Buenas Paskwa! Marahil nagtataka kayo kung bakit binati ko
kayo ng Buenas Paskwa ni hindi pa naman ngayon buwan ng Disyembre. Noong Huebes
Santo, ipinaliwanag ni Fr. Ful Legaspi na ang ibig sabihin ng Paskwa ay isang
pagtawid o Passover. Ito ang ginugunita natin ngayong gabi: si Hesus ay tumawid
galing sa pagkamatay Niya sa krus patungo sa muli Niyang pagkabuhay. Kayat marapat
lang na batiin natin ang bawat isa ng Buenas Paskwa ngayong gabi. Sa gabing
ito, ipinagtitibay natin ang ating pananampalataya na hindi sa kamatayan
magtatapos ang ating buhay kundi makakatawid tayo mula sa kamatayan tungo sa
pagkamit ng buhay na walang hanggan dahil kay Hesus na muling nabuhay.
Liban dito, matutunan din natin sa muling pagkabuhay ni Hesus
na Siya ay bumalik sa mundo hindi upang maningil o maghiganti sa lumapastangan
sa Kanya. Wala Siyang naramdamang galit o poot at di rin Niya ipinaramdam na
dapat Siyang magalit o mapoot kaninuman. Masaya na Siya sa Kanyang
pinanggalingan kayat bumalik Siya sa mundo na ang dala-dala ay kasiyahan.
Ang tanong, may dapat nga bang ipaghiganti si Hesus? May dapat
bang ikagalit si Hesus?
Sino ba sa atin ang di magagalit kay Hudas, siya ay tinatawag
na traidor sa panahon ni Hesus, ngunit sa panahon natin ngayon mas kilala siya
sa tawag na MARICON –Mare CONyare kaibigan mo kapag kaharap ka, ngunit maraming
sinasabing masama kapag nakatalikod ka. Kadalasan
kasama niya ang tinatawag na MARIFE –Mare Feke mo palang kaibigan.
Sino ba sa atin ang di magagalit sa mga pariseo, saduceo,
pari, eskriba at matatanda sa panahon ni Hesus na sila ang nag-udyok sa mga tao
upang patayin si Hesus na sa panahon natin ngayon mas kilala sa tawag na
MARISOL –Mare mong tagasulsol.
Sino ba sa atin ang di magagalit sa labing-isang apostoles na
sa oras ng kagipitan ni Hesus eh nagkandawala sila at naglahong parang bula na sa
panahon natin ngayon ay mas kilala sa tawag na MARIETTA –Mare, takbo na.
Sino ba sa atin ang di magagalit sa mga taong tanong ng
tanong na alam naman nila ang sagot na si Pedro ay kasamahan ni Hesus na sa
panahon natin ngayon ay kilala sa tawag na MARICHU –Mare mong echusera.
Sino ba sa atin ang di magagalit kay Pilato na naniniwala sa
sabi-sabi kayat hinatulan niya si Hesus ng kamatayan na sa panahon ngayon mas
kilala sa tawag na MARINELA –Mare, anong sabi nila?
Sino ang di magagalit sa mga kawal na pagkatapos pahirapan si
Hesus ay binugbog pa nila Siya, dinuraan, nilibak, nilagyan ng koronang tinik
ang kanyang ulo, pinaghati-hatian nila ang kasuotan ni Hesus na para bang wala
ng katapusan ang parusa sa Kanya at para bang sila ang tinatawag na mga MARISSA
–Mare, isa pa.
Sino ang di magagalit sa isang magnanakaw na ipinakong kasama
ni Hesus na nanlait sa Kanya na mas kilala sa tawag ngayon na MARIVIC –Mare
mong pavictim.
Sino ang di magagalit sa sumaksak sa tagiliran ni Hesus sa
pamamagitan ng sibat kahit patay na ito at agad umanoy dumaloy and dugo at tubig
na sa panahon ngayon mas kilala sa tawag na MARIAN –Mare, ayan na.
Ang mga ito at marami pang iba ay mga dahilan na dapat ikagagalit
ni Hesus ngunit ipinamalas Niya sa lahat at lalo na sa ating mga Kristyano na
mas mainam na magdala ng kasiyahan kesa sa maghiganti. Ipinakita sa atin ni
Hesus na kahit ano pang mapait ang karanasan Niya sa mga tao, mas nangibabaw sa
Kanya ang maging masaya sapagkat mas nakakahigit ang pagmamahal ng Diyos Ama
kaysa sa pinakamahigit na sakit, hapdi at pighati na dulot ng tao.
Sa Kanyang pagbalik sa mundo ng mga buhay, hindi binigyan
diin ni Hesus kung ano ang panget na nakaraan kundi binago Niya ang takbo ng
nakaraan sa pagpapahayag na masaya na Siya na nakatawid sa ano mang masakit na
pinagdaanan Niya. Masaya na Siya dahil kahit inayawan man Siya ng ibang tao,
mahal pa rin Siya ng Diyos Ama.
Sa gabing ito, sana ano man ang pinagdaanan nating kahirapan
dahil sa kagagawan ng mga taong nagnanais na maghirap tayo ay makakita ng
kasiyahan kay Hesus na nagsasabi sa atin –mahal tayo ng Diyos. Mas higit ang
pagmamahal ng Diyos kaysa sa pinakamahigit na kasalanan sa atin ng mga tao. Buenas
Paskwa!
No comments:
Post a Comment