Saturday, 14 May 2022

5th Sunday of Easter

 


Ano ang kabaligtaran ng “LOVE” o pag-ibig? Ang karamihang sagot ay “hate” o poot o galit. Kaya’t may maririnig na bagong kasabihan sa radyo, “Love lang, walang hate”. Ngunit bakit may nakakaranas ang iba sa atin ng galit at pagmamahal sa isang pagkakataon? Gaya na lamang ng isang babae na nahuli niya ang kanyang asawa na nangangaliwa. Galit siya sa kanyang nagkasalang asawa ngunit ayaw niyang makipaghiwalay dito dahil gaano man kasakit ang kanyang naramdaman hindi niya maipagkaila na mahal pa rin niya ito. Pangkaraniwang karanasan din natin na kahit mahal natin ang ating mga magulang, mga anak, mga kapatid at kaibigan, may mga oras na tayo ay naiinis o nagagalit din sa kanila. Ang “love” o pag-ibig ay nagpapahayag ng magandang pakiramdam. Ang “hate” o galit naman ay nagpapahayag ng hindi magandang pakiramdam. Kung ang “hate” at “love” nga ay magkabaligtad, ito ay dahil sa ang isa ay masama at yong isa naman ay maganda.

Pero kung susuriin, ang masasabing kabaligtaran ng “love” ay “non-love” o walang pakiramdam (pagwawalang-bahala). Gaya na lamang ng isang babae na nahuli niya ang kanyang asawa na nangangaliwa. Galit siya sa kanyang nagkasalang asawa ngunit ayaw niyang makipaghiwalay dito dahil gaano man kasakit ang kanyang naramdaman hindi niya maipagkaila na mahal pa rin niya ito. Pero yong nagkasalang asawa, hindi man lang nakaramdam kung gaano kasakit sa babae ang kanyang ginawang kamalian. Hindi siya nagagalit kahit sigawan, sumbatan at sampalin siya ng babae. Walang kaugnayan ang nararamdaman niya sa nararamdaman ng babae. Ang kawalan ng pakiramdam sa panig ng lalake ay isang pagpakita ng kabaligtaran ng “love”, ang “non-love.” Masasabing mabuti pang makita ang isang asawa na nagagalit dahil ang ibig sabihin lamang nito may pakiramdam pa siya sa kanyang kabiyak kahit papaano. Mas masakit ang pagsasawalang bahala kaysa sa pagalitan sapagkat parang ipinaparamdam nito na patay na ang isang tao kahit buhay pa ito. Ang “hate” ay isang reaksyon subalit ang “non-love” ay kawalan ng reaksyon.

Magkaganoon pa man, hindi itinuro ni KristoHesus sa mga sumusunod sa Kanya ang “non-love” at lalo na hindi Niya itinuro ang “hate”. Ang itinuro ni KristoHesus ay “Love lang, walang hate”. Ang sabi nga Niya, “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, kayo ay mag-ibigan sa isa’t isa”. Ngunit ang pag-iibigan na iniutos ni KristoHesus ay higit pa sa pagkakaalam ng mundo kung ano ang pag-ibig. Ang sabi nga ni KristoHesus, “Kung papaanong inibig ko kayo ay gayundin naman kayong mag-ibigan sa isa’t isa”.  Ang pag-ibig ni Hesus ay hindi isang magandang pakiramdam, kundi ito ay isang pagnanais ng ikabubuti ng lahat at kakayahang ibuwis ang buhay kung kinakailangan. Ang pinanggalingan ng pag-ibig na ito ay si KristoHesus mismo hindi sa kung anong magandang pakiramdam. Ang ibig lamang sabihin nito, kahit ano pa ang nararamdaman ng isang tao, ang pag-ibig ni KristoHesus ang Siyang dapat mangibabaw. Sa isang nangaliwang asawa, kahit pa na ramdam niyang mahal niya ang kanyang kinakasama, mas pipiliin niyang balikan ang kanyang asawa at pamilya dahil si KristoHesus ang pinanggalingan ng pag-ibig na nasa puso niya. Kung may ganitong uri ng pag-ibig sa lahat na may asawa, mayroon pa bang makapag-isip na makipahiwalay sa kanila?

Ang matatag na relasyon o pagsasama kahit sa magkaibigan o magkapatid, hindi nasusukat sa kahusayan o kadalubhasaan ng bawat isa kundi sa kanilang kaugnayan kay KristoHesus. Walang matibay na relasyon, kung wala si Kristo sa kanilang determinasyon. Kaya nga’t si KristoHesus mismo ang nagpapaalala: “Sa pamamagitan nito ay malalaman ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad. Ito ay kung may pag-ibig kayo sa isa’t isa.” Kung totoong Kristyano nga tayo, dapat ang makikita sa atin ay: Love lang, walang hate. Amen.

No comments:

Post a Comment