Ang Mabuting Balita ayon kay Juan
(12:20-33) ang nagsabi na si Hesus ay nababagabag sa mangyayari sa Kanya. Napapaisip
Siya kung sasabihin niya, “Ama, iligtas mo ako sa kahirapang daranasin ko?
Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito –upang danasin ang
kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.”
Ang mga salitang ito ni Hesus ay
mahirap unawain. Kahit nga ang isang pangulo ng Pilipinas ay nagpakita ng
kanyang inis dito nang sinabi niya (noong Disyembre 29, 2018), “Yong Diyos mo, pinako
sa krus. (Bad word) Nakakawala ng bilib. Ako ang Diyos, tapos ipako mo ako?
(Bad word) Sabihin ko, ‘Lightning, ubusin mo ito. Sunugin mo lahat ng mga
erehes.”
Talagang napakahirap unawain kung
bakit kinakailangan pa ng Diyos na ipadala ang Kanyang Anak sa mundo, pahirapan
at patayin ng mga tao, upang iligtas lamang ang lahat sa kasalanan. Mahirap
unawain kung ang kasaysayan o pangyayari ay naisama o naihalo sa pagsasalaysay
tungkol sa Diyos. Upang maunawaan ang mga dinaanan ni Hesus, hindi kung sinong historian
o sociologist ang maaring magbigay ng pagpaliwanag ukol dito. Hindi kasi “pure
history” o di kaya ay “highlighted social event” ang pinapaliwanag tungkol kay
Hesus kundi isang pagsisiwalat ng kaganapan na may espiritwal na kahulugan. Kakailanganin
ng tagapagpakinig ng pananampalataya upang maunawaan ang mga pinagdaanan ni
Hesus para lamang ang sanlibutan ay mailigtas sa kasalanan.
Ganito rin ang nararamdaman ng
ibang mga Katoliko kung bakit pa ipagdiwang ng Simbahan ang ika-500 na taon ng
Kristyanismo sa bansa. Kahit na nga ang isang pangulo ng bansa ay nagsabi
(noong Hunyo 7, 2019), “Yung Church, centennial now, 500 years of Christianity.
Really? What’s so special? I just keep it confidential. Ba’t ako mag-celebrate
ng…? I celebrate the start of the subjugation of my country for 400 years?”
Sa muli, mahirap unawain lalo na
kung ang batayan lamang ay ang kasaysayan at hindi isinaalang-alang ang
kasaysayan ng pananampalataya. Ang ipinagdiriwang ng Simbahan ay hindi kung ano
ang nangyari lamang ayon sa kasaysayan. Kung pagmasdan nga ng mabuti, mas
mabuti pang kalimutan ang nangyari noon sapagkat ang mga kasamahan ni Magellan
pagkatapos maganap ang Battle of Mactan, ay pinapatay ni Humabon sa mga tauhan
niya na walang kalaban-laban. May ibang nakasaksi nito at nakaligtas kasama si
Antonio Pigaffeta na sumulat ng talaarawan tungkol dito. Ang sabi nga ay
nagpabinyag lamang sina Humabon upang maging ka-alyansa nila sina Magellan
laban kay Lapu-Lapu. Ang pagkamatay ni Magellan sa Battle of Mactan ay
nagpamalas ng tapang ng isang Pilipino gaya ni Lapu-Lapu. Ngunit ang pagpatay
ni Humabon sa mga kasamahan ni Magellan sa pamamagitan ng isang paglinlang (o
patraidor) ay isang karuwagan.
Ano nga ba ang dapat ipagdiwang
ng mga Kristyanong Pilipino sa unang pagdating ng mga Espanyol sa bansa? Hindi
ang kasaysayan mismo ang ipinagdiriwang sa ika-500 na taon ng Kristyanismo
kundi ang pagdating ng “Mabuting Balita” tungkol kay Hesus na bugtong Anak ng
Diyos. Sabi nga sa homiliya ni Pope Francis (noong Marso 14, 2021 na isinalin
sa wikang Filipino), “Minamahal na mga kapatid, limang daang taon na ang
lumipas mula nang unang dumating ang mensahe ng Kristyano sa Pilipinas.
Natanggap ninyo ang kagalakan ng Ebanghelyo: ang mabuting balita na minahal
tayo ng Diyos kaya’t ibinigay Niya ang Kanyang Anak para sa atin. At ang
kagalakan na ito ay maliwanag sa inyong bayan. Nakita namin ito sa inyong mga
mata, sa inyong mga mukha, sa inyong mga awit at sa inyong mga panalangin. Sa
kagalakan dinala niyo ang inyong pananampalataya sa ibang mga lupain…”
Sa mga Pilipinong nababahala
dahil sa tuwing sasambitin ang salitang Kristyanismo na dala ng mga Espanyol
naaalala nila ang kalupitang dinanas ng mga kababayan sa mga kamay ng mga
Espanyol, kinakailangan maging maliwanag sa kanila na hindi ang kasaysayang
iyon ang ginugunita kundi ang pagkilala sa kadakilaan ng Diyos na Siyang gumawa
ng ating kasaysayan upang makarating sa ating bansa ang Mabuting Balita tungkol
kay Hesus. Gaya ni Hesus, masasabi natin sa Diyos, “Ama, parangalan mo ang
iyong pangalan” (Juan 12: 33). Mantakin niyo apatnapung apat na taon pa ang
lumipas magmula nang dumating at namatay si Magellan sa bansa bago bumalik ang
mga Espanyol ngunit ang imahen ng Sto. Niño na binigay nila Magellan sa asawa
ni Humabon ay nadatnan pa rin nila na pinahalagahan ng mga katutubo. Dito pa
lang masasabi na kahit ayaw ng mga Pilipino ang pamahalaan na dala ng mga
dayuhang Espanyol, tanggap naman nila ang pagpakilala ng mga dayuhang iyon sa
Diyos na Ama ni Hesus.
Mahirap marahil kahit sa panahon
ngayon sa karamihang Pilipino ang dakilain ang Diyos at pahalagahan ang pagdating
ng Kristyanismo limang daang taon na ang nakalipas sa tuwing naaalala nila ang
kasaysayang inalipin sila ng mga Espanyol. Mas natatandaan nila si Padre Damaso
na isang likhang-isip lamang ni Rizal upang maipakita ang kawalang-hiyaan ng
mga prayle ngunit ni isa man lang ay hindi nakakaalam tungkol kay Fray Domingo
de Salazar (1581-1594) na nakipaglaban sa kapwa niya Espanyol upang ipagtanggol
ang mga Pilipino. Mas dumarami ang bumabatikos sa Simbahang Katolika at
ginagamit nila ang nakalipas na kasaysayan upang ipamukha sa Simbahan ang kasalanan
nito ngunit hindi nila naiisip na ang mga kinamumuhian nila sa Simbahan noon ay
napaalis na noong natalo ng Amerika ang mga Espanyol. Kahit mayroon mang
nanatili sa bansa, wala na rin silang kapangyarihan sapagkat karamihan sa
kanilang simbahan at ari-arian ay kinuha na sa kanila nang sakupin ng Amerika
ang Pilipinas. Higit sa lahat, sa pamumuno ng bansang Amerika sa bansang Pilipinas,
itinalaga ang pagkahiwalay ng Simbahan at Estado. Dagdag pa sa kaalaman ng
lahat, ang Simbahan noong panahon ng Espanyol sa Pilipinas ay hawak ng Espanya
at hindi ng Roma dahil sa tinatawag na “patronato real”. Ang ibig sabihin nito
ay ang Espanya ang siyang nagpapatakbo ng Simbahan sa Pilipinas at hindi makikialam
ang Roma. Samakatuwid, nang pinaalis ng Amerika ang mga Espanyol sa bansa, gaya
ng Sto. Niño de Cebu, ang Simbahan ay naiwan sa Pilipinas.
Ngayon, ano nga ba ang dapat
ipagdiwang ng mga Kristyanong Pilipino sa unang pagdating ng mga Espanyol sa
bansa? Ang karapat-dapat na ipinagdiriwang ng Simbahan ay ang mahiwagang
pagdating ng Mabuting Balita sa bansa at pananatili nito dahil sa
pananampalataya ng mga Pilipino kahit anuman ang nangyari sa kasaysayan ng
bansa. Ang Simbahan na siya ang tagapagpahayag ng Mabuting Balita ay gaya ni
Hesus dumanas din ng matinding hirap sa kamay ng mga tao. Katulad ni Hesus
(Juan 12:20-33) napapaisip siya kung sasabihin rin niya, “Ama, iligtas mo ako
sa kahirapang daranasin ko? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako
naparito –upang danasin ang kahirapang ito. Ama, parangalan mo ang iyong
pangalan.”
Sa pagtatapos ng paglilining na
ito, mainam na tingnan natin ang ilan sa kasaysayan ang pinagdaanan din ng
Simbahan. Noong 1872, pinatay ang tatlong pari na sina Padre Gomez, Padre
Burgos at Padre Zamora. Noong 1899, isinaad sa Malolos Constitution na kinikilala
ang kalayaan ng lahat ng relihiyon (ng lahat ng kulto) at hindi lang ang
Simbahan Katolika. Noong 1902, humiwalay ang ibang mga pari sa Simbahan at itinatag
ang Iglesia Filipina Independiente na kinikilala ngayon bilang Aglipayans. At sa
panahong namuno ang bansang Amerika sa Pilipinas (1900), ipinasok ang mga
Protestante sa bansa na kung saan sila ang nagsilbing tagapagturo sa
pampublikong paaralan na itinatag ng mga Amerikano sa bansa. Iilan lamang ito sa
mga pinagdaanan ng Simbahan subalit gaya ni Hesus, itinuloy pa rin ng Simbahan
ang ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon na nagsimula noong limang daang
taon na lumipas. Marapat ngang sabihin ng bawat Kristyano, “Ama, parangalan mo
ang iyong pangalan.” Amen.

No comments:
Post a Comment