Sino ako? May mga bugtong o
palaisipan tayong mga Filipino na maaaring idaan sa katanungang “Sino ako?”
Ewan ko kung naaalala pa ninyo ang ilan sa mga ito.
Una, “Dumaan ang hari,
nagkagatan ang mga pari.”
Pangalawa, “Hindi pari,
hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.”
Pangatlo, “May bintana
nguni’t walang bubungan, may pinto nguni’t walang hagdanan.”
Panghuli, “Ginawa ng
gumawa pero hindi niya ginamit, binili ng bumili pero hindi niya rin ginamit,
ginamit ng gumamit pero hindi niya nakita kung paano niya ito ginamit.”
Ang mga bugtong o
palaisipang ito ay may tamang kasagutan. Subalit kadalasan ang taong hindi
nakakaalam ng tamang sagot ay napapaisip na lamang kung ano talaga ang isasagot.
Noong bata pa tayo, marami siguro sa atin ang nakaranas na mag-isip ng malalim
upang masagutan lamang ang mga ito. Mayroon ring hindi nakakatulog sa kaiisip
ng sagot. Ganito ang karanasan ng mga
tao sa panahon ni Juan habang iniisip nila kung ano ang tamang sagot kung sino
nga ba siya (Juan 1: 6-28).
Sa simulain ng pagbasa sa Kasulatang
ito, binanggit na agad kung sino nga ba si Juan. Si Juan ay isang sugo ng Diyos
upang magpatotoo tungkol kay KristoHesus, ang ilaw ng Diyos, para ang lahat ay
manalig sa Kanya. Hindi si Juan ang ilaw kundi si KristoHesus. Si Juan ay
siyang tagapag-patotoo tungkol sa ilaw na walang iba kundi si KristoHesus.
Ngunit hindi ganito ang pagka-unawa ng mga Judio tungkol sa pagkatao ni Juan.
Akala nila si Juan ay si Elias o ang propetang hinihintay nila. Pinabulaanan ang
lahat na ito ni Juan. Ni hindi rin niya sinabing siya ang Mesias. Dahil dito
muling tinanong siya, “Bakit ka nagbibinyag, hindi pala naman ikaw ang Mesias,
ni si Elias, ni ang Propeta?” Sa pagkakataong ito ipinamalas ni Juan ang pakumbabang
pag-amin kung sino siya. Hindi niya inako o ninakaw ang mga pagkakilanlan ng
mga nakakahigit o mga mararangal. Pinili niyang aminin ang totoong siya ay
mumunti lamang sa mata ng Diyos dahil bilang isang sugo, kinikilala niya ang
kanyang sarili na hindi karapat-dapat kumalag ng tali ng panyapak ni
KristoHesus. Si Juan ay di takot na makilala kung sino talaga siya. Hindi niya
kinakailangang magpanggap o maging isang huwad upang tanggapin ng mga tao.
Hindi siya takot na tanggihan ninuman dahil ang mahalaga sa kanya ay tanggapin
ng tao si KristoHesus bilang Anak ng Diyos. Hindi siya takot na hindi kilalanin
ng mga tao dahil ang mahalaga ay ang mapakilala niya sa mga tao si Kristo
Hesus. Hindi siya nagnanais ng katanyagan o kapurihan. Hindi siya nagmamalaki
bilang sugo ng Diyos. Tanggap ni Juan kung sino siya at hindi siya nakalimot sa
sarili kahit na maaaring masilaw siya sa kasikatan niya sa mga panahong iyon.
Pero hindi. Ibinaling niya ang paningin ng mga tao kay KristoHesus. Di bale
nang kalimutan siya ng tao o tawagin man siyang laos basta’t si KristoHesus ang
Siyang pinagtuonan ng lahat ng pansin.
Sa paskong darating, sana
ay makinig tayo kay Juan. Ang pasko ay hindi para may Christmas Party o
Christmas sale. Ang pasko ay tungkol kay Hesus na dapat pag-ukolan natin ng
panahon at ng ating buhay. Ang pasko ay hindi para sa ating pansariling
kapanginabangan kundi isang panahon upang tayo ay magbago bilang tanda ng
pagtanggap natin na si KristoHesus ay Siyang Anak ng Diyos. Kung si KristoHesus
ang dahilan kung bakit mayroong pasko, lahat ng ginagawa natin at gagawin sa
paskong ito ay alay para sa Kanya. Hindi baleng walang regalo basta nandito sa puso
at buhay natin si Hesus na tinatawag na Kristo. Amen.

No comments:
Post a Comment