Noong linikha ng Diyos ang
langit at lupa, hindi Siya nangako sa tao na magiging masaya ang buhay nito sa
mundo. Ni hindi nga binanggit na nilikha Niya ang tao upang magpakasaya ito
habang nabubuhay. Bagkus inihabilin Niya sa kanya na alagaan at ingatan ang
lahat ng Kanyang nilikha.
Kung uunawain natin ang mga
nakasulat sa Banal na Kasulatan, hindi sinabing hindi natin mararanasan ang
mawalan ng mga mahal sa buhay, na matatakasan natin ang tumanda at magkasakit, o
di kaya ay malinlang o talikuran ng mga tinuturing nating mga kaibigan. Ang
totoo, hindi nakasulat sa Bibliya na ang buhay ng tao ay malayo sa mga
suliranin o pagsubok. Ayaw man natin sana na mangyari, ngunit dapat nating
tanggapin na hindi tayo ligtas lagi at hindi tayo makakaiwas sa maaaring mangyari
na para bagang isang masamang pangitain.
Tulad na lamang sa sinapit
ni KristoHesus, alam Niya at sinabi pa nga Niya sa Kanyang mga alagad (Mateo
16: 21-27) na dapat Siya magtungo sa Jerusalem at magbata ng maraming hirap sa
kamay ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at
kanilang ipapatay Siya. Ngunit pinagsabihan Siya ni Pedro na hindi iyon
mangyayari. Pero si KristoHesus mismo ang nagsabi sa kanya, “Ang iniisip mo’y
hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ano nga ba ang nasa utak
ng tao? Ang isip ng isang tao ay madalas para sa kanyang pansariling kapakanan
lamang. Ang unang inaalala niya ay ang kawalan ng panganib o di kaya ay ang kaligtasan
niya sa panganib. Iniiwasan niya ang anumang makapagbigay dahilan upang siya ay
malungkot o masaktan.
Eh ano naman kaya ang
sinasabi ni KristoHesus na “isip ng Diyos”? Mauunawaan natin ang sinabing ito
ni KristoHesus kung ibabaling natin ang atin paningin sa nakasulat sa
Ebanghelyo ni San Juan (3:16) na nagsasabing ipinadala ng Diyos sa mundo ang
Kanyang nag-iisang Anak upang iligtas ang lahat sapagkat mahal o iniibig ng
Diyos ang Kanyang nilikha. Ang “nasa isip ng Diyos” ay hindi ang pahirapan ang
tao kundi ang magbigay ng katwiran sa kanya kung papaano niya haharapin ang mga
kahirapan na dinaranas nito sa buhay. Kung may dahilan man upang harapin ang
mga paghihirap, pagsubok o suliranin sa buhay, ito ay walang iba kundi dahil sa
ngalan ng pag-ibig o pagmamahal.
Kung naranasan nang isang
tao ang umibig o magmahal, mas lalo niyang mauunawaan ang sinabing ito ni
KristoHesus: “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa
kanyang sarili.” Di nga ba ang kahulugan ng pag-ibig o pagmamahal ay ang kusang
pagbibigay o pag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng minamahal o iniibig? Hindi
nga ba at nakakalimutan nang isang tao ang kanyang sarili dahil sa kaiisip niya
sa kanyang minamahal? Dagdag pa ni KristoHesus, “pasanin ang kanyang krus at
sumunod sa akin”. Ang ibig sabihin ni KristoHesus nito ay kusang-loob sanang
harapin ng tao ang mga suliranin o pagsubok sa buhay sa ngalan ng pag-ibig.
Kahit na hirap na hirap na sa buhay, hindi sana mawala ang pag-ibig sa puso niya.
Hindi sana siya masisiraan ng loob habang ito’y dumaranas ng matinding pagsubok
sa buhay at umasa na lamang na sa bandang huli ang pag-ibig o pagmamahal ang siyang
mananaig sa mundo. Hindi galit o pagmamaktol ang maririnig sa kanya kundi
pag-ibig.
Matitiis nga ba ng isang
tao ang mamuhay na may kinakaharap na pagsubok o suliranin sa buhay? Opo. Kapag
ang tao ay marunong magmahal, kakayanin niya anumang pagsubok mayroon sa buhay
niya. Ngunit kung walang pag-ibig sa puso niya, mas nanaisin niyang kitilin ang
kanyang buhay kaysa sa siya ay magtiis. Tanging pag-ibig lamang ang dahilan
kung bakit pa tayo may buhay. At tanging pag-ibig din naman ang siyang dahilan
kung bakit makakayanan natin ang magbigay ng ating buhay para sa kapakanan ng
iba. Amen.

No comments:
Post a Comment