May isang babaeng
magpapakasal. Nagtaka ang lahat nang makita ang imbitasyon niya sapagkat hindi
ang kanyang tatay mismo ang maghahatid sa kanya sa altar kundi ang kanilang kura paroko, na walang iba kundi isang
pari. Isang araw bago mangyari ang kasal, sinugod ng tatay ng babae sa kumbento
ang pari. Mabuti nga lang at nandoon din sa kumbento ang babae kasama ang lalaking
magpapakasal sa kanya na kausap ang pari. Tinanong ng tatay ang pari bakit siya
ang maghahatid sa kanyang anak sa altar. Ang anak na babae ang sumagot sa
tanong na ito at hindi ang pari. Sabi ng babae, “Oo. Tatay ko po kayo dahil
kayo po ang nakabuntis sa nanay ko. Pero nasaan kayo noong ipinanganak ako?
Bumalik ka sa piling namin noong pitong taong gulang na ako. Mula nang ika’y
bumalik ginawa mo akong alipin na tagapagbili mo ng alak at sigarilyo. Tuwing
ika’y malasing di ko makakalimutan kung gaano kasakit ang tamaan ng hagupit ng
sinturon mo ang buo kong katawan. Ni hindi ko naranasan ang maging masaya kahit
isang minuto man lang na nakasama ka naming ni inay sa bahay. Sa mga taong
lumipas na sinasaktan mo kaming mag-ina, ang kumbentong ito ang saksi sa lahat
ng nangyari sa akin. Dito ako tumatakbo at humihingi ng saklolo. Si father, siya ang nakikinig sa aking
bawat hinaing. Si father, siya ang
laging nandyan sa akin at itinuring niya ako bilang isang anak na hindi niyo ipinadama
sa akin. Si father, hindi ko siya
kaano-ano dahil di kami magkadugo, pero siya ang naging ama ko dahil sa kanya
ko nadama ang pagmamahal na hindi niyo kayang ibigay sa akin. Ngayon itay,
bigyan mo ako ng dahilan na kilalanin kita bilang ama ko maliban sa ikaw ang
nakabuntis kay inay at ako ang naging bunga noon. Walang maisagot ang tatay at
yumuko na lamang ito.
Mga kaibigan ni
KristoHesus, hindi lamang nasusukat ang pagiging ama sa dugo na dumadaloy mula
sa kanya papunta sa kanyang anak kundi sa pagmamahal na ipinadama nito. Ito din
ang sinasabi ng mabuting balita ng Panginoon ayon kay San Mateo (1:18-24) sa
atin. Si San Jose hindi siya ang biological
father ni Hesus. Alam niya na si Hesus ay Anak ng Diyos. Kayat nag-atubili
siyang pakasalan si Maria sapagkat alam niya na ito ay pinili na ng Diyos upang
maging ina ni Hesus na Anak ng Diyos. Mabuti na lamang at nakausap niya ang
anghel ng Diyos sa kanyang panaginip. Dito niya nalaman na hindi lang si Maria
ang pinili ng Diyos kundi siya rin naman upang mapangalagaan at mahalin si
Hesus bilang isang anak niya. Pinaunlakan naman ni San Jose ang alok sa kanya
ng anghel sa panaginip. Pagkagising niya, sinimulan niyang gampanan ang
tungkulin niya na maging ama ni Hesus nang pinakasalan niya si Maria.
Mga kaibigan ni
KristoHesus, sa misang ito ipagdasal natin ang mga tatay. Sana nawa ay maging
katulad sila ni San Jose na tumayo sa kanilang panindigan na pangalagaan at
mahalin ang kanilang mga anak. Ang pinakamabisang pagpapahayag ng ama ng
kanyang pagmamahal sa kanyang mga anak ay ang mahalin ang inang lumuwal sa
kanila. Dagdag pa dito, kagaya ni San Jose, sana ang mga tatay, sila mismo ang
aakay sa kanilang mga anak na mahalin ang Diyos. Amen.

No comments:
Post a Comment