PhD ka? Doktor na ang tawag sa
iyo? Eh di magsimula ka ng manggamot! Yan ang madalas kong marinig sa
pagtatapos ko sa Doctor of Philosophy Major in Educational Management. Mabuti na
nga lang at doktor na ako. Ayaw kung makipag-baliktaktakan sa mga taong malayo man
ang narating sa buhay ayon sa kanilang paningin eh puno naman ng inggit ang
buong katawan at walang galang. Walang gamot sa inggit at makitid ang utak. Ang
sabi ng dati kong professor sa philosophy, the late Msgr. Adolpo P. Depra PhD,
ang paksang pinag uusapan ng tao ay tumutukoy sa kung anong utak mayroon ang
tao. Ang pinakamababang uri ng paggamit ng utak ay ang pagtatalakay ng buhay ng
ibang tao upang may mapag-usapan na ikasisira nito. Ngunit ang mataas na antas
ng paggamit ng utak ay sumusuri ng ideya at pinalalawak ang isip upang makabuo ng
mga gawain sa ikabubuti ng karamihan kung hindi man ito para sa lahat. Sa pagsasaliksik
gamit ang utak, ang PhD ay pinakamataas na baitang na mararating ng isang tao
kaya ang tawag sa sinumang nakarating rito ay doktor. Ako ay Doctor of
Philosophy at hindi Doctor of Medicine, kaya’t isang kamangmangan o di kaya ay
kahangalan ang sabihing maari na ako manggamot ng anumang uri ng sakit ng
katawan. Kung meron man akong gagamutin, iyon ang mga utak na nagnanais na may
mapag-aralan sa buhay. Ang gamot sa kamangmangan ay kaalaman.
Kaalaman –yan ang dahilan kung
bakit kailangang mag-aral ng mag-aral. Sa simula ng klase namin sa Ed 103, tinalakay
agad ni Doc Ersyl T. Biray ang paksang, “What a PhD is and what it is not.” Marami
kasing nagsasabi na ang ibig sabihin ng PhD ay “Puro Hangin ang Dala.” Maaring totoo
ito sa iba, ngunit hindi sa pangkalahatan. Sa mga naging kaklase ko sa PhD,
mula sa simula hanggang sa katapusan, wala akong narinig sa kanila na
kahambugan. Ang tanging masasabi ko kapag nakasama sila, “may mayad nga tinu-an,
may mayad nga batasan.” Lahat sila ay kilala kung hindi man tanyag sa kanilang
pinaglilingkurang paaralan. Manghang-mangha ako sa galing na taglay nila. Maraming
wala sa akin na mayroon sila ngunit sila na mismo ang kusang umalalay sa akin
upang hindi ako mawala. Kahit pa man sa paniniwala ay magka-iba kaming lahat,
malaking pasalamat na ang bawat isa ay nakakaunawa.
Hindi madali ang PhD. May mga kaklase akong may asawa’t anak. Mahirap ipagkasya ang oras nila tuwing sabado at linggo sa pamilya at pag-aaral. May mga nakatira pa sa malalayong lugar. Mahirap magbyahe sa kanila lalo na ang karamihan ay nagmomotorsiklo. May mga gawain sila sa kanilang mga pinapasukang paaralan, ngunit kailangan magpuyat para sa research at reporting. Hindi lang utak ang napapagod kapag nagnais mag PhD kundi ang buong katawan. Higit sa lahat, mahirap kung kukulangin pa sa pera. Hindi pa naman mababawi ang nagastos na pera at sakripisyo kahit nakapagtapos na. Ngunit salamat. Nakaraos din naman. Kung hindi lang masaya makasama ang mga kaklase ko, sa unang araw pa lang ako ay sumuko na. Ang PhD pala ay hindi sagisag o titulo lamang; at ang makakaalam kung ano ito ay ang mga nakapagtapos at pinarangalan ng PhD sa pangalan nila.

.jpg)
No comments:
Post a Comment