Ang gulong ng
buhay ng isang palaka ay nagsisimula noong ito ay isang itlog pa lamang. Galing
sa itlog, lalabas ito bilang isang tadpole o buteteng palaka. Ang buteteng
palaka ay mukhang isda sa unang tingin. Kalaunan nagkakaroon na ito nga mga paa
at tinatawag na froglet o munting palaka. Ang froglet o munting palaka ay may
buntot kahit pa ito ay mukha nang palaka. Sa ganitong kalagayan, ang froglet o
munting palaka ay hindi na kumakain ng kinakain ng isang buteteng palaka. Ngunit
hindi rin ito makakain ng kinakain ng isang matandang palaka (frog). Bakit hindi
ito namamatay sa gutom gayung hindi ito makakain? Ang isang froglet o munting
palaka ay kumukuha ng kanyang ikinabubuhay sa kanyang buntot. At habang
naririyan ang buntot nito, hindi nito kelangan pa maghanap ng makakain hanggang
ito ay maging ganap na palaka.
Mga utol ni
KristoHesus, tayong mga tao ay naghahanap-buhay upang mabuhay. Kahit papaano, kahit
na nga ang mahihirap at nahihirapan ay naghahanap ng makakain. Lalo na ngayong nararanasan
natin ang dulot na hirap ng pandemya ng COVID-19, kung walang pera o
mapagkitaan, ano ang pambili natin ng ating makakain? Kung hindi tayo makakain
ng sapat, paano kaya tayo makakapaghanap-buhay ng tapat?
Mga utol ni
KristoHesus, hindi man tayo kagaya ng isang munting palaka na habang may buntot
ay hindi nito kelangan ang maghanap ng pagkain, ang ating pananampalataya ay
nagtuturo sa atin na makakaasa tayo kay Hesus na hindi Niya tayo hahayaang
mamatay sa gutom. Di nga ba ang sabi sa Juan 6: 1-15, “Tumanaw si Hesus, at
nakita niyang dumarating ang napakaraming tao. Tinanong niya si Felipe, “Saan
tayo bibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya ito para
subukin si Felipe, sapagkat alam ni Hesus ang kanyang gagawin.”
Alam ni Hesus na
kailangang kumain ng mga sumusunod sa Kanya. Alam din Niya kung ano ang gagawin
para tugunan ang pangangailangan nila. Ibig sabihin nito, hindi Niya pababayaan
ang mga sumusunod sa Kanya. Mga utol ko kay KristoHesus, sa panahon ngayon na
taghirap, marami sa atin ang walang makain o hirap makahanap ng makakainan. Wala
rin tayong magagawa sapagkat marami ang di makakalabas kahit nanaisin pa nilang
maghanap-buhay. Ngunit hindi tayo dapat masiraan ng loob. Manalig tayo na hindi
tayo pababayaan ni Hesus. Si Hesus ang higit na makakatulong sa atin sa
panahong kinakailangan natin na may mapagkukunan. Tiwala lang at manalig na
malalampasan din natin lahat ang mga ito sa ngalan ni Hesus. Amen.

No comments:
Post a Comment