Maraming bagay sa mundo na
hindi natin mauunawaan. Bakit may mga batang ipinanganak na may sakit o hindi
normal? Bakit may mga mag-asawang nais magkaanak ngunit hindi nabibiyaan kahit
isang sanggol man lang? Bakit kung sino pa ang mababait siya pa ang nasasaktan?
Bakit kung sino pa ang tunay na nagmahal ay siya pang madalas iniiwan? Bakit parang
hindi patas o hindi parehas ang buhay? Sa dami ng katanungang hindi masasagot, ang
tanging masasabi na lang natin sa ating sarili “Diyos lamang ang Siyang
nakakaalam ng lahat.”
Tama! Diyos lamang ang
nakakaalam ng lahat. Si Hesus marahil ang tamang makakasagot sa mga katanungang
kagaya ng mga binanggit ko dahil Siya ay Anak ng Diyos.
Ipinahayag sa Ebanghelyo
ngayon (Mateo 20: 1-16) ang sagot sa isang katanungang hindi mabigyan ng
kasagutan ninuman tungkol sa kalooban ng Diyos o paghahari ng Diyos sa lahat. Sa
isang talinhagang ito ni Hesus, ang napakabigat na tanong ng mga tauhan, “Isang
oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming
napagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho
ang upa sa amin?” Sa tono ng kanilang pananalita, para nga bang hindi patas ang
may-ari ng ubasan na gawing parehas ang sahod nila. Pero nakakamangha ang sagot
na ibinigay ng may-ari. Ang sabi niya, “Wala ba akong karapatan gawin ang aking
maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?”
Makukuha natin sa sagot na
ito ang unawain kung bakit parang hindi patas o parehas ang buhay ng tao. Una,
karapatan ng Diyos na gawin ang naiibigan Niya. Hindi man natin mauunawaan kung
bakit nangyayari ang mga nangyayari, ipasa-Diyos na lang natin ang lahat. Di nga
ba at sinabi ng Diyos sa Isaias 55:8, “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at
magkaiba ang ating daan.” Ipasa-Diyos ang lahat sapagkat walang mangyayari kung
walang pahintulot ang Diyos na ito ay mangyari. Pangalawa, ang inggit ay
nakakasama sa tao upang husgahan na hindi patas ang buhay na bigay ng Diyos. Kung
huhusgahan man natin bakit mayroong nakakaangat sa buhay o di kaya ay may
nalugmok sa kahirapan, dapat ito ay hindi humantong sa paninisi sa Diyos. Mahirap
man unawain ngunit karapat-dapat tanggapin na ano mang hindi patas sa ating
paningin, ang mahalaga ay maging matatag tayo sa ating pananampalataya. Ang sabi
nga ni San Pablo (Filipos 1:20), “Mga kapatid, ang aking pinakananais ay, sa
mabuhay o sa mamatay mabigyan ko ng karangalan si Kristo.”

No comments:
Post a Comment