1. Ang mga
nagpa “badlis” o nalagyan ng abo sa noo lang ba ngayong Miyerkules Badlis ang s’yang
dapat magbigay ng abuloy, mag-aayuno at umiwas sa ilang uri ng pagkain?
SAGOT: Lahat
ng Katoliko na nagpa “badlis” o hindi ay kailangang mag-ayuno at umiwas sa
ilang uri ng pagkain simula sa araw ng Miyerkules Badlis maliban sa mga Katolikong
hindi nasasaklaw ng kautusang ito. Kung ang mga may “badlis” lang ang
mag-aayuno, para na ring sinabi na ang mga lalakeng may asawa lamang ang bawal
mambabae. Eh sa totoo lang mali ang paglaruan ang puso ng mga babae kahit pa
ang lalakeng gumagawa nito ay binata o may asawa na.
2. Saan makikita
ang kautusang ito?
SAGOT:
Mababasa ito sa Code of Canon Law o Kautusan ng Simbahan (Canon 1251) na
nagsasabi: Ang pag-iwas sa karne o sa mga ibang pagkain na tinutukoy ng
Episcopal Conference, ay dapat sundin sa LAHAT NG BIYERNES, maliban kung ang
isang “pyesta solemne” ay nahulog sa araw ng Biyernes. Ang pagpipigil at pag-aayuno
ay DAPAT SUNDIN SA MIYERKULES BADLIS at BIYERNES SANTO. Ang itinakdang araw at
hindi ang akma ng pag “badlis” o paglalagay ng abo sa noo ang hudyat ng
pag-aayuno at pag-iwas sa ilang uri ng pagkain.
3. Ano ang
pinagkaiba ng Katolikong may “badlis” o abo sa noo sa Katolikong hindi nagpa “badlis”
kung pareho rin lang naman na dapat sila mag-ayuno at umiwas sa ilang uri ng
pagkain?
SAGOT:
Ang pag “badlis” o paglagay ng abo sa noo o ‘yon mismong abo sa noo ay
itinuturing na “sacramental”. Sa pamamagitan ng “sacramental” pinaghahandaan ng
isang Katoliko ang pagtanggap ng kung ano mang biyaya mayroon ang mga banal na
sakramento at dagdag pa rito, ang bawat pagkakataon sa kanyang buhay ay ginagawa
niyang banal. Gaya na lamang ng pagpabasbas ng sasakyan. Hindi naman kailangan
ang “holy water” upang tumakbo ang sasakyan. Pero pinapabasbasan ng Katoliko
ang sasakyan upang italaga ito sa Maykapal. Ang gamit na “holy water” ay isang
sacramental.
4. Sino ba
at ano ang ginagawa ng isang nag-pafasting (ayuno)?
SAGOT:
Ang isang Katoliko na sa gulang na 18 hanggang 59 ay kinakailangan mag-ayuno. Ang
pag-aayuno ay ang kumain sa itinakdang araw ng pag-aayuno ng isang “One full
meal” at “Two light meals”. Paano ito sinusukat kung “full” o “light”, ang sariling
budhi na lang ang makakasagot.
5. Sino ba
at ano ang ginagawa ng isang nag-aabstinence (pag-iwas sa ilang pagkain gaya ng
karne)?
SAGOT: Ang
isang Katoliko na sa hustong gulang na 14 o higit pa ay kinakailangan umiwas sa
pagkain ng karne o sa anumang ipinagbabawal na kainin sa araw na itinalaga ang
pag-iiwas nito.
6. Saan makikita
ang mga kautusang ito?
SAGOT: Mababasa
ang mga ito sa Code of Canon Law o Kautusan ng Simbahan (Canon 1252) na
nagsasabi: Ang batas sa pag-iwas sa uri ng pagkain na ipinagbabawal kainin ay
nagbubuklod sa mga nakatapos ng kanilang 14 (age) na taon. Ang batas ng
pag-aayuno ay nagbubuklod sa mga nasa wastong gulang (age of majority) hanggang
sa simula ng kanilang ikaanimnapung taon.
7. Kasalanan
ba kapag hindi nakapag ayuno o nakaiwas sa pagkain ng karne?
SAGOT: Opo.
Dahil may batas na nagsasabi na kinakailangan mag-ayuno o umiwas sa ilang uri
ng pagkain ang isang Katoliko, at ang hindi pagsunod sa batas na ito ay nagkakasala.
Subalit walang karampatang parusa sa kasalanang ito sapagkat hindi naman
tinalakay sa Canon Law kung ano ang parusa dito. Ibig sabihin, nasa budhi na
lamang ng bawat isa ang pagsunod nito.
8. Kasalanang
MORTAL (mortal sin) ba kapag nakakain ng karne sa mga araw ng itinakda?
SAGOT:
Ang mga araw na itinakda upang ang isang Katoliko ay umiwas sa pagkain ng mga ipinagbabawal
ay LAHAT ng Biyernes sa loob ng isang taon at mas lalo na sa Miyerkules Badlis
at Biyernes Santo, hindi lamang pag-iiwas sa pagkain kundi ang pag-aayuno rin ay
kinakailangang gawin.
Maaaring maging
mortal na kasalanan ang hindi pag-aayuno o pag-iiwas kumain ng ipinagbabawal
kung ipinagwawalang-bahala ng isang Katoliko ang kautusan ng Simbahan na para
bagang hindi siya isang Katoliko at nilalapastangan niya lang ang turo ng
Simbahan.
9. Mabigat bang
kasalanan kapag nakakain ng karne ang isang Katoliko lalo na sa mga araw ng
Byernes ng Kwaresma?
SAGOT: Maaaring
malaking kasalanan kung ituring ang hindi pag-aayuno at pag-iiwas sa
ipinagbabawal na kainin sa araw ng Miyerkules
Badlis at Biyernes Santo. Pero sa
ibang mga araw ng Biyernes, hindi masasabing kasalanan
nga ang kumain ng karne. Sa halip na umiwas sa mga ipinagbawal na pagkain,
maaaring gumawa na lamang ang isang Katoliko ng ibang pamamaraan ng pagpapakasakit
sa sarili (self-denial) na ang katumbas pa rin nito ay ang diwa ng pagsisisi. Kapag
walang kapalit na may katumbas na pagsisisi, ang pagkain ng karne ay maaaring
ituring na kasalanan.
Mababasa
ito sa Code of Canon Law o Kautusan ng Simbahan (Canon 1253) na nagsasabi: Maaaring
matukoy ng Episcopal Conference ang mas natatanging mga paraan kung paano dapat
isakatuparan ang pag-aayuno at pagpipigil sa pagkain. Sa halip na magpigil o
mag-ayuno, maaari itong palitan, sa kabuuan o sa bahagi, ng iba pang mga anyo
ng pagsisisi, lalo na sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa at ng banal na
mga gawain.
10. Nasa
Bibliya ba ang mga gawaing ito?
SAGOT: OPO! Ayon kay San Lucas 9: 23-24: At
sinabi ni Hesus sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay
kinakailangan itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang
krus, at sumunod sa akin.”
No comments:
Post a Comment