Ano ang nagpapasaya sa tao?
Marahil gaya ng karamihan ang isasagot sa tanong na ito ay pera, bagong
cellphone, boyfriend, ex girlfriend, asawa at anak, atbp. Sa Linggong ito na
tinatawag na Laetare Sunday o Linggo ng Kagalakan, mainam na bigyan pansin
natin kung ano ang dapat ikagalak ng tao sa mundong ito. Ano nga ba ang siyang tunay
na nagpapasaya sa tao?
Sa unang binasa (2 Cronica 36:
14-16;19-23), ang mga taong pinili ng Diyos ay tumalikod sa Kanya. Nagpakasaya
sila habang naiwaglit sa kanilang isipan at puso ang Diyos hanggang sa dumating
ang hindi kanais-nais sa kanilang buhay. Ilang taon ring silang naghirap
hanggang sa iniligtas sila ng Diyos sa pamamagitan ng isang hari ng Persia na
si Ciro. Sila ay pinahintulutan ng hari na pumunta sa Jerusalem, ang tagpuan ng
Diyos at ng tao. Ibig sabihin lamang nito na kahit ano pa ang mayroon ang isang
tao, kung wala ang Diyos sa kanya, ay hindi niya matatagpuan ang tunay na kasiyahan.
Walang dahilan upang magalak kung wala ang Diyos sa buhay. Ang tao na ginagabayan
ng Diyos, kahit salat sa buhay, ay may dahilang magalak dahil nasa kanya ang
Diyos.
Dagdag pa dito, sa ikalawang
pagbasa (Efeso 2:4-10), mababasa na ang tao na ang kasiyahan ay galing sa
Diyos, hindi nakakalimot na siya ay nilikha upang iukol ang kanyang buhay sa
paggawa ng mabuti. Dahil dito masasabi na ang taong naninira sa kanyang kapwa
ay taong hindi masaya. Ang taong nananakit ng kapwa ay hindi nagagalak sa kung
ano mayroon siya sa buhay. Ang taong laging nakikita ang kamalian ng iba at
wala naman siyang ginagawa upang maituwid ang ginawang mali ay walang kasiyahan
na galing sa Diyos. Ang sukatan ng kasiyahan ng tao kapag ito ay galing sa
Diyos ay makikita sa kanyang kabutihan.
Masasabi nga na ang kasiyahan ay
makikita lamang kung kasama ng tao ang Diyos. At kapag natagpuan na ng tao ang
kasiyahang iyon, ang mga gawain niyang mabuti ay siyang naging bunga ng kanyang
kagalakan.
Sa panahon ng Kwaresma, lalo na
ngayong Laetare Sunday, ipinapaalala sa atin na kung may tao mang hindi masaya
sa buhay, kailangan lamang niyang lumapit sa Diyos. Masakit ang mawalan; pero
kahit mawala pa ang lahat, kapag ang Diyos ay nandidiyan, tiyak na may pag-asa
pang sumaya at magalak sa buhay.
Marami-rami na rin ang kumitil ng sarili nilang buhay sapagkat nalugmok sila sa kahirapan at sa dami ng suliranin sa buhay. Sinisisi nila ang Diyos sa kanilang pinagdadaanan. Ito lagi ang pagkakamali ng karamihan: Akala nila pinabayaan sila ng Diyos. Sa halip na lumapit sila sa Diyos, kusa silang lumayo hanggang sa ang huli nilang nakikita ay ang madilim na landas ng kanilang buhay. Sana sa nalalapit na Semana Santa, maabot ng isipan ng lahat na kahit ano pa ang nangyayari sa ating buhay, hindi tayo pinababayaan ng Diyos. Nais Niyang maging masaya tayo sa Kanyang pagmamahal. Kaya nga’t maririnig sa Mabuting Balita (Juan 3: 14-21), na gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapapahamak.
Sa panahon ngayon at sa darating pang panahon, manawari na magalak
tayo sa Panginoon, maging masaya ayon sa kalooban ng Diyos.

No comments:
Post a Comment