Ano ang mas mainan na marinig, “Mahal kita o iniibig kita”? Di
ba magkasingkahulugan lang naman sila at yon ay ang “I love You.” Kahit pareho
man ang kanilang tinutukoy, hindi naman magkapareho ang kanilang ibig tukuyin. Ang
“mahal kita” ay tumutukoy sa halaga, kahalagahan o kwenta ng isang tao; ang “iniibig
kita” naman ay tumutukoy sa pagnanais, paghahangad o pagkagusto ng isang tao. Ang
“mahal kita” ay sinasabi ng isang tao bilang pagpatibay sa kung ano ang meron sa
kapwa niya. Dahil mabait at maganda si babae, mahal siya ni lalake. Mayroong nakita
o naramdaman si lalake kay babae kaya’t si babae ay mahalaga sa kanya at mahal
niya. Ang “iniibig kita” naman ay sinasabi ng isang tao sa kung ano ang meron
sa loob niya (o saloobin) para sa kanyang kapwa. Hindi kailangang maganda at
mabait si babae upang ibigin siya ni lalake. Kung tatanungin si lalake kung ano
ba ang nakita niya sa babae bakit patay na patay siya dito eh malamang walang
maisasagot si lalake kundi eh sa siya ang gusto niya kaya anong magagawa mo?
Sa panahon ngayon, pareho lang ang gamit ng “mahal kita” at “iniibig
kita.” Minsan pa nga hindi na ito ginagamit ng mga kabataan sa kadahilanan na
meron na ngayong mga emoticon o emoji at ibang pamamaraan ng pagpapahiwatig
nito. Mas tanggap na rin ang magsabi ng “labyu” na may “mwah, mwah, tsup, tsup”
o “xoxo” kesa sa “mahal kita” o “iniibig kita”. Pero sa pagkakataong ito na
binabasa natin ang Magandang Balita ayon kay San Juan 21: 15-17, mas mainam na
may alam tayo sa pagkakaiba ng gamit ng “mahal kita” at “iniibig kita” upang
maunawaan nating mabuti ang pinag-uusapan nila Hesus at Pedro.
Ayon sa Ebanghelyo, sa Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi
ni Hesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa
mga ito? Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa
iyo.
Kung babasahin ito sa wikang English, hindi mapapansin ang layo
ng sinagot ni Pedro sa tanong ni Hesus sapagkat ang “iniibig” at “paggiliw”
kapag isinalin sa wikang English ito ay parehong “love”. Ngunit sa wikang Griego, ang ginamit ni Hesus
na salita ay “agape”. Ito ay isang uri ng “love” na hindi nababase sa kung ano
meron ang isang taong minamahal kundi sa taong lubos na nagmamahal na kayang
ibigay kahit na ang sariling buhay. Masasabing ito ay tunay na pag-ibig. Samantala
ang ginamit na salita ni Pedro sa wikang Griego ay “phileo”. Ito ay isang uri
ng “love” na di kayang ibigay ang lahat at mayroong hangganan. Maaaring may
nakita lang siyang halaga pero hindi ibig sabihin ilalaan o ibubuwis niya ang
kanyang buhay upang ipakitang mahalaga nga ito. Mahal lang ngunit hindi maaring
iniibig.
Sa ikalawang tanong ni Hesus, “agape” pa rin ang ginamit Niya
at sa ikalawang sagot naman ni Pedro, “phileo” pa rin ang ginamit niya. Ngunit
sa ikatlong pagkakataon, nakapagtatakang tinanong ni Hesus si Pedro, “Simon,
anak ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?” Hindi na ginamit ni Hesus ang salitang
“agape” kundi ang “phileo” na siya namang ginamit ni Pedro kahit sa huling pagkakataong
siya ay sumagot kay Hesus. Ibinaba ni Hesus ang antas ng pagmamahal na
hinihingi Niya kay Pedro. Hindi Niya pinilit si Pedro kung hindi niya kayang
mahalin si Hesus katumbas ng pagmamahal sa kanya ni Hesus. Pero alam natin ang
nangyari kay Pedro. Sa bandang huli, ibinigay niya rin ang kanyang buhay dahil
kay Hesus. Siya ay ipinako rin sa krus ng patiwarik. Nang dahil sa pag-ibig, minahal
ng lubos ni Pedro si Hesus at nakayanang ibigay ang lahat sa Kanya.
Ang tanong sa atin ngayon, ano man ang gusto nating gamiting
salita –“mahal kita” o “iniibig kita” o “labyu”, kaya ba nating patunayan ito
sa ating kilos at gawa? Hindi mahalaga kung paano ito sabihin kundi kung paano
ito maisasalarawan sa ating buhay at sa ating kaugnayan sa sinasabi nating
mahal sa buhay. Amen.

No comments:
Post a Comment