May isang seaman na kelan lang ikinasal eh
tinawagan na siya ng kanilang kapitan upang sumampa sa barko. Ibinilin na lang
niya sa kanyang asawa ang pagpagawa nila ng bahay at ang pamimili ng kagamitan
para sa bahay. Dahil sa katangiang taglay ng seaman, nagpatuloy siyang magtrabaho sa barko hanggang lumipas ang apat
na taon. Pagkatapos ng ikaapat na taon, dumaong ang barkong sinasakyan nila sa
Pilipinas at sa wakas nakauwi na rin siya. Sa kanyang pag-uwi, ito ang unang
pagkakataon na magdidiriwang siya ng kapaskuhan kasama ng kanyang asawa.
Dumating na nga ang araw
ng pasko, at nagulat siya na ang misis niya ay nag-baked ng cake. Nalaman niya
na yon ang ireregalo sa kanya ng kanyang misis. Ngunit mas nagulat ang misis sa
reaksyon ng seaman. Nagalit ito at itinanong niya sa kanyang misis kung bakit
nagregalo pa ito ng cake eh pera rin
naman niya bilang seaman ang pinambili
ng ingredients. Ipinamukha rin nito
sa kanyang misis na wala naman itong trabaho at walang perang naiambag sa
kanilang pagsasama. Ang ibinayad sa kuryente at tubig eh galing sa kanyang
sweldo bilang seaman. Lahat ng
ari-arian sa kanilang bahay eh sa kanya din galing ang pera na pinambili ng
mga ito. Napaiyak na lamang ang misis at inamin niya na oo wala nga siyang pera
na naiambag sa kanilang pagsasama dahil wala siyang trabaho. Ngunit ang
pagmamahal niya eh yon ay hindi mapapantayan ng pera. Sabi pa ng misis, “Bakit
sino ba ang nag-alala noong nagkasakit ka sa barko? Sino ba ang nagdasal ng
taimtim noong nastranded kayo dahil may malakas na bagyo? Sino ba ang nag-aantay
sa iyo habang tinitiis ang buhay na mag-isa dahil nasa malayo ka bilang asawa? Di bat ako? Ang pagmamahal ko ba sa iyo ay wala palang kwenta? Pera lang
ba ang sukatan ng lahat?
Mga kaibigan ni
KristoHesus, sa unang araw ng Simbang Gabi, ano ba ang mahalaga sa iyo at bakit
ka naparito sa misang ito? May hinihingi o hinihiling ka ba sa Diyos? Sa unang
araw ng Simbang Gabi, ipinaalala sa atin ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon
kay San Juan 5:33-36 na ang mahalaga sa mga araw na ito ay si Hesus, hindi tayo
o kung sino pa man. Sa katauhan ni Hesus ipinamalas ng Diyos sa ating lahat na
mahal Niya tayo. Ang pagmamahal ng Diyos ay di nasusukat sa kung anong meron tayong
kagamitan o pera na ibinigay Niya sa atin bilang biyaya. Ang pagmamahal ng
Diyos ay si Hesus mismo. Ang sabi nga ni Hesus, “Ang mga gawang ipinagagawa sa
akin ng Ama, at siya ko namang ginaganap –iyan ang nagpapatotoo na ako’y sinugo niya.” Sa paskong ito, sana ang lahat ng nagdidiriwang nito ay makapag-isip
kung ano ang kanilang maaring gawin upang ipamalas na kusa nilang tinatanggap
ang pagmamahal ng Diyos. Sana hindi lang hiling ng hiling o hingi ng hingi sa
Diyos ang kanilang gawin kundi maipakita nila sa salita at gawa na nagpapasalamat
sila sa pagmamahal ng Diyos sa ngalan ni Hesus. Maaaring magsisisi sila sa
kanilang mga nagawang kasalanan o di kaya ay gumawa ng maraming kabutihan
habang naghahanda para sa pasko. Maraming maaring gawin sa ngalan ng pagmamahal
sa Diyos. Di nga ba at ang pasko ay tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa tao? Kaibigan,
wala bang kwenta ito sa iyo?

No comments:
Post a Comment