May isang haring
nagngangalang Oedipus ay nakatadhanang patayin ang kanyang ama at pakasalan ang
kanyang ina. Ang sabi sa kwento, ang kaharian ng Thebes ni Oedipus ay binabalot
ng isang salot bilang kaparusahan sa isang nakatira doon na pumatay sa dating
hari. Upang mawala ang salot kailangang paalisin ang nagdala ng salot. Ipinasiyasat
ito ng hari at nagulat siya sa kanyang natuklasan. Ayon sa kanyang natuklasan,
ang dating hari at ang reyna na si Jocasta ay hinulaan na ang kanilang anak ang
siyang papatay sa hari at siya ring maging asawa ng reyna na walang iba kundi ang
kanyang ina. Minabuti ng mag-asawa na mamatay na lang ang kanilang anak. Subalit
naawa ang taong inutusan ng mag-asawa na patayin ito hanggang sa kinupkop na
lang ito ng mag-asawa na hari at reyna din sa ibang kaharian. Nang lumaki na
ang bata, nalaman niya na siya ay itinakdang patayin ang tatay niya at
pakasalan ang nanay niya, umalis na lamang ito sa kaharian upang ilihis ang kanyang
tadhana. Sa puntong ito may napatay siyang di niya nakilala sa kanyang dinadaanan.
Pero nagpatuloy pa rin siya sa kanyang paglalakbay hanggang sa nakarating siya
sa Thebes at naging hari at nagpakasal sa biyudang reyna. Dito na napagtanto ni
Oedipus na siya ang batang iyon at ang kanyang asawa ay walang iba kundi ang
reyna na kanyang ina. Dahil dito, nagbigti ang reyna at si Oedipus naman ay
binulag ang kanyang mga mata.
Ang malungkot na kwentong
ito ay nagpapahiwatig na hindi matatakasan ng tao ang nakatadhana para sa
kanya. Pero hindi ganito ang pananaw natin bilang mga kaibigan ni KristoHesus. Para
sa atin, ang tinatawag na tadhana ay ang kalooban ng Diyos. Ngunit hindi
pinipilit ng Diyos kung ano ang gusto Niya sa tao. Kinakailangang ang tao ay bukal
sa loob nito ang pagtanggap. Gaya na lamang sa mabuting balita ng Panginoon
(Lucas 1: 26-38) na ipinahayag sa atin na si Maria ay pinili ng Diyos na maging
ina ng Kanyang nag-iisang Anak. Pagkatapos magsalita ng anghel tungkol dito, nakasalalay
na kay Maria kung ano ang isasagot niya sa anghel. Hindi namimilit ang anghel bagkus
inantay niyang sumagot si Maria. At ang sagot nga ni Maria: “Ako’y alipin ng
Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi.” Ang ibig sabihin lamang nito ay
anumang nakatadhana ay hindi mangyayari kung hindi sasang-ayunan ng tao. At ganun
din naman, hindi mangyayari ang gusto ng tao kung hindi ayon ito sa kalooban ng
Diyos. Sa misang ito, sana ay matuto tayong alamin kung ano nga ba ang kalooban
ng Diyos sa atin sa pang-araw araw nating buhay.

No comments:
Post a Comment