Ang taong nagmamahal ay tunay ngang nagmamahal kung nakikilala niya ang Diyos sa kanyang buhay. Ayon sa 1 Juan 4:7-8, ang sino mang umiibig ay nakakilala sa Diyos sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. Samakatuwid, ang lalake na nagsasabing mahal niya ang isang babae ngunit di naman niya kinikilala ang Diyos ay masasabing nagmamahal nga siya, ngunit iyon ay isang uri ng pagmamahal na kayang maibigay sa isang alagang hayop o di kaya sa isang bagay o pagkain. Ang sabi nga sa isang patalastas, “I love you, Jolibee.” Hindi ang ganitong uri ng pagmamahal ang kaibig-ibig. Ang pagmamahal na mula sa Diyos at pagmamahal sa Diyos ang siyang karapat-dapat na mayroon ang bawat isa. Kahit pa na ikinasal ang isang lalake at isang babae na nagmamahalan kung di naman mahal ng isa sa kanila ang Diyos ay di magtatagal. At kung tatagal man eh malamang hindi dahil sa kanilang pag-iibigan. Sapagkat paano ang isang tao iibig ng tunay kung wala ang Diyos sa kanyang buhay? Paano ba maiibigay ang isang wala?
Ang tunay na pag-ibig ay hindi
natatapos sa pagmamahal sa Diyos. Itong pagmamahal ay patuloy na dumadaloy
patungo sa pagmamahal sa kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili (Mateo 22:34-40). Kung
uunawain ito, ang pagmamahal sa iba ay hindi mula sa Diyos kung di rin lang mahal
ng isang tao ang kanyang sarili. Ang mga taong sinasaktan ang sarili at
sinasayang ang buhay dahil sa pagmamahal ay hindi masasabing tunay ngang
nagmamahal. Paano nila mamahalin ang iba kung sila nga ay di marunong magbigay
halaga sa kanilang sarili? Paano nila maibibigay ang isang pag-ibig na wala
naman sa kanila? Ganun pa man, hindi rin matatawag na tunay na pagmamahal ang pagiging
narsismo (labis na pagmamahal sa sarili). Di nga rin tama ang pinapahiwatig ng
isang awitin na “Greatest Love of All” na ang tinutumbok ay pagmamahal sa
sarili. Ang taong kulang sa pagmamahal sa sarili at taong labis ang pagmamahal
sa sarili ay hindi nakakaunawa kung ano ang pag-ibig na galing sa Diyos. Ang pag-ibig
ng Diyos ay sapat sa bawat isa kayat masasabing walang labis at walang kulang
dapat sa bawat isa. Kung kayat pagdating sa pagmamahal sa kapwa at sa sarili,
ang pag-ibig ay pantay; hindi ito kulang o higit pa. Sa gayon, mas mauunawaan
natin bakit sinabi ni Hesus na ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa gaya ng
pagmamahal sa sarili ang pinakamahalagang utos ng Diyos.

No comments:
Post a Comment