Saturday, 13 February 2021

Alam na this: Ang Kwaresma

 

“Miyerkules Badlis” na naman. Eh ano ngayon? Taon-taon naman eh mayroong “Miyerkules Badlis” sa simbahan ng mga Katoliko. Buweno, kahit ito ay ginaganap taon-taon, hayaan mo na lang akong ipaalam sa ibang hindi pa nakakaalam na sa araw na tinatawag na Miyerkules Badlis, nagsisimula na ang Kwaresma at sinisimulan ito ng mga Katoliko sa pamamagitan ng paglalagay ng abo sa kanilang noo bilang tanda ng kanilang pagsisisi sa anumang kasalanang nagawa sa Diyos at sa kapwa.

1.     Ano ang “Miyerkules Badlis”?

2.   Ano ang Kwaresma?

Ang Miyerkules Badlis ay iba sa tinatawag natin sa Banga na “Sakramento it Pagbadlis”. Tuwing Miyerkules Badlis, ang “abo” ay ginagamit bilang “sacramental” pero hindi ito isang “sakramento”.

Una, sa Pitong (7) Sakramento na iniwan sa atin ng Panginoong Hesus, hindi kasama ang “Miyerkules Badlis” kundi ang “badlis” na tinutukoy bilang sakramento ay ang pagpapahid ng langis sa maysakit upang ito ay gumaling (Marcos 6:7-13). Pangalawa, ang “badlis” sa Miyerkules Badlis, ang s’yang paglalagay ng abo sa noo, ay nagpapaalala sa atin na kung saan tayo nanggaling at saan tayo babalik –sa alikabok. Samantala, ang “Sakramento it Pagbadlis” kapag natanggap ito at sakaling papalaring mamatay ang maysakit na tumanggap nito, siya ay babalik sa kanyang totoong pinanggalingan –ang Diyos na lumikha sa kanya. Pangatlo, ang “badlis’ sa “Miyerkules Badlis” eh hindi maaaring gawin sa ibang araw. Hindi ito gaya ng “Sakramento it Pagbadlis” na anumang oras na kinakailangan ng maysakit, ang pari ay walang ibang magawa kundi puntahan ang maysakit upang  ibigay ito. Sa huli, ang paglalagay ng abo sa araw ng “Miyerkules Badlis” ay hindi nangangahulugang ang mayroong abo sa noo lang ang umiwas kumain ng karne. Kahit walang abo sa noo kinakailangan pagsisihan ng isang katoliko ang pagkakasala nito. Ang diwa ng pag-aabuloy, pag-aayuno at pag-iiwas sa ilang uri ng pagkain ay ang pagsisisi. Ang abo sa noo ang siyang naging hudyat ng pagsisimula ng pagsisisi na magpapatuloy hanggang sa ika-apatnapung (40th) araw.

Dahil sa “apatnapu” (40) na araw ng pagsisisi, tinawag ang kaganapang ito bilang “Kwaresma” hango sa salitang Latin Quadragesima, na ang ibig sabihin sa atin ay “kwarenta dias” o forty days. Sa totoo lang kahit ang salitang “quarantine” ay tumutukoy sa apatnapung araw o “kwarenta dias” at hindi gaya ng pagkakaalam natin ngayon nang dahil sa COVID 19 na labing-apat (14) na araw lang ang ibinibilang. Sa pagbibilang ng “kwarenta” sa panahon ng kwaresma, hindi isinasama ang mga araw ng Linggo. Ibig sabihin lamang nito na ang pag-aabuloy, pag-aayuno at pag-iiwas sa ilang uri ng pagkain bilang pamamaraan ng pagsisisi ay ginagawa sa loob ng araw ng Kwaresma ngunit hindi kasama dito ang mga araw ng Linggo.

Nasa Bibliya ba ang kwaresma? Nasa Bibliya ba ang paglalagay ng abo? OPO NAMAN!

Ang kwaresma bilang apatnapung araw (40) ng pag-aayuno ay hinango ng mga katoliko sa ginawa ng Panginoon Hesus (Mateo 4:1-11) nang Siya ay nag-aayuno. Apatnapung araw (40 days) din naman ang bibilangin mula sa muling pagkabuhay ni Hesus hanggang Siya ay umakyat ng langit. Kaya ang kwaresma bilang apatnapung araw (40 days) ay nasa Bbliya.

Ang paggamit naman ng abo ay makikita sa Lumang Tipan bilang pagpahiwatig ng pagsisisi (Job 42:6).

No comments:

Post a Comment