Sa mga kwentong pag-ibig ng mga kabataan, madalas nauuwi ito sa isang usapan kung saan ang babae ay magsumsumbong sa lalake na buntis siya. Ang lalake naman ay magugulat at mangangatwiran na hindi pa siya handa na pananagutan ito. Sa bandang huli, ang babae ay magtatanong sa lalake, “Andito na ito. Eh ano ba ang gagawin ko dito?”
Mga kaibigan ko kay
KristoHesus, madalas ang ibinibigay na dahilan ng taong ayaw tumanggap ng isang
tungkulin o pananagutan (responsibility) ay ang pagkukulang sa kahandaan o
hindi pa handa. Gaya na lang ng isang mag-aaral na ayaw tanggapin na bumagsak
siya sa isang pagsusulit, sasabihin niya sa kanyang mga kaklase –hindi kasi ako
handa. Hindi ako nakapag-review. O kaya naman gaya ng isang manlalaro na ayaw
tumanggap ng pagkatalo, sasabihin niya –hindi kasi ako handa. Kulang lang talaga
sa practice.
Madalas ang pagiging hindi
handa ay nagdudulot ng kapahamakan sa isang tao o sa karamihan. Tulad na lamang
sa panahon na dumating ang isang sakuna, trahedya o kalamidad, kapag ang tao ay
hindi nakapaghanda, malamang malapit na siya sa kapahamakan. Kung ang tao ngang
nakapaghanda sa panahon ng sakuna, trahedya o kalamidad ay napapahamak pa eh
ang taong hindi nakapaghanda pa kaya? Di nga ba at maraming frontliners kahit
na mga doctor o nurse ang namatay dahil sa COVID 19? Noon, sinasabi pa sa
balita na marami ang namatay dahil hindi nila napaghandaan ang pagdating ng
virus na gaya ng COVID 19. Ngunit kahit ngayon, marami pa rin ang namamatay
kahit pa na may face mask o face shield na ginagamit. Ang sabi nga ay hindi pa
sapat ang mga ito upang ipanangga sa virus. Ibig sabihin, kulang pa rin ang
ginagawang paghahanda laban sa virus.
Ang paksa tungkol sa
paghahanda ay inilalahad din sa atin ngayon ng Mabuting Balita ayon kay San
Marcos 13: 33-37. Si Hesus mismo ang nagbigay babala sa atin nang Kanyang
sinabi, “Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo!” Bakit
daw ba? Sabi ni Hesus may isang darating kayat maging handa lagi. Ang sabi pa
Niya, “Hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan –maaaring sa
pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling araw, o kaya’y sa umaga –baka sa kanyang
biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog.” Di nga bat ganito ang nangyari
sa unang pagkakataon na dumating si Hesus sa mundo? Marami ang nag-abang na Judio
sa pagdating ng isang Tagapagligtas pero hindi nila inaasahan si Hesus Iyon. Ayaw
tanggapin ng karamihan sa mga Judio na si Hesus ang ipinangakong Tagapagligtas,
ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Masasabing handa sila sa pagdating
ng Tagapagligtas ngunit hindi nila pinaghandaan na tanggapin ang mismong
dumating –si Hesus. Alam ng bawat Judio na darating ang isang Tagapagligtas at
ipanganganak ng isang birhen. Nang makilala nilang si Maria ang ina ni Hesus,
napagtanto nila na hindi si Hesus ang Tagapagligtas. Hinusgahan nila si Hesus
na isang hamak lamang na tao dahil Siya ay anak ng isang karpintero. Sa bandang
huli ipinahamak nila si Hesus upang ito ay patayin sa pamamagitan ng pagpako sa
Kanya sa krus. Hindi sila naging handang tanggapin si Hesus bilang kanilang Tagapagligtas.
Ang inaasahan nilang darating kasi ay yong isang ipinanganak sa templo na siya ring
maging hari upang iligtas sila sa pamamahala ng Roma. Pero hindi iyon ang pamamaraan
ng Diyos noong ipinadala Niya si Hesus bilang Tagapagligtas.
Upang maiwasang gawin ang
ganitong uri ng pagkakamali, ang Simbahang Katolika ay nagsasanay na ihanda ang
sarili ng bawat isa sa pagdating muli ni Hesus sa panahong tinatawag na “adbiento”.
Ang “adbiento” ay may dalawang layunin na pinaghahandaan. Una, bilang isang
paggunita sa unang pagdating ni Hesus na tinatawag nating Pasko ng Kapanganakan
ni Kristo. Pinaghahandaan natin ang pasko sa pamamagitan ng pagdarasal,
pagsisimba, pangungumpisal at pagbibigayan. Nais nating ialay kay Hesus ang ating
pagbabago bilang paghahanda sa Kanyang kaarawan. Pangalawa, bilang tugon sa
paanyaya ni Hesus na maging laging handa sa Kanyang muling pagdating. Sa pagkakataong
iyon, Siya ay darating upang ang mga mabubuti ay makakatanggap ng buhay na
walang hanggang kasama Niya sa langit. Samantalang ang mga hindi mabuti, sila
naman ay hahatulan ng parusang walang katapusan sa impyerno. Mga kaibigan, sa
panahong iyon, hindi dahilan ang sabihing hindi tayo handa sapagkat gaya ng
isang guro, si Hesus ay magsasabi: Finish or not finish, pass your paper. Binabalaan
na tayo ni Hesus noon pa man. Kayat walang dahilan upang hindi tayo maging handa.

