Saturday, 5 September 2020

23rd


May mga taong ang tingin nila sa kanilang sarili ay hindi sila nagkakasala o nagkakamali kahit ni minsan. Hindi ito ang uri ng tao na inaasahan ni KristoHesus sa mga taong nakasama Niya.

Alam ni KristoHesus na lahat ng tao kahit ang Kanyang mga alagad ay nagkakasala o nagkakamali. Ngunit ipinamalas ni KristoHesus na ang kaligtasan ng isang tao ang syang mahalaga at hindi kung ano ang nagawa nitong pagkakasala o pagkakamali. Ito’y Kanyang ipinahayag sa Kanyang mga alagad noong panahong sinabi Niya na sila mismo ang kusang lumapit sa taong nagkasala sa kanila (Mateo 18: 15-20). Kapag nakinig ang taong nagkasala sa kanila, napapanumbalik nila ito sa Diyos na Ama. Kapag hindi naman, kailangan pa ring gumawa sila ng paraan upang mailigtas ang taong iyon. At kung hindi pa ito makikinig kahit sa natitipong simbahan, hindi sinabi ni KristoHesus na isumpa na lamang ang kaluluwa nito. Datapuwa’t ituring na lang daw siyang isang Hentil o isang publikano. Ang ibig sabihin nito ay ituring na lamang ng mga alagad ang taong iyon na para bang hindi nakakaunawa na ang ginagawa nila ay para naman talaga sa kanyang kaligtasan. Hindi nga lamang nauunawaan nang taong iyon na siya ay nahulog sa pagkakasala at tangkang inililigtas ng mga alagad sa pamamagitan ng paghimok sa kanya na makipagbati sa kanila na sya namang ikinakatutuwa ng Diyos.  

Kesa naman magtanim ng galit sa taong nagkasala lalo na kung ayaw naman nitong makipagsundo, mas mabuti pang tumahimik na lamang at hayaan ang Diyos ang lumigtas sa kanya sa kanyang pagkakasala. Hindi magandang gayahin ang taong natutuwa pa kung mayroong nag-aaway o nagtatampuhan sa paligid nila. Hindi gawain ng isang Kristyano ang matuwa na may nagkakagulo. Hindi na kelangan gagatungan pa ang hindi nagkakasundo. Kung walang mabuting magawa upang maayos ang suliranin na namamagitan sa magkaaway, mas mabuti na lamang manahimik at magdasal.

Ang sabi nga sa isang Tweet –“Kung pwede ikaw yung mag-adjust, adjust ka na lang. Kung kaya mong intindihin, intindihin mo na lang. Iwas gulo. Iwas tampuhan. Iwas away. Habaan ang pasensiya. Sa bandang huli naman, kung sinong marunong umintindi, sila yung nagiging matagumpay at masaya sa buhay.”

No comments:

Post a Comment