Undas na naman. Maraming Katoliko ang nagpapatulong sa kanilang pari kung paano nila sasagutin ang mga tanong ng mga di-katoliko gaya na lamang ng katanungang kung bakit naniniwala ang Simbahang Katolika sa purgatoryo. Ang payak na sagot dito ay, “ANONG PAKI NILA”. Katoliko ako at naniniwalang may purgatoryo eh ano naman ngayon? Di naman ako nakikialam sa paniniwala ng isang di-katoliko gaya na lamang ng paniniwalang huwag yumukod sa bandila kahit pa sinasabayan ito ng pambansang awit. Di rin naman ako nakialam kung ayaw kumain ng dinuguan ang ibang hindi katoliko. Mas lalong hindi rin ako nakialam kung bakit sabado o anumang araw ginagawa ang pagsamba nila sa Diyos. Bakit hindi ako nakialam? Kasi po IGINAGALANG ko ang paniniwala o pananampalataya ng bawat isa.
Katoliko ako at dapat lang maniwala ako sa purgatoryo. Kung hindi ako katoliko, eh malamang hindi ako maniniwala sa purgatoryo. Eh ang tanong, nakasulat ba sa Bibliya ang salitang purgatoryo? Kung hahanapin ang mismong salitang “purgatoryo” sa Bibliya eh wala ngang ganoong salita na makikita. Eh kahit nga ang salitang “Bibliya” di rin naman makikita na nakasulat mula sa unang aklat hanggang huling aklat ng Bibliya! Ayon nga sa isang hindi katolikong dalubhasa sa Bibliya, ang unang gumamit ng salitang Bibliya ay si San Juan Crisostomo patungkol sa kabuoan ng luma ag bagong tipan. Kaya’t ang pamagat na Bibliya ay tumutukoy sa mga aklat mula sa lumang tipan hanggang bagong tipan. Ngayon, dahil ba sa hindi makikita ang salitang purgatoryo sa Bibliya ay hindi ito totoo? Ang salitang dinosaurs ba ay makikita sa Bibliya? Kung hindi ito makikita sa Bibliya, ibig bang sabihin nito hindi totoo ang mga dinosaurs? Mali. Hindi naman kasi lahat ay maaring makitang naisulat sa Bibliya. Ayon pa nga sa Juan 20: 30, “Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito.” Ibig lamang sabihin mayroong hindi naisulat pero totoong nangyari o pangyayari.
Pero ang katayuan ng purgatoryo ay nakakaiba sapagkat hindi man makita ang salitang ito sa Bibliya, eh si Jesus mismo ay tumutukoy na mayroong purgatoryo. Sa Mateo 5: 26 at Lukas 12: 59, sinabi ni Jesus, “Hindi ka makakalabas doong hanggang hindi mo nababayaran ang huling sentimo.” Ang kalagayang tinutukoy na ito ni Jesus ay tinatawag na purgatoryo na ang ibig sabihin naman ay pagdalisay. Ang salitang purgatoryo ay nagsasalarawan kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagbabayad muna bago makalaya ang isang tao. Hindi impyerno ang tinutukoy ni Jesus dito sapagkat doon sa impyerno, hindi na makakalaya pa ang isang tao dahil doon na siya magpasawalang hanggan. Kaya ngayong undas, ang mga nasa purgatoryo ay ipinagdarasal natin at hindi ang mga nasa impyerno. At kahit ngayon ay Nobiembre 1, hindi rin naman masama ang magdasal sa mga nakapasok na sa langit sapagkat ang ipinagdiriwang naman natin ay All Saints Day o Araw ng mga Banal, at alam nating lahat ng kapag nasa langit na ang isang tao, siya ay maituturing na banal (saint). Mali ba ang magdasal sa isang yumao? Hindi. Sa Juan 11: 21, si Marta ay kumausap kay Jesus tungkol sa kapatid nyang si Lazarus na apat ng araw na namatay at ganoon din si Maria (Juan 11:32). Pinakinggan sila ni Jesus at binuhay nga Niyang muli si Lazarus. Sa bahaging ito ng kasulatan masasabi nating karapat-dapat lamang na tayo ay magdasal para sa mga minamahal nating yumao. Gaya ng sinabi ni Marta, “Alam ko pong mabubuhay siyang muli sa huling araw, kapag bubuhayin na ang mga namatay” (Juan 11:24), tayo ay mag-alay ng dasal sa mga yumao hanggang dumating ang huling araw na bubuhayin ng Diyos ang lahat ng mga namatay. Magdasal tayo na sa araw na iyon, magsasama-sama tayo sa iisang piging ng Diyos. Amen.

No comments:
Post a Comment