Saturday, 17 July 2021

16th Sunday in Ordinary Time

 


May mga kabataang naglalaro sa isang lawa. Nakita nila na maraming palaka ang nandoon. Kumuha sila ng mga bato upang ipukol ang mga ito sa mga palaka na nasa lawa. Nagsitalon ang mga palaka sa gulat nila sa hinagis na mga bato. Ang iba sa kanila na tinamaan ng bato ay nagkandasugat ang katawan. Hindi alam ng bawat isang palaka kung saan sila tutungo habang ang mga kabataan ay tuwang-tuwa sa kanilang ginagawa. Sigaw naman ng sigaw ang mga palakang nagmamakaawa sa mga bata. Subalit hindi sila naunawaan ng mga bata sapagkat ang tanging naririnig nila sa mga palaka ay ang kanilang “kokak”.

 

Mga utol ni KristoHesus, mauunawan natin na may mga taong hindi nakakaunawa sa salita ng kanilang kapwa. Ngunit mas kanais-nais sa isang tao ang nagpapahayag ng kanyang pang-unawa sa kinasasapitan ng kanyang kapwa. Ang taong nakakaunawa sa kanyang kapwa ay nakakaramdam ng dinaramdam nila. Sa Marcos 6: 30-34, ipinamalas ni Hesus kung gaano kalawak ang kanyang pang-uunawa. Una, nauunawaan Niya ang Kanyang mga alagad ay nangangailangan ng pahinga pagkatapos ng kanilang gawain. Pangalawa, nauunawaan din Niya ang pangungulila ng mga tao ng taga-pangalaga nila. Dahil sa pang-unawa ni Hesus, dama Niya ang nararamdaman ng Kanyang mga alagad at ganoon din ng mga tao. Dahil dito, ikinaloob ni Hesus ang pagpahinga sa Kanyang mga alagad at Siya na mismo ang tumugon na pangalagaan ang mga tao. Mga utol ko kay KristoHesus, sana mabiyayaan din tayo gaya ni Hesus ng puso at isipang nakakaunawa sa kapwa. Sana mararamdaman natin kung ano ang nararamdaman ng ating kapwa lalo na sa mga nangangailangan ng tulong natin sa abot ng ating makakaya. Gaya ng isang magulang, kung makikita niya ang kanyang anak na naghihirap sa anumang dahilan, masasabi natin sa ating kapwa, “Anak, dama kita o tol ramdam kita.”

No comments:

Post a Comment