Thursday, 30 May 2024

Mae and Jesse John's Wedding

Mae at Jesse John, sa mga sinaunang panahon, ang hinahanap ng lalake at babae bago sila magpakasal ay isang perfect love. Subalit sa dami nang ikinasal, ang malimit na maririnig sa mga mag-asawa pagkatapos ng ilang taon nilang pagsasama ay walang perfect love.

Mae, bilang professional teacher, alam mo na walang perfect sa buhay kaya nga’t may tinatawag tayong margin of error sa pagsasaliksik. Ang margin of error ay isang batayan na sa buhay ay may kakulangan o may magawang kamalian na maaaring tanggapin ng tao. Ang margin of error ay hindi ginagamit upang maghanap o magbilang ng kakulangan o kamalian. Ang totoong layunin kung bakit ginagamit ang margin of error ay ang tukuyin ang level of confidence o tiwalang kayang ibigay ng isang tao kahit may makita siyang mali o kakulangan.

Mae at Jesse John, kung susuriin ang pag-iisang dibdib niyo ngayon, mataas na level of confidence ang maibibigay ninyo. Galing kayo sa iisang barangay. Magkaeskwela o schoolmate kayo mula sa elementarya hanggang sa makapagtapos kayo sa mataas na paaralan ng Camaligan. Pareho kayong mahilig manood ng K-Drama. Pareho kayong sumasabay sa mga trip o jokes sa bawat isa. Kaya nga’t ramdam niyo na close kayong dalawa.

Subalit kahit kayo ay malapit na sa isat-isa, hindi nagbabago at hindi mababago na walang perfect love. Di nga ba at naitanong mo Mae kay Jesse John baka may magagalit sa closeness niyo? Di nga ba’t parang mahirap paniwalaan na umakyat ng ligaw si Jesse John sa iyo, Mae? Di nga ba’t pinag-isipan mo pang mabuti Mae kung tatangapin mo si Jesse John kahit malayo siya sa isang ideal man mo noon? Di nga ba’t magka-opposite attraction kayo? At kahit kayo na bilang magkasintahan ay hindi niyo ito inihayag sa kahit sinuman at nararamdaman ninyo na magkaiba pala ang magkausap kayo sa personal kaysa sa chat. At kahit sa araw na ito kung saan naayos niyo na ang lahat sa inyo pero nagbabadya naman ang sama ng panahon at brownout. Ang mga pinagdaanan niyong iyan at lalo na sa paghahanda niyo sa inyong kasal na ito ay nagpapahiwatig na walang perfect life sa mundo. Sa buhay mag-asawa,  kahit marami pa silang ipon o may narating na sa buhay, may makikita pa ring kakulangan kung hindi kamalian.   

Mae at Jesse John, kung walang perfect love, ano ang silbi ng kasal? Sa kasal, ang hinahanap natin sa isang babae at sa isang lalake ay ang true love. Sa panahon natin ngayon na laganap ang fake news, ang hanap natin ay isang tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ay hindi mapanlinlang. Hindi rin ito isang huwad o di kaya ay kathang isip lamang. Ang tunay na pag-ibig ay yong di umaayaw kahit ito ay nahihirapan; hindi bumibitaw, kahit ito ay pinaghihinaan ng loob; umaasa kahit nagugulumihan, nagmamahal pa rin kahit sa gitna ng kadiliman, at higit sa lahat, kahit gustuhin niyo mang pakawalan ang isat-isa, ayaw ng Diyos na mangyari ito sa inyong dalawa. Ito ang tunay na pag-ibig.

Mae at Jesse John, alam niyo ang ibig sabihin ng tunay na pag-ibig. Noong taong 2019, di nga ba’t muntikan na kayong sumuko sa tindi ng pagsubok na dumating sa inyong buhay upang suriin Ninyo ang inyo kakayahan at kahinaan? Ngunit heto kayo ngayon sa awa ng Diyos, upang ipahayag sa mundo na may tunay ngang pag-ibig. May tunay na pag-ibig kay Jesse John, Mae. Mae, tunay kang umiibig kay Jesse John. Mae at Jesse John, itinakda talaga ng Diyos na ikasal kayo sa araw na ito. Ang May 29 ay maaring basahing May 2 – 9 (tu-nay). Ang 2 (two) ay kayong dalawa bilang mag-asawa at yong 9 (nine), ay ang mga buwan na bibilangin ninyo upang magkaroon kayo ng anak. Mae at Jesse John, ito ang araw na ginawa ng Panginoon sa mga may tunay na pag-ibig. Tanggapin ninyo na ang petsang ito ay isang hudyat na ang kasal na ito ay nabuo dahil may tunay na pag-ibig kayo sa isat-isa.

No comments:

Post a Comment