Saturday, 3 July 2021

14th Sunday in Ordinary Time

 


Meron isang batang palaka na nahulog sa balon sa katatalon. Sa balon na iyon maraming patay na mga palaka at karamihan ay buto na lang ng mga palaka ang makikita. May mga kunting buhay pa pero matatanda na at matagal na sa balon na iyon. Ang ginawa ng batang palaka ay tumalon ng tumalon upang makalabas ng balon. Ngunit sigaw ng mga matatandang palaka wag nang tumalon dahil matagal na rin nilang ginagawa ang tumalon upang makaahon sa balon. Dagdag pa nila ay mamamatay rin siya gaya ng ibang mga palaka na nahulog sa balon. Ngunit hindi tumigil ang batang palaka sa katatatalon hanggang siya nga ay nakaahon sa balon na yon. Nang makita ito ng mga matatandang palaka, nagtaka sila kung paano niya nagawa iyon. Ang hindi nila alam bingi pala ang batang palaka at di niya narinig ang mga sinasabi nila.

 

Mga kapatid, kahit saan man tayo ngayon, hindi mawawala na may mga taong nagpapahina sa atin ng ating loob. Kung hindi inggit, eh tsismis at pawang paninira ang alam nilang gawin upang masiraan tayo ng loob. Kaya nga’t kahit ano pang layo ang narating natin sa buhay, kaakibat na rin nang pag-unlad ang siraan tayo lalo na at kung tayo ay nakatalikod sa kanila. Akala natin ay kaibigan kung turingan pero sa sandaling wala na silang kailangan sa atin, maraming paninira ang kanilang ginagawa tungkol sa atin. Kung magkaganoon pa man, wag sana tayo masiraan ng bait. Bagkus ay tularan natin si Hesus. Sa Marcos 6: 1-6, sinapit din ni Hesus ang pangungutya sa Kanya ng mga tao. Ang masaklap, sa sarili Niya pang bayan Siya nakaranas ng pagmamalabis ng mga tao. Pero hindi natinag si Hesus kahit namangha Siya sa asal sa Kanya ng mga tao doon sa kanila. Nagpatuloy si Hesus sa Kanyang gawain. Tandaan natin, sa Bibliya ni isa man sa mga tsismosa at inggitero ay hindi napangalanan. Kaya mag ingat tayo kasi hindi natin alam baka nasa tabi tabi lang sila at tayo rin ay kanilang binibiktima. Pero gaya ni Hesus maging matatag tayong gumawa ng tama sapagka’t iyon talaga ang gawain natin kahit ano pa man ang sabihin nila tungkol sa atin. Amen.


No comments:

Post a Comment