang kanyang katungkulan sa bata lalo na kung tanggihan niya na anak nga niya ito. Ngunit kahit pa nga ipagamit ng lalake ang apelyido nito sa bata at wala rin naman siyang pagmamahal dito, mawawalan din ng kwenta o saysay ang lahat. Kayat sa misang ito, ipagdasal natin ang mga tatay na maging mabuting tatay sa kanilang mga anak. Ganap na ang hirap sa mundo, sana ang mga tatay wag nang dagdagan pa ang paghihirap sa mundo kundi pasayahin nila ang kanilang mga anak sa kanilang pag-ibig. Amen.

Tuesday, 15 December 2020

Simbang Gabi Day 1

 


May isang seaman na kelan lang ikinasal eh tinawagan na siya ng kanilang kapitan upang sumampa sa barko. Ibinilin na lang niya sa kanyang asawa ang pagpagawa nila ng bahay at ang pamimili ng kagamitan para sa bahay. Dahil sa katangiang taglay ng seaman, nagpatuloy siyang magtrabaho sa barko hanggang lumipas ang apat na taon. Pagkatapos ng ikaapat na taon, dumaong ang barkong sinasakyan nila sa Pilipinas at sa wakas nakauwi na rin siya. Sa kanyang pag-uwi, ito ang unang pagkakataon na magdidiriwang siya ng kapaskuhan kasama ng kanyang asawa.

 

Dumating na nga ang araw ng pasko, at nagulat siya na ang misis niya ay nag-baked ng cake. Nalaman niya na yon ang ireregalo sa kanya ng kanyang misis. Ngunit mas nagulat ang misis sa reaksyon ng seaman. Nagalit ito at itinanong niya sa kanyang misis kung bakit nagregalo pa ito ng cake eh pera rin naman niya bilang seaman ang pinambili ng ingredients. Ipinamukha rin nito sa kanyang misis na wala naman itong trabaho at walang perang naiambag sa kanilang pagsasama. Ang ibinayad sa kuryente at tubig eh galing sa kanyang sweldo bilang seaman. Lahat ng ari-arian sa kanilang bahay eh sa kanya din galing ang pera na pinambili ng mga ito. Napaiyak na lamang ang misis at inamin niya na oo wala nga siyang pera na naiambag sa kanilang pagsasama dahil wala siyang trabaho. Ngunit ang pagmamahal niya eh yon ay hindi mapapantayan ng pera. Sabi pa ng misis, “Bakit sino ba ang nag-alala noong nagkasakit ka sa barko? Sino ba ang nagdasal ng taimtim noong nastranded kayo dahil may malakas na bagyo? Sino ba ang nag-aantay sa iyo habang tinitiis ang buhay na mag-isa dahil nasa malayo ka bilang asawa? Di bat ako? Ang pagmamahal ko ba sa iyo ay wala palang kwenta? Pera lang ba ang sukatan ng lahat?

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, sa unang araw ng Simbang Gabi, ano ba ang mahalaga sa iyo at bakit ka naparito sa misang ito? May hinihingi o hinihiling ka ba sa Diyos? Sa unang araw ng Simbang Gabi, ipinaalala sa atin ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan 5:33-36 na ang mahalaga sa mga araw na ito ay si Hesus, hindi tayo o kung sino pa man. Sa katauhan ni Hesus ipinamalas ng Diyos sa ating lahat na mahal Niya tayo. Ang pagmamahal ng Diyos ay di nasusukat sa kung anong meron tayong kagamitan o pera na ibinigay Niya sa atin bilang biyaya. Ang pagmamahal ng Diyos ay si Hesus mismo. Ang sabi nga ni Hesus, “Ang mga gawang ipinagagawa sa akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap –iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.” Sa paskong ito, sana ang lahat ng nagdidiriwang nito ay makapag-isip kung ano ang kanilang maaring gawin upang ipamalas na kusa nilang tinatanggap ang pagmamahal ng Diyos. Sana hindi lang hiling ng hiling o hingi ng hingi sa Diyos ang kanilang gawin kundi maipakita nila sa salita at gawa na nagpapasalamat sila sa pagmamahal ng Diyos sa ngalan ni Hesus. Maaaring magsisisi sila sa kanilang mga nagawang kasalanan o di kaya ay gumawa ng maraming kabutihan habang naghahanda para sa pasko. Maraming maaring gawin sa ngalan ng pagmamahal sa Diyos. Di nga ba at ang pasko ay tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa tao? Kaibigan, wala bang kwenta ito sa iyo?

Saturday, 12 December 2020

3rd Sunday of Advent

 


Sino ako? May mga bugtong o palaisipan tayong mga Filipino na maaaring idaan sa katanungang “Sino ako?” Ewan ko kung naaalala pa ninyo ang ilan sa mga ito.

 

Una, “Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.”

 

Pangalawa, “Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.”

 

Pangatlo, “May bintana nguni’t walang bubungan, may pinto nguni’t walang hagdanan.”

 

Panghuli, “Ginawa ng gumawa pero hindi niya ginamit, binili ng bumili pero hindi niya rin ginamit, ginamit ng gumamit pero hindi niya nakita kung paano niya ito ginamit.”

 

Ang mga bugtong o palaisipang ito ay may tamang kasagutan. Subalit kadalasan ang taong hindi nakakaalam ng tamang sagot ay napapaisip na lamang kung ano talaga ang isasagot. Noong bata pa tayo, marami siguro sa atin ang nakaranas na mag-isip ng malalim upang masagutan lamang ang mga ito. Mayroon ring hindi nakakatulog sa kaiisip ng sagot.  Ganito ang karanasan ng mga tao sa panahon ni Juan habang iniisip nila kung ano ang tamang sagot kung sino nga ba siya (Juan 1: 6-28).

 

Sa simulain ng pagbasa sa Kasulatang ito, binanggit na agad kung sino nga ba si Juan. Si Juan ay isang sugo ng Diyos upang magpatotoo tungkol kay KristoHesus, ang ilaw ng Diyos, para ang lahat ay manalig sa Kanya. Hindi si Juan ang ilaw kundi si KristoHesus. Si Juan ay siyang tagapag-patotoo tungkol sa ilaw na walang iba kundi si KristoHesus. Ngunit hindi ganito ang pagka-unawa ng mga Judio tungkol sa pagkatao ni Juan. Akala nila si Juan ay si Elias o ang propetang hinihintay nila. Pinabulaanan ang lahat na ito ni Juan. Ni hindi rin niya sinabing siya ang Mesias. Dahil dito muling tinanong siya, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sa pagkakataong ito ipinamalas ni Juan ang pakumbabang pag-amin kung sino siya. Hindi niya inako o ninakaw ang mga pagkakilanlan ng mga nakakahigit o mga mararangal. Pinili niyang aminin ang totoong siya ay mumunti lamang sa mata ng Diyos dahil bilang isang sugo, kinikilala niya ang kanyang sarili na hindi karapat-dapat kumalag ng tali ng panyapak ni KristoHesus. Si Juan ay di takot na makilala kung sino talaga siya. Hindi niya kinakailangang magpanggap o maging isang huwad upang tanggapin ng mga tao. Hindi siya takot na tanggihan ninuman dahil ang mahalaga sa kanya ay tanggapin ng tao si KristoHesus bilang Anak ng Diyos. Hindi siya takot na hindi kilalanin ng mga tao dahil ang mahalaga ay ang mapakilala niya sa mga tao si Kristo Hesus. Hindi siya nagnanais ng katanyagan o kapurihan. Hindi siya nagmamalaki bilang sugo ng Diyos. Tanggap ni Juan kung sino siya at hindi siya nakalimot sa sarili kahit na maaaring masilaw siya sa kasikatan niya sa mga panahong iyon. Pero hindi. Ibinaling niya ang paningin ng mga tao kay KristoHesus. Di bale nang kalimutan siya ng tao o tawagin man siyang laos basta’t si KristoHesus ang Siyang pinagtuonan ng lahat ng pansin.

 

Sa paskong darating, sana ay makinig tayo kay Juan. Ang pasko ay hindi para may Christmas Party o Christmas sale. Ang pasko ay tungkol kay Hesus na dapat pag-ukolan natin ng panahon at ng ating buhay. Ang pasko ay hindi para sa ating pansariling kapanginabangan kundi isang panahon upang tayo ay magbago bilang tanda ng pagtanggap natin na si KristoHesus ay Siyang Anak ng Diyos. Kung si KristoHesus ang dahilan kung bakit mayroong pasko, lahat ng ginagawa natin at gagawin sa paskong ito ay alay para sa Kanya. Hindi baleng walang regalo basta nandito sa puso at buhay natin si Hesus na tinatawag na Kristo. Amen.

 

Sunday, 6 December 2020

2nd Sunday of Advent

 

Sa wattpad.com story na MengMeng: The Bridgemaker may mga katanungang ganito: Paano kung ikaw ang ginawang tulay para mapasagot ang pinsan mo? Paano kung sa halip na pinsan mo, ikaw ang na-inlove sa manliligaw nito?

 

Sa isang facebook account naman may mababasang ganito: Wag kang mag-ooffer na maging tulay kung ikaw mismo ay hindi matibay. Mamaya ikaw pa unang bumigay, pati ang mga taong tumawid, madidisgrasya. Kasi nga naman kung nagkakataon, pati yong dalawang tao, madadamay.

 

Bakit nga ba may isang tinatawag na tulay? Una, dahil sa “hiya”. Kung ang isang lalake at isang babae ay nag-uusap at nagkakaunawaan na, eh hindi na nila kailangan ang isang tulay. Ngunit kung ang isang lalake ay mahiyain o nahihiyang magtapat ng kanyang pag-ibig sa babae, dito masasabing kinakailangan ang isang magtutulay para sa kanya. At kung ang babae naman ay walang gusto sa lalake, at ayaw naman niyang mapahiya ang lalake, talagang kekelanganin ang isang tulay upang iparating sa lalake na ibaling na lang sa iba ang kanyang pagtingin. Mahihiya din naman ang babaeng tanggihan ang isang mabuting manliligaw. Dito papasok ang pangalawang dahilan. Ang tulay ay maaaring sumuyo sa babae upang mahulog ang loob nito sa lalake kahit na sa simula ay walang pagtingin ang babae sa lalake. Ang tulay ang siyang manliligaw sa babae para sa lalake. Ang tulay ay para bang isang “ahente” na nagpupumilit na bilhin ang dala niyang “produkto.” Hindi niya tatantanan. Hindi niya tutulogan bente kwatro oras hanggat hindi niya mapapalambot ang puso ng babae para sa tinutulayang lalake.

 

Mga kaibigan ni KristoHesus, mayroon ding isang tulay na inilatag ang Diyos upang makipag-ugnayan ang tao sa Kanya. Ang sabi nga sa hula ni Propeta Isaias, “Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo, ihahanda niya ang iyong daraanan. Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!” Eh bakit ba hindi na lang ang Diyos mismo ang gumawa sa pinagagawa Niya sa isang tulay? Ang sagot, hindi gawain ng Diyos ang pilitin ang tao kung ayaw nito. Gaya ng nagtatampuhang magkaibigan o nagmamahalan, ayaw kausapin ng tao ang Diyos kahit pa na laging bukas ang panig ng Diyos na makausap ang tao. Matatandaan din na ilang ulit tinalikuran ng tao ang Diyos sa Lumang Tipan. Kaya ang pamamaraan ng Diyos ay ang makausap ang tao sa pamamagitan ng Kanyang tagapag-salita –ang tinatawag nating propeta. Ang pinakahuling propeta na nakipag-usap sa tao ay si Juan Bautista. Ang sabi nga ng Bibliya (Marcos 1:1-8), “At dumating nga sa ilang si Juan, nagbibinyag at nangangaral.” Si Juan ay isang tulay na pinadala ng Diyos upang suyuin ang tao na mahalin ang Diyos. Si Juan ay mistulang isang tulay na nagsasabi sa tao na bumalik na sa Diyos na nagmamahal sa kanila. Ang sabi niya sa tao: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos”. Sa kanyang ginawa at sinabi, inihahanda ni Juan ang tao na makatagpo nito ang Diyos. Hindi siya isang tulay na hindi matibay. Hindi siya isang tulay na unang bumigay, pati ang mga taong tumawid ay napapahamak. Sabi nga niya, “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa Espiriru Santo.” Ang ibig sabihin, inaamin niya na tulay lang siya at ang dapat talagang mahalin ng tao ay ang Diyos. Kapag natapos na ang gawain ni Juan bilang tulay, ang Anak ng Diyos na mismo ang Siyang makakausap ng tao. Kung hindi handa ang taong dumaan sa tulay ni Juan, hindi rin nito matatanggap ang Anak ng Diyos na si Hesus na Siyang makasalubong ng tao. At kung hindi matatanggap ng tao ang Anak ng Diyos, hindi rin nito tatanggapin ang Diyos mismo. Mga kapatid, wala na si Juan. Siya ang huling propeta na naging tulay. Ngunit di ibig sabihin na wala ng tulay sa Diyos at sa tao. Nandito ang Simbahan. Gaya ng mga sinabi ni Juan sa tao, ang Simbahan ay nagsasabi sa inyo ngayon: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan.” Amen.