Lahat ng tao ay may kinakaharap na suliranin sa buhay, malaki o maliit man sa paningin ng bawat isa. Ngunit mayroong iilan na halos lahat ng suliranin sa buong mundo ay pinagdaanan na. Mayroong napapagod at sumusuko kayat may pagkakataon na humahantong ang isang tao na magtangkang magpakamatay na lamang.
Hindi nga ba’t may
saliwikain tayong mga Pilipino na “kapit sa patalim”? Masasabing ang isang
taong kapit sa patalim ay gipit na sa buhay at mas mabuti pa na siya ay mamatay
subalit pinili pa rin niyang tiisin ang hirap upang kahit papaano ay mabuhay pa
rin. Itong uri ng buhay ang siyang pinagdaanan ng isang ina na lumapit kay
Hesus (Mateo 15:21-28).
Ang isang ina ay lumapit
kay Hesus upang humingi ng tulong sapagkat ang anak niyang babae ay inaalihan
ng demonyo at masyadong pinahihirapan. Gaya ng karamihan sa ating dumadaan sa
matinding pagsubok ng buhay, inaasahan natin na sa ating pagdarasal ay marinig
tayo ni Hesus at matugunan niya ang ating suliranin sapagkat Siya ay napakabuting
panginoon. Ngunit ayon sa Bibliya, gaputok man ay hindi tumugon si Hesus. Binigyan
lamang ng pansin ni Hesus ang babae noong lumapit na sa Kanya ang Kanyang mga
alagad at hiniling nila sa Kanya na pagsabihan Niya ang babae na humayo na lang. Ngunit ang
nakakagulat ay ang tugon ni Hesus sa kanila. Si Hesus mismo ang nagsabi, “Sa
mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo”. Sa madaling salita,
ang sagot ni Hesus ay hindi.
Lumapit pa rin sa Kanya
ang babae, lumuhod pa sa Kanyang harapan at sinabi, “Tulungan po ninyo ako,
Panginoon.” Pero sadyang matigas ang pusong ipinamalas ni Hesus sa pagkakatong
ito sapagkat ang sagot Niya sa hiling ng babae, “Hindi dapat kunin ang pagkain
ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” Inihambing ba naman ni Hesus ang babae
sa isang tuta o aso na para bang masasabi na hindi na nga Siya nakakatulong eh
dinagdagan Niya pa ang bigat na pinapasan ng babae dahil sa paghamak Niya dito.
Matatandaan na sinabi ni
Hesus, “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anomang banal” (Mateo 7:6). Ito
marahil ang nais ni Hesus ipahiwatig sa lahat na anomang banal ay hindi dapat
basta na lamang ibibigay lalo na sa mga taong hindi naman sakop ng sambahayan
ng Israel. Ngunit hindi tumigil ang babae sa kanyang pagmamakaawa kay Hesus. Sabi
niya, “Ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng
kanilang panginoon.” Sa pagkakataong ito, ipinakita ng babae kung paano mamuhay
ng kapit sa patalim. Hindi na bale kung ano ang sasabihin tungkol sa kanya
basta gumaling lamang ang kanyang anak. Kahit anong paghamak o panlalait man
ang maririnig niya, hindi niya ito alintana sapagkat ang nais lang niya ay
gumaling ang kanyang anak. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng
iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” Sa binitawang salita na ito ni
Hesus, hindi pala kanais-nais tawaging kapit sa patalim ang mamuhay na may
maraming suliranin sa buhay kundi kapit sa Panginoon. Ang nagbibigay kalutasan
sa ating mga suliranin ay ang Panginoon at hindi ang patalim. At kung mayroon
mang dahilan na dapat pang mabuhay ang isang tao kahit lugmok na sa mga problema
o suliranin ng buhay, ito ay dahil may Panginoon tayong matatawag. Manalig lamang
tayo sa Kanya na mas nakakaalam Siya kung ano ang mararating natin sa buhay. Ang
ating pananampalataya at pananalig ang siya nating gamit hindi lang sa pagkapit
kundi pandikit natin mga utol ko kay KristoHesus.

No comments:
Post a Comment