ctto of the photo
Ngayong araw ay tinatawag ng mga
Katoliko na Palm Sunday at ilang saglit lang ay tatawagin din itong Passion
Sunday. Bakit? Palm Sunday, sapagkat ginugunita ng Simbahan ngayon ang
matagumpay na pagpasok ni Hesus sa Jerusalem, kung saan ang karamihan sa mga
tao ay may dalang mga sanga ng palma (Juan 12:13/Marcos 11:1-10). Tinatawag itong
Passion Sunday sapagkat ang Passion Narrative ay binabasa sa Linggong ito sa
loob ng misa.
Ano ba ang kahulugan ng mga palma
sa mga Katoliko? Ito ay hindi anting-anting
o ginagamit ng mga manggagamot upang palayasin ang mga masamang espiritu o di
kaya ay pananggalang sa anumang makakapinsala sa tao. Ito ay nagsisilbing paalaala
sa mga Katoliko at sa lahat ng mga tao tungkol sa tagumpay ni Hesus bilang
Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang sigaw nga ng mga tao ayon kay Marcos 11:1-10, “Hosanna!
Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian
ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!”
Ang mga palma na binasbasan ng
pari ay dapat iniuwi at inilalagay sa isang sulok o bahagi ng bahay bilang
isang patotoo ng isang Katoliko sa kanyang pananampalataya kay HesuKristo bilang
kanyang Tagapagligtas.
Sa kadahilanan na nasa New Normal
tayo, hindi lahat ay makakapunta sa Simbahan na dala ang kanilang palma. Gayunpaman,
mas mainam na maglagay ng palma o berdeng dahon sa kanilang “home altar” o
pintuan. Sa pamamagitan nito, isinasapuso nila bilang katoliko ang karanasan ng
tagumpay ni Hesus bilang Tagapagligtas nila at ng kanilang tahanan.

No comments:
Post a Comment