Si Malala Yousafzai ay isang batang babae na Pakistani na nakilala sa pakikipaglaban niya para sa karapatan ng mga kababaihan na magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Nang pinamahalaan ang lugar nila ng Taliban, isang grupo ng Islam, ipinagbawal kasi ang mga babae na pumasok sa paaralan upang mag-aral. Habang pauwi si Malala galing sa paaralan ay binaril siya sa ulo ng isang kasapi ng Taliban. Siya ay pinalad na makaligtas pagkatapos ng sampong araw na walang malay. Ang naganap na ito kay Malala ay naibalita sa buong mundo at pumukaw sa karamihan na ipaglaban ang karapatan ng mga babaeng makapag-aral kapantay ng mga kalalakihan.
Ang pagkaligtas ni Malala sa
kamatayan ay maituturing na isang himala. Ang English ng himala ay miracle na ang ibig sabihin naman ay
pagkamangha o pagkagulat. Ang isang himala ay nakakamangha sapagkat hindi
masasabi ng tao na ang nangyayari ay pangkaraniwang kaganapan lamang; datapuwa’t
na maituturing ito na gawa ng Diyos.
Bakit nga ba may himala? Diyos
na rin lang ang makakasagot nito. Pero kung ibabatay natin sa Lucas 1: 5-25,
masasabi nating may himala sapagkat mayroong Diyos. Hindi ibig sabihin nito na
mayroong himala upang patunayan na may Diyos kundi ang himala ay nagpapahiwatig
o may pinaparating na nais ng Diyos na maganap. Gaya na lamang sa kalagayan
nila Zacarias at Elisabet, himalang magkaanak pa sila sa edad nila. Ang himala
na nagkaroon pa sila ng anak ay hindi nangyari upang patunayan ng Diyos sa
kanila na totoo ngang may Diyos, kundi ang kanilang anak na si Juan ang siyang
maghahanda ng dadaanan ni Hesus sa Kanyang pagdating. Dahil mayroong isang
maghahanda sa dadaanan ni Hesus, ninais ng Diyos na may isang Juan na gagawa
nito. At kahit kinakailangan na gumawa ng himala ang Diyos upang magkaroon ng
Juan ay gagawin Niya ito at walang makapagpigil sa Kanya sapagkat Siya ay
Diyos.
Mga kaibigan ni
KristoHesus, kung si Malala ay himalang nakaligtas sa bingit ng kamatayan, ito
ay dahil sa kadahilanang ninanais ng Diyos na maging pantay ang lalake at babae sa pagkamit
ng karunungan na makukuha sa paaralan. Hindi naman kinakailangan mangyari sa atin
ang nangyari kay Malala upang masabi nating nakakita tayo ng himala. Sapat na
ang gumising tuwing umaga at ituring na ang ating buhay bawat araw ay isang
himala. Buhay pa tayo sapagkat may nais pa ang Diyos na maganap at kailangang gampanan natin iyon. At habang buhay pa tayo, ipagdasal natin na magagawa natin kung
ano man ang kalooban ng Diyos para sa atin. Hindi na kelangan humingi pa sa
langit ng isang himala sapagkat habang tayo ay may buhay, ito na mismo ay isang
himala.

No comments:
Post a Comment