Sa wattpad.com story na
MengMeng: The Bridgemaker may mga katanungang ganito: Paano kung ikaw ang
ginawang tulay para mapasagot ang pinsan mo? Paano kung sa halip na pinsan mo,
ikaw ang na-inlove sa manliligaw nito?
Sa isang facebook account naman
may mababasang ganito: Wag kang mag-ooffer na maging tulay kung ikaw mismo ay
hindi matibay. Mamaya ikaw pa unang bumigay, pati ang mga taong tumawid,
madidisgrasya. Kasi nga naman kung nagkakataon, pati yong dalawang tao,
madadamay.
Bakit nga ba may isang tinatawag
na tulay? Una, dahil sa “hiya”. Kung ang isang lalake at isang babae ay nag-uusap
at nagkakaunawaan na, eh hindi na nila kailangan ang isang tulay. Ngunit kung
ang isang lalake ay mahiyain o nahihiyang magtapat ng kanyang pag-ibig sa
babae, dito masasabing kinakailangan ang isang magtutulay para sa kanya. At
kung ang babae naman ay walang gusto sa lalake, at ayaw naman niyang mapahiya
ang lalake, talagang kekelanganin ang isang tulay upang iparating sa lalake na
ibaling na lang sa iba ang kanyang pagtingin. Mahihiya din naman ang babaeng
tanggihan ang isang mabuting manliligaw. Dito papasok ang pangalawang dahilan.
Ang tulay ay maaaring sumuyo sa babae upang mahulog ang loob nito sa lalake
kahit na sa simula ay walang pagtingin ang babae sa lalake. Ang tulay ang siyang
manliligaw sa babae para sa lalake. Ang tulay ay para bang isang “ahente” na nagpupumilit
na bilhin ang dala niyang “produkto.” Hindi niya tatantanan. Hindi niya tutulogan
bente kwatro oras hanggat hindi niya mapapalambot ang puso ng babae para sa
tinutulayang lalake.
Mga kaibigan ni
KristoHesus, mayroon ding isang tulay na inilatag ang Diyos upang
makipag-ugnayan ang tao sa Kanya. Ang sabi nga sa hula ni Propeta Isaias,
“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo, ihahanda niya ang iyong
daraanan. Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: Ihanda ninyo ang daraanan
ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!” Eh bakit ba hindi na lang ang
Diyos mismo ang gumawa sa pinagagawa Niya sa isang tulay? Ang sagot, hindi
gawain ng Diyos ang pilitin ang tao kung ayaw nito. Gaya ng nagtatampuhang
magkaibigan o nagmamahalan, ayaw kausapin ng tao ang Diyos kahit pa na laging bukas
ang panig ng Diyos na makausap ang tao. Matatandaan din na ilang ulit
tinalikuran ng tao ang Diyos sa Lumang Tipan. Kaya ang pamamaraan ng Diyos ay ang makausap ang tao sa pamamagitan ng Kanyang tagapag-salita –ang tinatawag nating
propeta. Ang pinakahuling propeta na nakipag-usap sa tao ay si Juan Bautista.
Ang sabi nga ng Bibliya (Marcos 1:1-8), “At dumating nga sa ilang si Juan,
nagbibinyag at nangangaral.” Si Juan ay isang tulay na pinadala ng Diyos upang
suyuin ang tao na mahalin ang Diyos. Si Juan ay mistulang isang tulay na
nagsasabi sa tao na bumalik na sa Diyos na nagmamahal sa kanila. Ang sabi niya
sa tao: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, at pabinyag kayo
upang kayo’y patawarin ng Diyos”. Sa kanyang ginawa at sinabi, inihahanda ni
Juan ang tao na makatagpo nito ang Diyos. Hindi siya isang tulay na hindi
matibay. Hindi siya isang tulay na unang bumigay, pati ang mga taong tumawid ay
napapahamak. Sabi nga niya, “Darating na kasunod ko ang isang makapangyarihan
kaysa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga
panyapak. Binibinyagan ko kayo sa tubig, ngunit bibinyagan niya kayo sa
Espiriru Santo.” Ang ibig sabihin, inaamin niya na tulay lang siya at ang dapat talagang mahalin ng tao ay ang Diyos. Kapag natapos na ang gawain ni Juan bilang tulay, ang
Anak ng Diyos na mismo ang Siyang makakausap ng tao. Kung hindi handa ang taong
dumaan sa tulay ni Juan, hindi rin nito matatanggap ang Anak ng Diyos na si
Hesus na Siyang makasalubong ng tao. At kung hindi matatanggap ng tao ang Anak
ng Diyos, hindi rin nito tatanggapin ang Diyos mismo. Mga kapatid, wala na si
Juan. Siya ang huling propeta na naging tulay. Ngunit di ibig sabihin na wala
ng tulay sa Diyos at sa tao. Nandito ang Simbahan. Gaya ng mga sinabi ni Juan
sa tao, ang Simbahan ay nagsasabi sa inyo ngayon: “Pagsisihan ninyo’t talikdan
ang inyong mga kasalanan.” Amen.

No comments:
Post a Comment