Alam ng Diyos lahat ng tao ay nagkakasala. Subalit ang taong nagkasala at nakaranas ng pagpapatawad ng Diyos ang siyang nakakaunawa lamang at kumikilala kung gaano kahalaga ang magpatawad sa kapwa.
Ayon sa Bibliya (Mateo 18:
21-35), si Pedro ay nagtanong kay KristoHesus kung makailan ba patawarin ang
isang nagkakasala. Ang katanungang ito ay tangkang sinagot din agad ni Pedro
bago pa man makasagot si Hesus. Ngunit iwinasto ni Hesus ang sagot ni Pedro
nang sinabi Niya rito, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa
nito.” Ang ibig sabihin lamang ni Hesus ay hindi nagbibilang ang taong
nagpapatawad. Hindi kailangang sukatin ang pagpatawad. Paano kaya magagawa ng
tao ang ganitong uri ng pagpapatawad?
Si Hesus ay nagpaliwanag sa
pamamagitan ng isang kwento. Ang sabi Niya, mayroong pinatawad ang isang hari
na nagkautang sa kanya at hindi ito makapagbayad. Naawa ang hari kaya
ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya. Ngunit pagkaalis niya ay
nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang sa kanya. Siningil
niya ito at kahit na nagmakaawa sa kanya ay ipinabilanggo niya ito. Nang nalaman
ito ng hari, siya’y ipinatawag nito at ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya
ang kanyang utang.
Ang aral na makukuha natin
sa kwentong ito ni Hesus tungkol sa pagpapatawad ay ang alamin natin na ang
pagpapatawad sa kapwa ay isang pagtanaw ng utang na loob natin sa Diyos. Kung ang
Diyos ay nakapagpapatawad sa atin, binibigyan natin ng halaga ang karanasang
ito sa pamamagitan ng pagpapatawad natin sa ating kapwa.
Marahil mahirap ito sa
karamihan lalo na kung masyadong mabigat ang nagawang kasalanan sa kanila. Ngunit
hindi mababago ng kabigatan ng pagkakamali ang pahalagahan ang magpatawad. Ang mapoot
sa kaaway ay likas sa isang tao lalo na kung ito ay nasasaktan. Subalit inaanyayahan
tayo ng Diyos na makibahagi sa dakila Niyang angking kapurihan –ang walang
pasubali na magpatawad sa mga nagkakasala. Ano bang pipiliin natin? Ang magbilang
kung ilang beses tayo magpatawad o kusa tayong magpatawad sa nagkasala sa atin
at ipasa-Diyos na lang ang lahat? Ano ba ang mapapala ng isang tao sa
kabibilang ng kasalanan ng kanyang kapwa sa kanya? Di ba mas masaya ang sumunod
sa kalooban ng Diyos na patawarin natin ang kapwa? Kung hindi man, ang mahalaga
ay sinunod natin ang kalooban ng Diyos. Amen.

No comments:
Post a Comment